Narito ang kuwento ng batang si Cash Gernon na kinidnap habang natutulog at natagpuang na lamanng patay ilang kanto mula sa kanilang bahay. Iwasang mangyari ito sa iyong anak.
Mababasa sa artikulong ito:
- Kaso ng pagkawala at pagkasawi ng batang si Cash Gernon.
- Tips kung paano maiiwasang ma-kidnap ang iyong anak.
Pagkidnap at pagkamatay ng batang si Cash Gernon
Cash Gernon kasama ang kakambal niyang si Carter/ Image from DailyMail UK
Viral ngayon sa social media at internet ang kuwento ng batang si Cash Gernon. Siya ang 4-anyos na batang kinidnap habang natutulog sa loob ng kaniyang crib sa kanilang bahay. Ilang oras matapos ang pangingidnap, si Cash natagpuang patay ilang kanto mula sa kanilang bahay.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis, nakilala ang suspek na kumidnap kay Cash madaling araw noong May 15, 2021. Ito ay sa pamamagitan ng CCTV footage sa loob mismo ng kuwarto na kung saan natutulog ang batang si Cash.
Kitang-kita sa video kung paano binuhat ng isang lalaki na noong una ay may tila hinahanap lang sa loob ng kwarto. Sa kuwartong ito naroroon ang bata. Hanggang sa lumapit siya sa bata at kinarga ang bata paalis.
Ilang oras matapos ang pangingidnap, natagpuang patay ang batang si Cash ilang kanto mula sa kanilang bahay. Ito ay puno ng sugat at naliligo sa kaniyang sariling dugo.
Pahayag ng mga pulis, alas-onse ng May 15 ng magpunta sa kanila ang girlfriend ng ama ni Cash na si Monica Sherrod, 35-anyos. Ayon kay Sherrod, si Cash umano ay nawawala.
Base sa kanilang CCTV, kinuha ito ng isang lalaki na kinilala ni Sherrod na si Darriyn Brown, 18-anyos. Ito umano’y dumaan sa garahe papasok sa kanilang bahay at sinira ang lock ng isa sa kanilang mga pinto.
Imbestigasyon sa sinapit ng batang si Cash Gernon
Kuha sa CCTV ng kinidnap ang batang si Cash Gernon habang natutulog sa kaniyang crib.
Bago pa man magpunta at mag-report sa kanila si Sherrod ay nai-report na sa kanila na may bangkay ng isang bata na natagpuan sa Saddleridge Drive, Dallas, Texas USA. Maraming sugat umano at puno ng dugo at nilalamgam na ang mga paa ng bata.
Ang nakakita sa bata ay isang babae na napadaan at nagjojogging sa nasabing lugar. Ayon sa mga nakatira sa nasabing lugar, palaging dumadaan at tumatambay rito ang suspek na si Brown.
Base pa rin sa imbestigasyon ng mga pulis, si Cash at ang kakambal nito ay nasa pangangalaga ni Sherrod mula pa noong Marso dahil sa wala ang ama nitong si Trevor Gernon, 31-anyos.
Hindi idinetalye ng mga pulis kung nasaan at kung bakit iniwan nito ang mga anak. Dagdag pa ng mga pulis, hindi alam ng ina ni Cash na ito at ang kakambal niya ay iniwan ng kanilang ama sa girlfriend nitong si Sherrod.
Matagal na umano nitong hinahanap kung nasaan ang mga anak niya. Dahil sa nangyari, nasa pangangalaga na nito ang anak at kambal ni Cash.
Samantala, sa ngayon ay sinampahan na ng kasong kidnapping at theft si Brown. Inaasahan namang madadagdagan pa ang kaso niya sa oras na lumabas na ang resulta sa ginawang forensic analysis sa nangyaring krimen, at mapatunayang siya rin ang may gawa sa sinapit na malagim na pagkakasawi ng batang si Cash Gernon.
Hanggang sa ngayon ay wala paring inilalabas na statement ang mga pulis kung ano ang posibleng motibo ni Brown sa pagpatay sa kaawa-awang bata.
Darriyn Brown, itinuturong suspek sa sinapit ng batang si Cash Gernon./ / Image from DailyMail UK
BASAHIN:
Huli ng CCTV kung gaano kadali at kabilis ma-kidnap ang bata
Isang babala ng tatay matapos muntik ma-kidnap ang anak dahil sa social media
9-year-old na babae, na-kidnap ng lalaking nakilala sa online game
Paano maiiwasang ma-kidnap ang iyong anak?
Para naman maiwasang maging biktima ng kidnapping ang iyong anak ay narito ang ilang tips na maaari mong gawin at pagkatandaan.
Kung lalabas ng inyong bahay
- Mag-set ng boundaries sa mga lugar na pupuntahan ng iyong anak. Huwag siyang hahayaang magpunta sa mga matatao at pampublikong lugar na siya’y nag-iisa at walang kasama.
- Huwag iiwan ang iyong anak sa stroller o sa loob ng sasakyan ng nag-iisa. Lalo kung kayo ay nasa labas ng inyong bahay o nasa pampublikong lugar.
- Pumili ng yaya o babysitter ng iyong anak na kilala at iyo ng mapagkakatiwalaan.
- Iwasang pasuotin ng mga damit na may nakasulat na pangalan niya ang iyong anak. Dahil ang mga bata ay mabilis magtiwala sa sinumang alam ang pangalan nila.
- Paalalahanan ang anak na huwag makikipag-usap sa hindi niya kilala o tumanggap ng kahit anong bagay mula sa mga ito ng hindi mo nalalaman.
- Ipasaulo sa anak ang kaniyang buong pangalan, address at iyong contact number. Para agad ka niyang ma-contact kapag may nangyari sa kaniya.
- Turuan ang anak na sumigaw ng tulong at tumakbo sa oras na may manakit o gumamit ng puwersa laban sa kaniya tulad ng pagpilit sa kaniyang sumama.
- Paalalahanan din ang anak na sa oras na may lumapit na sasakyan papunta sa kaniya at hindi niya ito kilala, agad na lumayo at dumistansya.
- Ituro at ipakilala sa kaniya ang mga taong maaari niyang puntahan. Tulad ng inyong kapitbahay sa oras na may hindi maganda o may nagtakang manakit sa kaniya.
- Sa ngayon, dapat mo ring bantayan ang mga activitibidad na ginagawa ng iyong anak sa social media. Sapagkat ito ang isa sa mga paraan ngayon ng masasamang loob na humanap ng bago nilang biktima.
Sa loob ng inyong bahay
- Siguraduhing kilala o mapagkakatiwalaan ang mga taong pinapapasok o pinapatulog sa loob ng inyong bahay.
- Sa pagtulog sa gabi siguraduhing maayos na nai-lock ang mga pinto o bintana sa inyong bahay. Pati na ang iba pang maaaring daanan ng masasamang loob para makapasok sa loob ng inyong bahay. I-double check din kung nasa maayos pang kondisyon o matibay ang lock na ginagamit ninyo.
- Kung maaari sa gabi ay huwag isara ang pinto ng kuwarto ng iyong anak. Para makita mo ang anumang nangyayari sa loob nito. Dapat ay abot-tanaw mo ang kwarto ng iyong anak.
- Makakatulong ang paglalagay ng alarm system at CCTV para malaman ninyo na may pumapasok ng masasamang loob sa inyong bahay.
- Siguraduhing may contact numbers kayo ng barangay, pulis at mga awtoridad. Para agad niyo silang matatawagan sa oras na may hindi inaasahang aksidente o insidente sa loob ng inyong bahay.
- Turuan ang anak na sumigaw ng tulong at tumakbo sa oras na may manakit o gumamit ng pwersa laban sa kaniya tulad ng pagpilit sa kaniyang sumama.
Source:
Inside Edition, Kid’s Health
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!