Nagdeklara na ng state of calamity ang lalawigan ng Cavite dahil sa pertussis outbreak o whooping cough.
Cavite state of calamity dahil sa whooping cough outbreak
Isinailalim na ng pamahalaang panlalawigan ng Cavite ang probinsya sa state of calamity dahil sa pertussis o whooping cough outbreak.
Ayon sa Resolution No. 3050-2024, na inisyu noong Miyerkoles, March 27, nakapagtala ang mga awtoridad ng 36 confirmed cases ng pertussis sa lalawigan ng Cavite. Kabilang na rito ang anim na nasawi dahil sa nasabing bacterial infection.
Narito ang bilang ng mga apektado ng whooping cough sa bawat lungsod at munisipalidad sa Cavite:
- Bacoor City – 6 cases; 1 ang namatay
- Trece Martines – 6 cases
- General Trias – 5 cases; 2 ang namatay
- Municipality ng General Mariano Alvarez – 4 cases
- Carmona City – 3 cases; 1 ang namatay
- Municipality ng Silang – 3 cases
- Dasmariñas City – 2 cases
- Municipality ng Kawit – 2 cases
- Imus City – 2 cases; 1 ang namatay
- Cavite City – 1 case
- Tagaytay City– 1 case
- Municipality ng General Emilio Aguinaldo – 1 case; 1 ang namatay
Lockdown sa Cavite dahil sa pertussis, fake news!
Napabalita na magkakaroon daw ng lockdown sa Cavite dahil sa pagtaas ng kaso ng pertussis o whooping cough.
Ayon sa isang online article, ang temporary lockdown daw ay magaganap sa Tagaytay, Tanza, General Trias, Carmona at Cavite City. Nakasaad din dito na required na muli ang pagsusuot ng facemask saan mang dako ng lalawigan.
Ang balitang ito ay pinabulaanan naman ng Cavite City Epidemiology and Surveillance Unit. Sa isang anunsyo sa social media, hinikayat ni CESU Head Zjeffrey dela Rosa ang publiko na mag-ingat sa mga fake news o pekeng impormasyon mula sa mga unverified sources sa social media at iba pang online platform.
“Inaanyayahan namin ang lahat ng magbasa at kumuha lamang ng mga tamang impormasyon sa mga lehitimong FB pages, partikular na sa CESU Cavite City FB page para sa tama at wastong mga impormasyon lalo na sa mga sakit pandemya, outbreak, clustering at iba pa,” saad ni dela Rosa.