Mag-asawa, nag-livestream ng C-section sa kanilang alagang poodle

Ayon sa mag-asawa, ginawa raw nila ang cesarean section sa aso na kanilang alaga dahil raw baka mamatay ang mga puppy na nasa loob nito.

Kinasuhan ang mag-asawa na nagsagawa ng illegal na C-section sa alaga nilang poodle. Bukod dito ay di umano’y nag-livestream pa ang mag-asawa habang ginagawa ang operasyon.

C-section, isinagawa sa alagang poodle

Ang mga suspek raw ay sina Jonathan and Evangeline Galguerra, na di umano’y nagsagawa ng operasyon sa kanilang buntis na aso gamit lamang ang gunting at kitchen knife.

Napag-alamang illegal rin palang nagbe-breed ng aso ang mag-asawa, at wala rin daw silang kaalaman sa pagsagawa ng C-section sa aso.

Ayon sa reklamo ng Philippine Animal Welfare Society, o PAWS:

“By performing a surgical procedure themselves without being registered veterinary professionals and without using anesthesia, the Respondents not only maltreated and abused an animal by inflicting needless pain and causing its death, they also neglected to provide the animal…and the puppies they delivered…with the veterinary care demanded by the situation.”

Nag-livestream pa raw sa Facebook ang mag-asawa habang inooperahan nila ang alagang aso. Dahil dito, maraming netizens na nakakita ng video ang nagalit, at nais na humarap sa batas ang mag-asawa para sa ginawa nilang krimen.

Ginawa raw nila ito dahi baka mamatay ang mga tuta

Base sa statement ng mga suspek tungkol sa nangyari, nais lang daw nilang sagipin ang mga tuta ng kanilang alaga. Bukod dito, sinabi pa nilang mamamatay na raw kasi ang kanilang alaga kaya’t napilitan silang operahan ang aso.

“Wala namang may kagustuhang mamatay ‘yung mama dog namin eh. Kahit kami, nagluluksa kami sa kanya. Ang dami naming aso. Hindi naman kami mag-aalaga ng mga aso kung paparatangan ninyo kami na malupit sa aso. Hindi, wala kayong karapatan husgahan ang kapwa mo,” aniya.

Taliwas naman ito sa sinabi ng ilang netizens na buhay pa raw ang aso sa video, at kitang-kita ang pagmamalupit na ginawa ng mag-asawa.

Kakasuhan ng animal cruelty at paglabag sa Philippine Veterinary Medicine Act ang mag-asawa.

Source: GMA Network

Basahin: 4-anyos, pumasok sa nasusunog na bahay upang sagipin ang alagang aso

Sinulat ni

Jan Alwyn Batara