Isang 4-anyos na bata ang matapang na pinasok ang kanilang nasusunog na bahay upang sagipin ang kaniyang alagang aso.
Ayon sa mga ulat, nakalabas na raw ng bahay at ligtas na ang bata, nang dali-dali raw itong pumasok muli upang sagipin ang alaga.
Nasusunog na bahay, pinasok ng bata upang sagipin ang alaga
Ang bata na si Daniel John Peralta ay nagpamalas ng katapangan nang sinubukan niyang sagipin ang kaniyang alagang aso. Nangyari raw ang insidente sa Lapuz, Iloilo.
Sa kasamaang palad ay hindi na nasagip ng bata ang kaniyang alaga. Ito ay dahil hindi na raw siya nakalabas ng bahay kasama.
Natagpuan na lang raw ang bangkay ng bata sa loob ng banyo, kasama ang alagang aso.
Ayon sa mga bumbero, wala raw kuryente ang bahay na pinagmulan ng sunog. Posible raw na isang napabayaang kandila ang naging sanhi ng apoy.
Nasa 20 na bahay raw ang nasunog dahil sa insidente. Pinoproblema ngayon ng mga residente kung paano makakabawi sa nangyaring trahedya.
Mahalagang mag-ingat laban sa sunog
Mayroon tayong kasabihan na “mabuti na ang manakawan, kaysa masunugan.” At napakatotoo ng kasabihang ito. Dahil kapag nasunugan ng bahay ang isang pamilya, napakahirap makabawi mula sa ganitong trahedya.
Bukod dito, malaki pa ang panganib na dulot nito sa mag-anak, kaya’t mahalagang alamin ng mga magulang ang tips para makaiwas sa sunog.
Heto ang mga dapat tandaan:
Prepare. Mas maige nang handa bago pa naman mangyari ang sakuna.
- Mag-install ng smoke alarm sa bahay.
- Lagyan ng smoke alarm sa labas ng mga kuwarto na tinutulugan.
- Palitan ang mga smoke alarms tuwing 10 taon. Siguruhing gumagana ang mga smoke alarm. Palitan ang mga baterya tuwing 6 na buwan.
- Iwasan ang octopus connection sa mga outlet at extension cords.
- Huwag mag-iwan ng buhay na mga kandila.
- Itago ang mga posporo at lighter sa mga bata.
- Kapag mag clothes dryer, huwag hayaan na maipon ang mga himulmol.
- Itapon ang mga lumang electrical appliances.
Practice. Siguruhin na mayroon kayong escape plan sakaling may mangyaring sakuna. Mag-practice kasama ang mga anak. Kung nakatira sa condo o apartment building, alamin kung saan ang mga fire escape.
Turuan ang mga anak ng mga sumusunod:
- Turuan sila ng Sto, Drop, and Roll technique kapag nasusunog ang damit nila.
- Turuan silang gumapang sa sahig palabas ng fire escape para maiwasan na makalanghap ng usok.
- Turuan na kailangan hawakan muna ang pinto bago ito buksan. Kapag mainit ang pinto, ibig sabihin may apoy sa kabilang side ng pinto at hindi ito dapat buksan.
- Turuan na huwag nang pumasok ulit sa nasusunog na building kapag nakalabas na.
Prevent. Kalimitan sa mga sunog, ang pinakamapanganib ang init ng apoy at ang usok. Kapag nakakalanghap ng mainit na hangin, nasusunog din ang baga. Habang ang usok naman ay masama sa baga at pinipigilan tayong makahinga ng maayos. Madalas, namamatay ang mga biktima ng sunog dahil sa paglanghap ng madaming usok.
Laging tandaan na ang nakakalasong usok ay pumupunta sa kisame muna bago nito punuin ang buong lugar, kaya importante na matutunan na gumapang para hindi ito malanghap.
Kapag may dalang baby, protektahan ito gamit ang iyong katawan, sakaling may mga mahulog na debris galing kisame. Sigurihin din na yumuko para hindi makalanghap ng usok si baby.
Kapag napuno na ng usok at apoy ang lahat ng lagusan, huwag nang umalis sa kuwarto. Takpan lahat ng siwang ng basang tela. Gumamit ng flashflight at itutok ito sa bintana. Pahigain ang mga bata sa kama. Unang tinitignan ng mga bumbero ang paligid ng kama ng bata kaya mas malaki ang tsansa na matagpuan sila agad.
Source: GMA News
Basahin: 4-taong gulang, himalang nakaligtas sa nasusunog na bahay
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!