Upang maiwasan ang anxiety o anomang stress na dulot ng first check-up ni baby sa pedia, lalo na sa mga first time maging mommy o daddy, mahalaga ang maging handa.
Mababasa sa artikulong ito:
- 5 bagay na dapat tandaan bago pumunta sa first check-up ni baby sa pedia
- Mga safety protocol sa check-up ni baby sa pedia sa panahon ng pandemya
5 bagay na dapat tandaan bago ang first check-up ni baby sa pedia
Karaniwang ini-schedule ng mga pedia ang first check-up ni baby dalawang linggo matapos itong ipanganak. Pero maaari rin namang magpa-check-up nang mas maaga si baby sa karaniwang schedule na ibinibigay ng pedia.
Mas makabubuting piliin ang schedule ng check-up kung kailan hindi masyadong busy ang pedia ni baby. Maaaring kumonsulta sa assistant ng pedia upang malaman kung anong oras magandang ipa-check-up si baby. Karaniwang inaabot ng 20 hanggang 30 minuto ang check-up.
Maglaan ng oras sa pag-fill out ng forms kung kailangan at sa paghihintay dahil may mga pagkakataon na inaabot ng overtime ang check-up ng mga baby sa pedia.
Makatutulong din kung may kasama kang primary caregiver sa first check-up ni baby sa pedia. Pero ‘wag masyadong mag-worry dahil siguradong ang first check-up ni baby sa pedia ay pagkakataon upang mas matuto at maging mas confident ka sa pagiging isang parent.
Narito ang ilan pa sa mga dapat paghandaan sa check-up ni baby sa pedia:
-
Suotan ng komportableng damit si baby at ihanda ang diaper bag na dadalhin
Sa check-up ni baby sa pedia, mula ulo hanggang paa ang i-eexamine ng doctor kaya makabubuting bihisan si baby ng damit na komportable. Siguraduhing madali itong mahuhubad at maisusuot muli.
Huwag din kalimutang dalhin ang diaper bag ni baby sa kaniyang check-up sa pedia; tandaang magdala ng kumot, baby bottle, pacifier, diapers, wipes, tissues, powder, at iba pa.
-
Magdala ng notebook at pen para sa mga mahahalagang impormasyon
Magdala ng notebook at panulat sa check-up ni baby sa pedia hindi lamang para sa mga mahahalagang bilin ng doktor na dapat isulat at tandaan kundi maaari rin itong magamit sa pag fill-out ng forms.
Siguraduhing isulat ang mga mahahalagang impormasyon tulad ng detalye ng insurance, weight at height ni baby, o anomang importanteng kondisyon o komplikasyong naranasan noong nagle-labor at sa mismong panganganak.
Tiyaking ilista ang detalye ng iyong medical history, mga gamot na ininom, at maging mga naranasan matapos ang panganganak, pati na rin ang isyu sa breastfeeding kung mayroon man.
-
Dalhin ang mga personal na kagamitan
Huwag kalimutang dalahin ang iyong ID, cellphone, susi, wallet, at iba pang mahahalagang bagay. Siguraduhin ding hindi mo ihihiwalay ang mga ito sa iyo upang maiwasan ang anomang isyu sa information and billings sa loob ng clinic o ospital.
-
I-che-check muna ng nurse si baby bago niyo ma-meet ang pedia
Dadaan muna sa preliminary check-up ng nurse si baby bago siya check-upin ng pedia. Kabilang sa preliminary check-up na ito ay ang pagtitimbang at pagsukat ng height ni baby.
Hindi dahil sa normal sa newborn babies na mabawasan ang timbang makalipas ang ilang buwan matapos ipanganak, ngunit mahalagang mabawi niya ang kaniyang timbang sa loob ng dalawa hanggang apat na buwan mula nang isilang.
-
Maghanda ng mga katanungan at maging ng mga kasagutan
Iba’t iba man ang proseso ng pag-check-up ng mga pedia, siguradong kabilang dito ay ang pag-examine sa baby, pag-educate sa mga magulang, pagtatanong at pagsagot din sa mga katanungan ng mga magulang.
Aalisin muna ng pedia ang damit ni baby upang mainspeksyon ang buong katawan nito tulad ng balat, mata, tenga, ilong, at bewang.
Kabilang din sa exam na maaaring gawin ng pedia ay pag-check sa heartbeat at pulso ni baby, at pag-inspeksyon sa umbilical cord o pusod, at maging ang reflexes ni baby.
Maaari ring tingnan ng pedia kung mayroong sintomas ng hernia (protruding skin) o jaundice (yellowish skin) si baby.
Aalamin din ng pedia ang feeding at sleeping pattern ni baby, gaano kadalas ito palitan ng diaper, at iba pang health issues.
Makabubuting dalahin ang immunization card ni baby sa kaniyang check-up sa pedia dahil itatanong din ng doktor ang kaniyang vaccine schedule.
Huwag mag-alinlangang magtanong sa pedia o linawin ang anomang hindi malinaw na impormasyon. Maaari ring maghanda na ng mga katanungan bago pa ang check-up ni baby sa pedia.
Pagkatapos ng check-up, siguraduhing magpa-schedule ng susunod na check-up ni baby sa pedia. Hingin ang cellphone number o office telephone number ng pediatrician upang madali itong ma-contact kung kinakailangan.
BASAHIN:
Baby massage benefits: bonding and showing love to your baby
Prolonged Jaundice in newborn: What to know and how it affects your baby
Mga safety protocol sa first check-up ni baby sa pedia sa gitna ng pandemya
Sa pagpapatuloy ng COVID-19 pandemic, mahalagang alamin ang mga dapat gawin bago ang check-up ni baby sa pedia upang masiguro ang kaligtasan.
-
Mag-research
Alamin kung ang pedia ba ni baby ay tumatanggap ng walk-in patients o kailangang mag-set ng appointment. Tawagan ang clinic at alamin ang kanilang schedule.
Alamin ang mga impormasyon tulad ng:
- Requirement ukol sa pagsusuot ng facemask at faceshield
- Limit ng mga taong maaring pumasok sa clinic
- Paano mag-set ng appointment sa doktor
- Paano sinisiguro ng clinic ang kaligtasan ng mga pasyente, tulad ng tamang pagsusuot ng personal protective equipment (PPE)
Kapag nalaman mo na ang mga detalyeng kailangan mo, ipaalam mo sa kanila kung kailan at anong oras ka pupunta upang ipa-check-up si baby sa pedia.
-
Kumpirmahin kung tuloy ang scheduled check-up
Sa araw kung kailan naka-schedule ang check-up ni baby sa pedia, bago umalis ng bahay ay tawagan ay tumawag muna sa clinic. Kumpirmahin ang kanilang availability dahil may mga pagkakataong nagca-cancel ng schedule ang ilang clinic. Kung masama naman ang pakiramdam ay agad na ipa-cancel ang appointment at magpare-schedule.
-
Pumunta lamang nang naaayon sa limit ng taong maaaring pumasok sa clinic
Ito ay upang maiwasang maimpeksyon ng COVID-19 virus mula sa matataong lugar at masiguro ang social distancing.
-
Maghugas ng kamay
Importanteng maghugas ng kamay dahil isa ito sa kinokonsiderang epektibong paraan upang maiwasang mahawa ng COVID-19. Hugasan ang kamay gamit ang sabon at tubig nang 20 segundo. Kung gagamit ng hand sanitizer, siguraduhing mayroon itong 60% alcohol content.
-
Magsuot ng Facemask
Makatutulong ang pagsusuot ng facemask upang maprotektahan mo ang iyong sarili at maging ang mga tao sa iyong paligid. Isa ito sa safety measure na kailangan upang maiwasang magkahawaan.
Magsuot ng cloth mask na recommended ng mga health expert. Karamihan sa mga clinic ay nagre-require na magsuot ng facemasks sa loob ng kanilang klinika.
-
I-maintain social distancing
Hangga’t maaari ay siguraduhing nasa 2 metro ang layo mo sa ibang tao. Isagawa ito maging sa pagpila at pag-upo sa mga waiting area.
Mayroong mga pananda ang ilang mga clinic, siguraduhing sundin ang mga markang ito. Kung mapunta sa crowded area, agad na lumipat sa mas maluwag na lugar.
-
Iwasang mapadikit sa mga bahagi ng clinic na madalas mahawakan ng iba
Mahirap iwasang mapadikit o mahawakan ang mga bagay na madalas ding mahawakan ng iba tulad ng doorknobs, elevator buttons, stair railing, at touchpads. Upang masiguro ang kaligtasan, ugaliing magdala ng alcohol o sanitizer at gamitin ito.
Mas makabubuti ring magdala ng sariling ballpen sakaling mayroong mga dokumento or resibong kailangang pirmahan.
-
Maligo pag-uwi ng bahay
Mahalagang maligo pagkauwi ng bahay upang malinis ang katawan matapos ang pananatili nang matagal sa labas ng bahay. Ito ay upang masiguro na ang lahat ng gamit at espasyo sa bahay ay hindi maiimpeksyon ng virus.
Kahit na napatunayang airborne ang nasabing virus, wala pa ring masama kung magdodobleng-ingat lalo na at mayroong baby sa bahay.
-
I-disinfect ang mga gamit
Siguraduhing i-disinfect ang iyong mga gamit tulad ng bag, sapatos, at lahat ng iyong mga ginamit sa labas. Ilagay agad ang inyong mga damit sa labahan at maligo. Ang pag-disinfect ay pumapatay sa mga germs at pumipigil sa pagkalat ng impeksyon.
-
Iwasang lumabas kung hindi kailangan
Palaging tandaan na ang kaligtasan ni baby ay mahalaga. Huwag lumabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan. Para naman sa mga importanteng dapat gawin sa labas, palaging sumunod sa safety protocols bago at matapos lumabas ng bahay.
Kung mas maraming beses kang magkakaroon ng interaksyon sa iba, mas mataas din ang posibilidad na mahawa ka ng COVID-19, kaya dapat na mag-ingat.
Siguraduhin ding magkusang magbasa ng mga parenting book at website upang madagdagan ang inyong kaalaman at confidence na maging best mommy at daddy!