Chicken Sopas Recipe: Ang all-time favorite noodle soup ng pamilyang Pilipino
Ang chicken sopas recipe na ito ay isa sa mga paboritong comfort food ng mga Pilipino. Bukod sa masarap at abot-kaya ang presyo, madali din itong lutuin.
Isa sa mga pinaka-popular na comfort food ng mga Pilipino ang chicken sopas recipe. Madalas itong kinakain tuwing almusal o merienda at inihahain din sa mga taong may-sakit upang gumaan ang kanilang pakiramdam. Masustansiya rin ito dahil naglalaman ito ng karne ng manok, mga gulay, evaporated milk at elbow macaroni. Kaya naman madalas din itong nasa menu ng mga food stalls at restaurants sa bansa.
Mababasa sa artikulong ito ang:
- Mga sangkap para sa chicken sopas
- Paraan ng pagluluto ng chicken sopas
Chicken Sopas Recipe sa Pilipinas
Parte ng kultura natin ang chicken sopas recipe. Wala pa man ang mga dayuhan sa Pilipinas, mahilig na ang ating mga ninuno sa mga pagkaing pinakuluan mula sa karne ng mga hayop.
Sa paglipas ng panahon, nagbago ang ilang paraan ng ating pagluluto at namana ang mga pagkaing impluwesiya ng iba’t ibang dayuhan. Isa sa mga ito ang chicken sopas recipe.
Nagmula ang salitang sopas sa salitang Kastila na sopa na ang ibig sabihin ay sabaw o soup sa Ingles. Sinasabing ang ating kasalukuyang bersyon ng chicken sopas recipe ay nagmula sa chicken noodle soup ng mga Amerikano. Ito’y dahil sa pagkakahawig ng ilang rekado nito gaya ng elbow macaroni at evaporated milk.
Sa ngayon, napakarami ng bersyon ng sopas na ginagamitan na rin ng ibang karne gaya ng baboy at baka. Maaari na ring gumamit ng corned beef o corned chicken para sa mas mabilis na pagluluto nito.
Puwede na ring palitan ang nakagisnang elbow macaroni ng shell pasta o salad macaroni na mas maliit ang sukat kaysa elbow macaroni.
Mga Sangkap ng Chicken Sopas Recipe:
Para sa chicken stock ng sopas:
- 1/4 kilo ng manok
- 1 medium sibuyas na pula, hinati sa apat
- 4 cloves ng bawang
- 2 piraso ng dahon ng laurel o bay leaf
- 1 kutsaritang pamintang buo
- 10 basong tubig
- 1 kutsaritang asin
Para sa nalalabing rekado ng chicken sopas recipe:
- 3 kutsarang cooking oil
- 1 medium sibuyas na pula, chopped
- 4 cloves ng bawang, minced
- 2 stalks ng celery, diced (optional)
- 3/4 baso ng carrots, diced
- 3 piraso ng hotdog, hinati ng pahilis o diagonally
- 3 slices ng SPAM Lite, diced (Ito ay optional lamang. Maaaring gumamit ng ham o sausage bilang alternatibo.)
- 1/2 piraso ng repolyo (puwede ring pechay baguio ang gamitin kung walang repolyo)
- 1 lata (12 oz) ng evaporated milk
- 2 baso ng uncooked elbow macaroni (maaaring gumamit ng shell pasta kung nais)
- Salt and pepper to taste (TIP: Maaaring gumamit ng patis bilang alternatibo sa asin)
BASAHIN:
Batangas Lomi recipe, na pwedeng-pwede niyong iluto sa bahay!
Halaan soup o tinolang halaan swak sa mga breastfeeding moms pati na rin sa buong pamilya
Para sa garnishing (optional):
- 3 nilagang itlog, hinati patayo
- green onion, chopped
Paraan ng pagluluto ng chicken sopas:
- Ilagay ang 10 baso ng tubig, manok, bawang, sibuyas, pamintang buo at dahon ng laurel sa isang malaking kaserola. Mas mainam kung ang karne ay may kasamang buto upang maging mas malasa ang iyong chicken stock. Pakuluuin ito hanggang sa lumambot ang karne ng manok. Habang kumukulo ito ay tanggalin ang mga lumulutang na sebo sa ibabaw ng tubig. Kapag malambot na ang manok, tanggalin na ito sa chicken stock. Itabi ang chicken stock. Palamigin ang karne ng manok bago ito himayin.
- Sa kaserolang ginamit sa paggawa ng chicken stock, ilagay ang mantika at igisa ang hotdog at SPAM Lite. Kapag luto na ito, ilipat sa isang platito at itabi muna. Muli itong ibabalik sa kaserola bago maluto ang chicken sopas recipe.
- Igisa ang sibuyas, celery, at carrots ng 3 hanggang 5 minuto o hanggang lumambot ito. Haluing maigi upang maging pantay ang pagkakaluto nito. Ilagay ang itinabing chicken stock at pakuluin ito. Kapag kumukulo na ang chicken stock, ilagay na ang elbow macaroni at pakuluin sa loob ng 10 minuto. Halu-haluin ito upang hindi dumikit ang elbow macaroni sa ilalim ng kaserola. Hinaan ang apoy sa medium heat at hayaan itong kumulo hanggang maging al dente ang elbow macaroni.
- Ilagay ang hinimay na manok, hotdog at spam sa kaserola. Ilagay na rin ang evaporated milk at haluin. Lagyan ng asin at paminta ang chicken sopas recipe na naaayon sa panlasa mo. Huling ilagay ang repolyo upang hindi ito ma-overcook. Huwag hayaang kumulo ng matagal ang chicken sopas recipe upang hindi mag-coagulate o mamuo ang evaporated milk.
- Ilagay ang nalutong chicken sopas recipe sa mga mangkok. Lagyan ng nilagang itlog at green onion sa ibabaw at ihain habang mainit pa.
Souce: