Child trafficking in the Philippines, ang patuloy na paglala ng krimen ng pagbebenta ng bata.
Child trafficking in the Philippines
Ang child trafficking ang isa sa mga pinakatalamak na krimeng kinasasangkutan ng mga batang Pilipino. Ito ay tumutukoy sa pagbili at pagbebenta ng bata o sanggol para magamit sa prostitusyon, pag-tratrabaho o sa pagbebenta ng bahagi ng kanilang katawan.
Base sa mga report ng mga international organizations, ang kaso ng child trafficking in the Philippines ang tinatayang isa sa may pinakamataas na bilang sa buong mundo. Karamihan umano ng mga biktima nito ay ginagamit sa exploitation o sex trade na may bilang na umaabot mula 60,000 to 100,000 na batang Pilipino.
Pero ang mas nakakabahala, mas bumabata ang biktima ng krimen na ito. Dahil ayon sa mga report, napatunayang ilang sanggol ang ibinibenta ng kanilang mga magulang sa oras na sila ay maipanganak.
Ang tunay ng sitwasyon ng child trafficking in the Philippines
Ito ang malungkot na katotohanang itinampok ng isang journalist na si Lynzy Billing sa isa niyang lathalain. Base sa kaniyang pag-iimbestiga, natuklasan niyang ang Pilipinas ang isa sa may pinaka-talamak na bentahan ng bagong silang na sanggol sa Southeast Asia. Ang presyo ng bentahan? Umaabot sa daang libong piso na may pinakamababang bentahan ng P 300.00 kada sanggol. At ang mas nakakabahala pa sa ngayon, ang bentahan ay ginagawa sa social media. O kaya naman ay sa tulong ng mga taong dapat ay pumoprotekta sa mga sanggol. Tulad nalang ng mga doktor na nagpaanak sa kanila.
Baby agents
Ang mga impormasyong ito ay mula mismo sa isang inang dalawang beses ng nagbenta ng kaniyang sanggol. Siya ay si Lucia na ibinahagi ring normal na sa kanilang kapit-bahayan sa Tondo, Maynila ang ganitong sitwasyon.
Dagdag pa ni Lucia, hindi rin daw mahirap maghanap ng mga mag-asawa o taong gustong bumili at mag-ampon ng sanggol. Dahil may mga tao sa kanilang lugar ang kilala bilang “middle dealer” o “baby agent” sa pagsasagawa ng mga ganitong transaksyon. Isa na nga rito si Mercy na sinabing ang pagbebenta ng sanggol ng kanilang ina ay paraan lang upang kanilang masiguro na magiging maayos ang mga buhay ng mga ito.
Tulad ni Lucia na ibinenta ang huli niyang anak sa isang mayamang mag-asawa sa Palawan. Mabigat man daw sa kaniyang kalooban kailangan niya itong gawin. Ito ay dahil sa kahirapan. Lalo pa’t sa ngayon siya ay mag-isa nalang na bumubuhay sa lima niya pang mga anak. Matapos makulong ang kaniyang asawa dahil sa illegal na droga.
Illegal na bahay-ampunan
Ngunit, hindi sa lahat ng oras ay napupunta sa mabubuting kamay ang mga ibibentang sanggol. Dahil ayon sa Department of Social Welfare and Services o DWSD, may mga naglabasan naring illegal na bahay-ampunan sa bansa. At ang mga ito ay nag-aampon ng bata hindi para bigyan sila ng maayos at malinawag na bukas. Kung hindi para gamitin sila sa mga krimeng lumalabag sa kanilang karapatan tulad ng child pornography at prostitution.
“There are foreign-owned foundations offering a place for mothers who have no money to give birth. They are not actually a health center, but they look legal because they have a permit from the DSWD. They are fully equipped, and they have doctors.”
Ito ang pahayag ni Hazel Lamberta Comerta mula sa DSWD at ICAB o Inter-Country Adoption Board.
Dagdag pa niya, ang mas nakakalungkot sa ganitong sistema ay ang kawalan ng lead ng mga magulang kung saan na napunta ang kanilang anak matapos ang pag-aampon. Dahil sinisiguro umano ng mga baby agents at illegal orphanage na ito na walang trace ang isinagawang bentahan ng sanggol o bata.
“Baby agents buy the child and then put it into the adoption system to leave a clean trail after an illegal dealing. No one can trace the crime. It’s child laundering, just like money laundering”, pahayag pa ni Comerta.
Batas kontra child trafficking
Ngunit, hindi dahil talamak ay ibig sabihin legal na ito. Dahil sa ilalim ng Republic Act 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act ito ay mahigpit na ipinagbabawal. At ang sinumang mapatunayang guilty sa paglabag sa batas na ito ay maaring makulong ng hanggap 20 years at mag-multa ng hindi bababa sa isang milyong piso.
Kaya naman para sa mga magulang na naiisipang ipagbili o ipaampon ang kanilang anak dala ng kahirapan, dapat ay pag-isipan nila itong mabuti. O kaya naman ay mabuting lumapit o humingi ng tulong sa DSWD. Ito ay dahil may mga programa silang binuo para sa mga ganitong sitwasyon at may mga organisasyon din silang maaring maisagawa ang pag-aampon ng legal. Ito ay may kalakip na kasiguraduhang malalagay sa maayos na kamay ang mga sanggol na ipapaampon at mababawasan ang kaso ng child trafficking in the Philippines.
Photo: Unsplash
Basahin: Proseso ng pag-aampon sa Pilipinas: Mga hakbang at kwalipikasyon