Adoption process in the Philippines, paano nga ba isinasagawa?
Adoption process in the Philippines
Sa Pilipinas, ang legal na pag-aampon o legal adoption ay ang prosesong ginagawa upang legal na maging parte ng isang adoptive family ang isang bata o sanggol na wala ng magulang o kaanak.
Ito ay maari ring isagawa kung ang isang bata o sanggol ay pinabayaan na ng kaniyang magulang o biological parents. O kaya naman ay dahil hindi na kaya pang tugunan ng mga ito ang pag-aaruga o pagbibigay ng kaniyang pangangailangan. Ang mga batang maaring dumaan sa prosesong ito ay hindi dapat lalagpas sa 18 taong gulang.
Dito sa bansa, ang usapin ng legal adoption ay kinakatawanan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD. At may dalawang uri ng pag-aampon ang kinikilala.
Una ay sa pamamagitan ng isang lisensyadong ahensya ng DSWD na kung saan sila na ang nag-aasikaso ng mga dokumento at hakbang na dapat gawin.
Pangalawa, ay ang direktang pagbibigay o pag-aampon ng isang bata ng kaniyang biological parents sa kadugong pamilya o kamag-anak.
Para masimulan ang adoption process in the Philippines ay kailangan munang malaman ng isang gustong mag-ampon ang sumusunod na kwalipikasyon, dokumento at kabuuang proseso.
Ano nga ba ang kwalipikasyon ng isang gustong mag-ampon?
Hindi lahat ay maaring mag-ampon. Para masimulan ang proseso ay may mga kwalipikasyon na dapat taglayin ang isang gustong mag-ampon o adopter ng isang bata.
Una ay dapat mas matanda ang adopter ng hindi bababa sa 16 taon sa edad ng batang gustong ampunin o adoptee. Maliban nalang kung ang mag-aampon ay ang biological parent, kapatid o kaya naman ay asawa ng magulang ng batang aampunin.
Kinakailangan rin ay mapatunayan ng adopter na siya ay may kapasidad na maisagawa ang duties o responsibilities bilang isang adoptive parent.
Dapat din ay nasa tamang posisyon siya para masuportahan, pag-aralin at ibigay ang pangangailangan ng bata na kaniyang aampunin.
Nagtataglay din dapat siya ng good moral character at hindi nakagawa ng kahit anong krimen. Higit sa lahat ay kailangan niyang dumaan sa pre-adoption prosess sa ilalim ng ahensiyang napili niyang isagawa ang legal na proseso ng adopsyon.
Adoption process in the Philippines
Kung ang pag-aampon ay isasagawa sa pamamagitan ng isang lisensyadong ahensya sa ilalim ng DSWD. Ang sumusunod na proseso ang maaring pagdaanan ng pag-aampon.
1. Paghahanap ng mga potensiyal na adoptive family.
Ang potential adoptive family ng isang bata ay dapat interesadong mag-apon at may magandang hangarin para sa kaniya.
2. Pagkalap ng mga aplikanteng mag-aampon at pagtukoy sa background nito.
Mahalagang malaman ang background ng isang gustong mag-ampon upang masigurong mabibigyan niya ng healthy at safe living environment ang batang gusto niyang ampunin.
3. Pagpili ng pamilya o magulang na makakapagbigay ng maaayos na buhay sa bata.
Ang pamilyang mapipili bilang adoptive family ay dapat may kapasidad na emosiyonal at pinansiyal para maprotektahan at mapalaki ng maayos ang isang bata.
Ang hakbang na ito ay isinasagawa sa tulong ng Child Welfare Specialist Group o CWSG. Ito ay binubuo ng DSWD social worker, abugado, doktor, psychologist at isang NGO representative. Sila ang mag-aasikaso at mag-aapruba sa tamang pamilya na mag-aampon sa isang bata.
Dito rin inaalam ang mga detalye tungkol sa kung anong edad o gender ang gustong ampunin ng isang adoptive parent. At dito rin itinatanong kung handa ba silang mag-ampon ng isang batang may developmental delay o kapansanan.
Pinaghaharap rin ang bata at mga magulang o pamilya na nais mag-ampon upang makilala nila ang isa’t-isa at malaman ang compatibility nila bilang isang adopter at adoptee.
4. Paghahanda sa bata bago pa ito tuluyang tumira sa pamilyang mag-aampon sa kaniya.
Pagkatapos makahanap ng tugmang pamilya para sa bata ay ihahanda na ang paglalagay sa bata sa napiling pamilya. Ito ay nagsisimula kapag naaprubahan na ng DSWD ang pamilyang mag-aampon. Sunod ang pagkakaroon ng pre-adoption placement authority na maglilipat ng responsibilidad at karapatan sa bata sa mga magulang na mag-aampon sa kaniya.
Upang masiguro ang pagtanggap ng bata sa bagong kapaligiran na kaniyang titirhan, siya ay ilalagay muna sa supervised trial custody.
5. Pagsasagawa ng supervised trial custody.
Ang supervised trial custody ay isinasagawa sa loob ng anim na buwan. Ito ang panahon kung saan naka-monitor ang pamumuhay ng bata sa ilalim ng kaniyang bagong magulang. Kada buwan ay bibisitahin ng isang social worker ang bahay ng mga nag-ampon sa bata upang kamustahin at tingnan ang kalagayan nito. Ang bawat pagbisita ay nakatala na gagamiting basehan para sa tuluyang pag-aampon sa bata.
Sa pagkakataong hindi naging maganda ang kinalabasan ng trial custody, ang pag-aampon sa bata ay hindi matutuloy. Ngunit, kung ang trial custody ay nagkaroon ng mabuting epekto sa parehong adoptee at adopter ay maari ng magpatuloy sa pag-lelegalized ng pag-aampon.
6. Tuluyang pag-ampon at paghayag ng final decree ng pag-aampon.
Matapos ang matagumpay na anim na buwang trial custody, ang DSWD ay magbibigay ng consent to adopt. Ngunit, kung ang batang inaampon ay illegitimate child ng kaniyang biological parents ay hindi na kailangan nito.
Para maging legal ang pag-aampon ay dapat mai-sumite ang petisyon sa family court ng munisipyo, lungsod o probinsya na tinitirhan ng mag-aampon. Isang abugado ang mag-aasikaso nito na kailangang dinggin sa korte upang masinsinang mapag-aralan.
Pagkatapos nito saka pa lamang mapagtitibay ang decree of adoption. Dito na sisimulang ayusin ang amended birth certificate ng batang inaampon na kung saan siya ay may bago ng pangalan at apelyido.
7. Pagrerekumenda ng support group para sa mga nag-ampon.
Para naman masagot ang mga katanungan ng mga adoptive parents na may kaugnayan sa pag-aadjust sa bago nilang responsibilidad ay may mga support groups na maaring makatulong sa kanila. Ang mga ito ay maari rin nilang makilala o matukoy sa tulong ng DSWD o ang ahensyang nagsaayos ng kanilang pag-aampon.
8. Pagsailalim sa post-legal adoption counselling.
Ito ay isinasagawa upang masuportahan ang psychological at emotional needs ng nag-ampon at batang inampon. Ang counseling ay maaaring may kinalaman sa pinagdaanan ng bata o ang kaniyang paghahanap sa tunay niyang magulang o biological parents.
Mga requirements o kailangang dokumento sa pag-aampon
Samantala, pagdating sa mga dokumentong kinakailangan sa pag-aampon, karamihan sa mga ito ay manggaling sa DSWD o ahensiyang nag-aasikaso ng pag-aampon.
Mahalaga na magkaroon ng Social Case Study Report o SCSR. Ito ang dokumentong nagtatala sa social, economic, cultural, at psychosocial background ng batang aampunin na isinasagawa ng isang lisensyadong social worker.
Sa report rin na ito nakasaad ang mga detalye tungkol sa biological parents ng batang aampunin.
Para sa mga mag-aampon ay mayroon namang tinatawag na Home Study Report. Ito ang dokumento na nagpapatunay na ligtas at magiging maayos ang pamumuhay ng batang aampunin sa bahay ng mag-aampon sa kaniya.
Ang mag-aampon at batang aampunin ay dapat ding magkaroon ng kasulatan o patunay na sila ay dumaan sa counseling. Ito ay para kanilang maintindihan ang prosesong pagdadaanan na malaki ang magiging epekto sa kanilang buhay.
Source: Philippine Information Agency
Photo: Freepik
Basahin: Alamin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pag-aampon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!