Simulated Birth Rectification Act, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte!
Ganap ng isang batas ang Republic Act 11222 o Simulated Birth Rectification Act na naglalayong magpabilis at magpadali ng proseso ng pag-aampon sa Pilipinas.
Ang batas ay pinirmahan ng Pangulo nitong February 21 at nai-release kahapon, March 14.
Ano ang Simulated Birth Rectification Act?
Ayon sa datos ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, 6,500 na batang Pilipino ang idineklarang available for adoption.
Ngunit maliit na porsyento lamang sa kanila ang inaampon dahil sa matagal at magastos na proseso ng adoption sa Pilipinas.
Ang halos 4,000 nga sa mga batang ito ay nasa ilalim ng pangangalaga ng state at non-state run residential care facilities.
Ngunit sa tulong ng bagong batas na Simulated Birth Rectification Act ay mababawasan na ang mga batang walang tinatawag na magulang at pamilya.
Ang simulation of birth ay isinasagawa sa pamamagitan ng pag-tamper ng records ng isang bata sa civil registry para maipakitang ito ay ipinanganak ng hindi niya naman biological na ina.
Sa ilalim ng Simulated Birth Rectification Act ay mas maging mabilis at simple na ang adoption process sa bansa.
Pinapayagan rin ng batas na ito ang rectification ng simulated birth ng isang bata na kung saan ang ginawang simulasyon ay para sa ikabubuti ng nasabing bata.
Bagamat tuluyan ng mawawala ang orihinal na pagkakakilanlan at status ng isang bata sa pamamagitan ng batas na ito. Binibigyan naman nito ang batang sumailalim sa simulation of birth ng lahat ng benipisyo at karapatan ng mga legally-adopted na mga bata.
Binibigyan rin nito ng amnestiya ang mga taong gumawa at tumulong sa simulation of birth lalo na kung ito ay ginawa para lamang sa ikabubuti niya.
Mas magiging simple at mura na rin ang administrative adoption proceedings lalo na sa mga nagsagawa ng simulated birth sa tulong ng batas na ito.
At para mai-avail ang child adoption proceedings ay dapat kasama ng namumuhay ng mag-aampon ang bata ng hindi baba sa tatlong taon bago naging epektibo ang nasabing batas.
Kinakailangan rin ng isang patunay mula sa social welfare department na ang bata ay legally available for adoption.
Dapat ding mapatunayan na itinuring ng nasabing mag-aampon ng bata na ito ay tinarato niya bilang tunay niyang anak.
Para naman makapag-apply ng amnestiya ang sinumang nagsagawa ng simulation of birth ay kailangan lang nilang mag-file ng petisyon sa adoption kalakip ang application for rectification ng simulated birth record sa loob ng lamang ng sampung taon mula ng maging effective ang Simulated Birth Rectification Act.
Sa ilalim naman ng bagong batas ay may ilang qualifications ang dapat taglayin ng mga Pilipinong gustong mag-ampon ng isang bata.
Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:
- Dapat ay Filipino Citizens na nasa legal age
- May full civil capacity at legal rights
- May good moral character at hindi pa na-convict sa kahit anong krimen
- Emotionally at psychologically capable na mag-alaga ng bata
- At may kakayahang suportahan at ibigay ang pangangailangan ng bata
Para naman sa mag-asawa na kung saan ang isa ay foreigner at naikasal sa isang Pilipino, dapat ang nasabing banyaga ay nakatira na sa Pilipinas ng hindi bababa sa tatlong taon bago ang filing ng petition for adoption.
Imbis na dumaan sa mahabang court proceedings ang mga gustong mag-ampon ng isang bata ay maaring mag-file lang petition for adoption sa kanilang social welfare development officer ng syudad o bayan kung saan nakatira ang aampuning bata.
Ang social welfare secretary naman ay dapat maglabas ng desisyon kaugnay sa nasabing petisyon sa loob ng 30 days matapos matanggap ang recommendation mula sa regional director ng ahensya.
Sa oras na makumpleto na ang lahat ng requirements at naaprubahan na ang petisyon, ang batang inampon ay ituturing na lehitimong anak ng nag-ampon sa kaniya at tatanggap ng lahat ng karapatan at obligasyon ng isang tunay na anak na itinakda ng batas.
May nauna ng batas na tumutukoy sa adoption sa Pilipinas na kung tawagin ay Republic Act 8552 o ang Domestic Adoption Act.
Sa ilalim ng batas na ito ay pinaparusahan ang sinumang gagawa ng fictitious o gawa-gawa lang na birth registration ng isang bata lalo na kung ito ay hindi naman niya tunay na magulang.
Ang batas na ito ang itinuturong dahilan ni Senator Grace Poe na principal author ng Simulated Birth Rectification Act ng pagiging mahirap at magastos ng pag-aampon sa Pilipinas.
Sources: Philstar, PNA
Photos: Freepik, Sue Zeng on Unsplash
Basahin: Alamin: Lahat ng dapat malaman tungkol sa pag-aampon
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!