Isang bata mula sa Wuhan City, China ang nag-positive sa pancoronavirus at kasalukuyang naka-admit sa isang ospital sa Cebu City. Patuloy na inoobserbahan ng Department of Health ang sitwasyon at pinadala na ang kanyang specimen sa Australia upang malaman kung anong specific coronavirus strain ito. Hinihikayat nila ang lahat na maging handa at inalerto din ng DOH ang mga emergency departments at health facilities ng bansa upang paigtingin ang ating standard infection prevention.
May posibilidad na kumalat sa buong mundo ang coronavirus na mula sa China, ayon sa World Health Organization. Pinaaalalahanang mag-ingat at maghanda ang mga bansa sa buong mundo.
China coronavirus
Nagbabala ang WHO na maaring kumalat sa buong mundo ang misteryosong sakit na China coronavirus. Lalo pa ngayong nalalapit na ang Chinese New Year kung saan karamihan ng mga Chinese ay nagbabakasyon.
Ang China coronavirus ay isang respiratory disease na kahalintulad ng trangkaso ang mga sintomas tulad ng sipon, ubo, lagnat at hirap sa paghinga. Ang mga sintomas na ito ay maaring mauwi sa isang uri ng pneumonia na lubhang mapanganib at nakamamatay.
Unang naiulat na kumalat ang sakit sa Wuhan, China na kung saan nasa 200 na tao na ang infected. Tatlo naman ang kumpirmadong nasawi dahil dito.
Tinatawag din itong 2019-nCoV na bagong strain ng coronavirus. Ayon sa mga mananaliksik, nalalapit ito sa SARS virus na kumitil ng halos 800 tao noong taong 2000. Nabibilang sila sa parehong pamilya ng mga viruses pero ito pa lang ang unang pagkakataon na tumama ang sakit sa mga tao.
Dagdag pa nila, ang sakit ay nagmula sa mga hayop, ngunit sa ngayon ay hindi pa nila maipaliwanag kung paano ito nalipat sa mga tao. Isa lang ang kanilang nakumpirma, ang sakit ay nakakahawa. Ito ay kanilang natuklasan matapos magkaroon ang 14 medical workers ng sakit habang ginagamot ang mga pasyenteng infected nito.
Pagkalat ng sakit
Sa ngayon maliban sa Wuhan ay may naitala na ring kaso ng China coronavirus sa Beijing, Shanghai at Shenzhen, China.
May mga kumpirmadong kaso rin ng sakit sa Japan, Thailand at South Korea. Ang mga pasyenteng kumpirmadong infected ng sakit ay pawang nanggaling at bumisita sa city ng Wuhan.
Bagama’t wala pang inihahayag na pagbabawal sa pagbyahe at palitan ng kalakal sa mga bansang kasalukuyang apektado ng sakit, nagsimula nang maghigpit ang mga paliparan sa Singapore, Hongkong at Tokyo. Pati na rin ang mga paliparan sa San Francisco, Los Angeles at New York. Ini-screen na ang mga pasahero lalo na ang mga nagmula sa Wuhan, China na pinagsimulan ng sakit. At kailangang dumaan sa quarantine ang sinumang nagpapakita ng sintomas nito.
Kahapon sa Kalibo Airport sa Aklan ay may tatlong Chinese ang naiulat na hinarang matapos makitaan ng mga sintomas ng sakit. Sa ngayon, ay naka-quarantine pa rin ang mga sinasabing Chinese habang hinihintay ang resulta ng test ng kanilang specimen mula sa Research Institute for Tropical Medicines o RITM.
Paano makakaiwas sa China coronavirus
Kaugnay nito ay patuloy na nagbibigay paalala ang World Health Organization, hindi lang sa mga kalapit na bansa ng China kung hindi pati na rin sa mundo, na kung maari ay iwasan ang unprotected contact sa mga buhay na hayop. Lutuin ring maigi ang mga karne ng hayop at itlog at iwasan din ang close contact sa sinumang nagpapakita ng mga sintomas ng sakit na tulad ng trangkaso.
Maghugas lagi ng kamay at magsuot ng face mask. Ugaliin ding magtakip ng ilong at bibig sa tuwing babahing o uubo. Higit sa lahat ay iwasan munang bumisita o magpunta sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng China coronavirus.
Source:
BBC News, Reuters, GMA News, Cebu Daily News Inquirer
9 na mga sakit na at risk na magkaroon ng outbreak muli