Kamakailan lamang ay nagdeklara ang Department of Health (DOH) ng polio outbreak sa bansa. Ayon sa DOH, malaking bagay ng muling pagpasok ng sakit sa bansa ay ang bakuna. Bumaba na kasi ang bilang ng mga magulang na nagpapa bakuna sa sanggol.
Sa pagbaba ng dami ng mga nagpapabakuna, may ilang sakit na madaling kumalat. Alamin natin ang mga ito at kung kailan dapat tumanggap ng bakuna ang bata para maiwasan ito.
Bakuna sa sanggol ang kailangan para makaiwas sa mga sakit na ito
Bulutong
Ang bulutong ay isang nakakahawang sakit na dulot ng varicella-zoster virus (VZV). Nagdudulot ito ng makakating mga rashes na maaaring magsimula sa mukha, dibdib o likod. Delikado ito sa kalusugan ng sanggol dahil sa bacterial infections na maaari nitong idulot sa balat at soft tissues ng bata. Maaari din itong magdulot ng impeksiyon sa baga, utak, o maging sa dugo.
Upang maka-iwas ang mga bata sa pagkakaroon ng bulutong, maaari silang bigyan ng bakuna laban dito. Ang varicella vaccine ay maaaring ibigay sa bata na nasa isang taong gulang.
Beke
Ang beke ay nakikilala sa pamamaga ng mga pisngi at pagnanakit ng panga. Ito ay isang sakit na dulot ng virus at maaaring makahawa sa pamamagitan ng contact sa laway o droplets na mula sa bibig, ilong o lalamunan. Ang paghawak din sa mga bagay ng may beke ay maaaring mapagmulan ng pagkahawa dito.
Maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng biki sa pamamagitan ng MMR na bakuna sa sanggol. Ang unang dose ng MMR ay maaaring ibigay sa bata mula 12 hanggang 15 buwang gulang. Ang ikalawang dose ay ibibigay mula sa 4 hanggang 6 taong gulang.
Diphtheria
Isa ang diphtheria sa mga sakit na kumakalat ngayon sa bansa. Ito ang pagkakaroon ng matitigas na membrane sa likod ng lalamunan na nagpapahirap sa paghinga. Ang impeksiyon na ito ay dahil sa bacteria na Corynebacterium diphtheriae. Tulad ng biki, naipapasa ito sa mga pamamagitan ng mga droplets mula sa may impeksiyon.
Ang bakuna na DTaP ay ang pinakamabisang paraan para maprotektahan ang mga sanggol mula sa diphtheria. Ang unang dose nito ay ibinibigay sa batang 6 na lingong gulang. Susundan ito ng ikawalang dose sa ika-10 lingong gulang at ikatlong dose sa ika-14 linggong gulang.
Hepatitis A
Ang hepatitis A ay nakakahawang sakit na nakaka-apekto sa atay ng tao. Ito ay dala ng virus na hepatitis A virus (HAV). Naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng pagkain o mga inumin na meron ng virus na ito. Nagdudulot ito ng fatigue, pananakit ng tyan, pagkahilo, at jaundice.
Ang bakuna para sa hepatitis A ay ibinibigay sa mga batang hindi bababa sa isang taong gulang ang edad.
Hepatitis B
Tulad ng hepatitis A, ang hepatitis B ay nakaka-apekto sa atay ng tao. Ito naman ay dulot ng virus na hepatitis B virus (HBV). Maaari itong maipasa sa mga body fluid tulad ng dugo o semen. Kumakalat ito sa pakikipagtalik o maging sa paggamit ng mga karayom o injection na ginamit ng may sakit nito.
Para maprotektahan ang mga bata mula sa hepatitis B, mayroon ding bakuna para dito. Inirerekumenda ng DOH ang unang dose ng bakuna sa ika-4 na lingong gulang ng bata. Susundan ito ng ikalawang dosis sa ika-10 lingo at ikatlong dose sa ika-14 lingo. Mula isang taong gulang pataas, makakabuting tumanggap ng mga booster shots.
Influenza
Ang Influenza ay mas kinikilala sa tawag na flu na dulot ng influenza virus. Kinikilala ito sa ating bansa bilang trangkaso. Maaari itong gumaling nang kusa ngunit maaari rin itong lumala at humantong sa kamatayan. Delikado ito sa mga bata dahil hindi pa sapat ang tibay ng kanilang immunity laban sa sakit na ito.
Inirerekumenda ng DOH ang taon-taon na pagtanggap ng bakuna laban sa flu. Sisimulan ito sa bata pagdating ng isang taong gulang at tuloy-tuloy na kada taon. Makakabuting magpa-bakuna nito sa mga panahon bago ang mag tag-ulan para protektado ang katawan.
Pertussis
Dala ng bacteria na Bordetella pertussis, ang pertussis ay isang nakakahawang sakit. Kilala ito sa tawag na whooping cough na nagdudulot ng malalalang pag-ubo na nagpapahirap sa paghinga. Bata man o matanda ay maaaring mahawa nito ngunit delikado at maaari itong ikamatay ng mga sanggol.
Ang bakuna ng pertussis ay kabilang sa bakuna para sa diphtheria. Ang unang dose nito ay ibinibigay sa batang 6 na lingong gulang. Susundan ito ng ikawalang dose sa ika-10 lingong gulang at ikatlong dose sa ika-14 lingong gulang.
Pneumonia
Ang pneumonia ay impeksiyon sa baga na maaaring maka-apekto sa bata man o matanda. Isa ito sa limang sanhi ng pagkamatay dahil sa sakit sa mga bata sa buong mundo. Kadalasang nakakaranas ng pag-ubo, lagnat at hirap sa paghinga ang mayroon ng sakit na ito.
Isa sa pinakamabisang paraan para maiwasan ang pneumonia ay ang pagbabakuna habang bata pa lamang. Ang PCV13 ay ibinibigay sa mga sanggol pagdating pa lamang ng 2 buwang gulang. Inuulit ito sa ika-4 na buwan, ika-6 na buwan at sa ika-12 buwang gulang na mga edad.
Tigdas
Ang measles, o mas kilala bilang tigdas, ay nakakahawang sakit na madaling magdulot ng komplikasyon. Naipapasa ito sa pamamagitan ng pag-ubo o maging sa hangin sa kwarto kung saan may umubo na may tigdas. Kahit wala pang sintomas ang isang tao, maaari na itong makahawa ng tigdas.
Maaaring maiwasan ang pagkakaroon ng tigdas sa pamamagitan ng MMR na bakuna sa sanggol. Ang unang dose ng MMR ay maaaring ibigay sa bata mula 12 hanggang 15 buwang gulang. Ang ikalawang dose ay ibibigay mula sa 4 hanggang 6 taong gulang.
Sources: Bulutong, Biki, Diphtheria, Hepatitis A, Hepatitis B, Influenza, Pertussis, Pneumonia, Tigdas
Baahin: Polio Virus Type 2 ang dumapo sa bansa; bakuna paparating pa lang ngayong October
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!