Gamer at streamer, nakabili ng dream house para sa kaniyang pamilya

Adik ba si Mister sa mobile games, maaring maging daan ito sa tagumpay niya tulad ng gamer na ito. Pero may mga paraan naman na maari kang gawin kung naapektuhan na nito ang relasyon niya sa inyong pamilya.

Kilalang gamer at streamer na si Chooxtv Edgar Dumali nakabili na ng dreamhouse para sa kaniyang pamilya gamit ang kaniyang kinita sa hilig sa paglalaro ng Mobile Legends.

Chooxtv Edgar Dumali success story

Pinatunayan ni Chooxtv Edgar Dumali na hindi imposibleng maging matagumpay habang ginagawa mo ang bagay na iyong kinahihiligan. Ito ay dahil sa tulong ng kaniyang hilig sa paglalaro ng role-playing game na Mobile Legends ay nabili niya na ang kaniyang pinapangarap na bahay para sa kaniyang pamilya.

Image from GMA News

Ibinahagi ni Edgar na noong una ay inakala ng pamilya niya na ang pagkahilig niya sa Mobile Legends ay aksaya lang sa oras at walang maidudulot na mabuti sa kaniya. Lalo pa’t nagmula sila sa mahirap na pamilya sa Mindanao na kung saan nga nag-ugat ang pagsisikap niyang tuparin ang mga pangarap niya.

“Palipat-lipat kami ng tinitirahan dahil iyong Papa ko iba-ibang trabaho pinapasok. May mga panahong minsan kinakain namin mga kamote na lang.”

Ito ang ikinuwento ni Edgar sa kaniyang panayam sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho.

Dagdag pa niya, para nga siya ay mapag-aral ay nagtulong-tulong ang mga kapatid niya na suportahan siya. Ngunit naudlot ang pag-aaral niya ng magsimula siyang mahilig sa paglalaro ng Mobile Legends. Paulit-ulit man siyang pinagsasabihan ng mga ito na wala itong maidudulot na mabuti sa kaniya ay hindi ito tinigilan ni Edgar. Sa halip ay mas lalo niya pang pinaghusayan ang paglalaro at pinag-aralan ang iba pang skills na may kaugnay dito. Ito ay dahil nais niyang patunayan sa kaniyang pamilya na ang paglalaro niya ay hindi pagsasayang ng oras.

Mobile Legends gamer at live-streamer

Image screenshot from ChooxTV YouTube account

Hanggang sa maisipan niya ngang maging streamer sa YouTube sa likod ng pangalang ChooxTV. Sa pamamagitan nito ay gumagawa o ni-lilivestream ni Edgar ang mga paglalaro niya. Maraming gamers naman ang agad na nag-follow at subscribe kay Edgar. Ito ay dahil sa nakakatuwang boses na ginagamit niya at expressions na sinasabi niya habang naglalaro.

Sa katunayan, bilang pasasalamat sa mga subscribers ni Edgar ay ipinarinig niya lang ang totoong boses niya sa mga ito ng umabot na sa 1million subscribers ang YouTube channel niya noong October 2019. Ang bilang na ito ay malayo na sa aktwal na 3.72 million subscriber ng ChooxTV ngayon.

Mensahe para sa mga kapwa niya gamers

Image screenshot from ChooxTV Youtube acount

Ang tagumpay na ito ayon kay Edgar ay utang niya sa kaniyang partner na si Angel. Ito umano ang nag-inspire sa kaniya na ibigay ang best niya sa kaniyang ginagawa. Ngunit pati ang relasyon niya kay Angel at mga anak nila ay minsan ring naapektuhan ng paglalaro niya.

Kuwento nga ni Angel sa panayam niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho, dumating nga daw sa punto na iniwan niya at ng kaniyang mga anak si Edgar. Dahil ito ay nawalan na ng oras sa kanila at masyado ng naadik sa paglalaro.

Ito daw ang naging eye-opener ni Edgar para magdahan-dahan at magkaroon ng limitasyon sa paglalaro.

“So kung may magandang maidudulot yung pag-i-stream natin, meron ding masama pag sobra. So kailangan po natin ’tong limitahan, i-control po natin.”

Ito ang pahayag ni Edgar na nagsilbing paalala rin sa mga kapwa gamers niya.

Dagdag pa niya ay labis rin siyang nagpapasalamat sa mga followers niya, dahil kung hindi dahil sa kanila ay hindi siya magkakaroon ng pinapangarap niyang bahay. At ngayon siya naman ang tumutulong sa mga kapatid at pamilya niya.

“Sa lahat ng mga followers ko, maraming-maraming salamat po sa inyo lahat. Kung hindi dahil sa inyo, hindi ako magkakaroon ng bahay.”

“Ang sarap sa feeling kapag ikaw po ‘yung tumutulong kaysa tumatanggap po, napakagaan. ’Yung sinasabihan ka ng ‘Salamat,’ nakakatuwa.”

Ito ang pahayag pa ni Edgar.

Sa tulong ng kinita niya sa paglalaro ng Mobile Legends ay nakaipon ng sapat na pera si Edgar para mabili ang dream house ng kaniyang pamilya sa Koronadal City, South Cotabato.

Katulad rin ba ni Edgar ang iyong mister na naadik sa paglalaro ng video games? May ilang paraan kang maaring gawin para matulungan siyang mabawasan ito. Ang mga ito ay ang sumusunod:

Mga paraan upang matigil ang video game addiction ni mister

1. Subukang kausapin siya at ipaalam sa kaniya ang iyong nararamdaman.

Ito ay dapat gawin sa mahinahon at maayos na paraan. Iwasang tawagin siya ng mga pangalan o akusahan siya na mas gusto niyang maglaro kaysa sayo. Mabuting ipaalam sa kaniya ang iyong nararamdaman sa paraan na kalmado upang maintindihan niya ito.

2. Ipaalam sa kaniya ang nagiging epekto ng kaniyang addiction sa inyong relasyon.

Huwag basta pabayaan o isawalang bahala ang ginagawang epekto ng kaniyang video game addiction sa inyong relasyon. Ipaalam ito sa kaniya at kausapin siya kung paano ninyo ito magkasamang maaayos.

3. Gumawa ng bagong activities na iyong kaaaliwalan o kaaabalahan.

Ang paghahanap mo ng ibang pagkakaabalahan ay hindi lamang makakapagpabawas ng iniisip mo tungkol sa iyong asawa. Makakatulong rin ito upang ma-realize niya ang kakulangan ng wala ka sa tabi niya at kaniyang binabalewala.

4. Humanap ng support sa mga grupo ng kababaihan na may parehong problema sayo.

Sa ganitong paraan ay magkakaroon ka ng ideya sa kung paano haharapin ang pagsubok na ito sa inyong pagsasama.

5. Mag-isip ng ibang paraan o activity na magagawa ninyong mag-asawa.

Kaysa samahan siyang maglaro ng video game, mas mabuting mag-isip ng ibang activity na magiging productive at beneficial sa inyong dalawa. Ito ay para masiguro na nakakapag-spend kayo ng quality time sa isa’t-isa.

6. Humingi ng tulong sa isang professional.

Kung pakiramdam mo ay hindi mo na kayang kontrolin ang video game addiction ng iyong mister ay humingi na ng tulong sa isang doktor. Dahil may mga therapy o hakbang na maaring gawin upang matulungan siyang maalis ang addiction na ito.

7. Iwasang maging adik sa video game ang iyong mister.

Para naman maiwasan ang iyong mister na maadik sa paglalaro ng video game ay may mga paraan ka ring maaring gawin. Ito ay ang sumusunod:

  • Bigyan ng oras o limitahan ang oras ng kaniyang paglalaro.
  • Ilayo ang mga gadgets o phone sa inyong kwarto o kama kapag matutulog na.
  • Gumawa o hikayatin siyang gumawa ng ibang acitivity tulad ng pag-eexercise.

 

Source:

GMA News, WebMD

Basahin:

8-anyos na-damage at lumabo ang mata dahil sa sobrang paglalaro ng online games