Paglabo ng mata ng bata, paano ba maiiwasan?
Batang lumabo ang mata dahil sa pagka-adik sa online games
Isang inang netizen ang ibinahagi ang kaniyang pagka-guilty sa paglabo ng mata ng kaniyang 8 taong gulang na anak. Siya ay si Mama Disay, 27-anyos mula sa Davao City.
Kuwento ni Mama Disay, isang araw nang minsang inihatid niya ang anak na si Skye sa school ay bigla nalang daw itong umiyak at inirereklamo ang masakit niyang mga mata.
Noong una ay hindi niya maintindihan ang nararamdaman ng anak. Kaya naman mas minabuti nitong kausapin ang teacher ng anak upang ito ay ipagpaalam na liliban muna sa kaniyang klase.
Doon niya nalaman na hindi ito ang unang pagkakataon na inireklamo ng anak ang pananakit ng mata niya habang nasa eskwelahan. Ngunit, hindi ito ipinaalam sa kaniya ng guro dahil narin sa kagustuhan ng anak niya.
Dito na nagdesisyon si Mama Disay na dalhin sa optometrist ang anak upang matingnan ang mga mata nito. Doon niya nalaman na kailangan na ng anak niyang mag-salamin dahil na +75 na ang grado ng mata nito. At ang itinuturong dahilan ng paglabo ng kaniya mga mata sa kabila ng bata niya pang edad ay ang sobrang paggamit ng gadgets.
Ayon kay Mama Disay, tatlong taon palang ang anak niyang si Skye nang mahilig na ito sa paggamit ng gadgets at paglalaro ng computer games. Mula noon ay hirap na hirap na siyang disiplinahin at patigilin ito. Lalo pa’t sila ay may laptop, pisonet at unlimited internet sa bahay.
Dagdag pa ang sobrang pagka-busy niya sa kaniyang homebased job at sa mga gawaing-bahay. Kaya naman dahil sa nangyari ay may natutunang aral si Mama Disay pagdating sa pag-lilimit ng screentime ng kaniyang anak. Ito ay upang maiwasan ang patuloy na pagkasira ng mga mata nito.
Payo sa mga kapwa magulang
May payo rin siya sa iba pang mga magulang para maiwasang maranasan ito ng mga anak nila.
“Kahit gaano tayo ka busy, it would be better if sabayan natin sila minsan maglaro instead of giving them gadgets para aliwin self nila. Or if we let them have screen time, limited lang at pag may extrang pera, invest on those mga anti-radiation and blue lights screen protector and glasses na rin.
“Tapos if nangyari na, wag maging hard sa sarili. Sabi nga nila, our love to our children can never be measured. Minsan lang sa sobrang love natin bigay lang tayo ng bigay, di na pala ito nakakabuti. Pero ganon pa man, we can always make it up to them.”
“Also, mas maigi pa din ang traditional na mga laro, if hindi malapit sa highway ang bahay. Mas maigi pa din patakbo-takbuhin si bagets sa labas kasama ng iba pang bata. Dati hindi ko trip to kasi uuwi siyang pawis, madungis at natatakot akong baka atakihin ng hika. Pero now naisip ko mas better pala ito. Maeexcercise siya at maiiwas sa stagnant position lang playing laptop or cp.”
Ito ang pahayag ni Mama Disay sa isang panayam ng theAsianparent Philippines team sa kaniya.
Paglabo ng mata ng bata
Base sa isang pag-aaral na isinagawa ng American Optometric Association’s o AOA, ang sobrang paggamit ng gadget o screen time ng higit sa dalawarang oras sa isang araw ay nagdudulot ng mga sumusunod na sintomas sa mga bata:
- Sakit sa ulo
- Pananakit ng leeg at likod
- Pagtuyo at pagsakit ng mga mata
- Blurred o double vision
- Kawalan ng focus
- Pagiging irritable
Ayon naman sa optometrist na si Dr. Tina McCarty mula sa Minnesota at member ng AOA Public Policy Committee, ang mga epektong ito ay pansamantala lamang. Maari itong mawala kung mag-brebreak o magsusuot ng protective eyewear ang sinumang gumagamit ng mga gadgets o na-eexpose sa sobrang screen time.
“The short-term effect of digital eyestrain is not cumulative. The eyes will get better when you give them a break and/or wear the proper eyewear in the form of lenses and coatings based on the patient’s specific needs to minimize eyestrain.”
Ito ang pahayag ni Dr. McCarthy.
Ngunit kung hindi daw nasunod ang isa sa dalawang paraan at mapabayaan ang mga nasabing sintomas. Ito ay maaring lumala at mauwi sa paglabo ng mata ng bata.
Epekto ng blue light mula sa mga electronic devices
Ang sanhi nito ay ang blue light na nanggagaling sa mga gadgets at electronic devices na maaring makaapekto sa paningin at magdulot ng premature aging sa mga mata. Ito rin ay nagdudulot ng eyestrain at discomfort sa mga mata na maaring mauwi sa seryosong kondisyon at pagkabulag kung mapapabayaan.
Mas prone nga daw ang mga bata sa negatibong epekto ng blue light dahil sa mas sensitive pa ang kanilang retina sa mata kumpara sa matatanda.
Ngunit, hindi lang paglabo ng mata ng bata ang maaring maging epekto ng bluelight na ito mula sa mga electronic devices. Naapektuhan din nito ang circadian rhythm o body clock ng katawan na nagpapahirap sa mga batang makatulog lalo na sa gabi. Ito rin ay may epekto sa kanilang posture. Dahil sa matagal na pagkakaupo at pagyuko habang gumagamit ng mga gadgets.
Kaya payo ni Dr. McCarthy, limitahan ang paggamit ng electronic devices ng iyong anak. O kaya naman ay pasuotin siya ng protective eyewear tulad ng salamin sa kaniyang mga mata. Mahigpit niya ring ipinapayo ang annual eye check-up para matingnan at mabantayan ang kalusugan ng kanilang mga mata.
Source: Healthline, All About Vision
Basahin: Paano nga ba ima-manage ang screen time ng iyong anak?
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!