Isang 5-buwang gulang na sanggol ang namatay matapos siyang tuliin ng sariling mga magulang sa kanilang bahay. Bakit nga ba ito nagawa ng mga magulang, at anu-ano ang panganib pagdating sa circumcision sa baby?
Circumcision sa baby, ginawa lang sa bahay ng magulang
Ayon sa mga ulat, nangyari raw ang insidente sa Italy. Napag-alaman na nagsagawa raw ng circumcision o pagtutuli ang magulang ng bata na humantong sa pagkamatay nito.
Dahil sa bahay lang ginawa ang pagtutuli, kulang sa gamit ang mga magulang ng bata. Matapos raw ang insidente ay nadala pa sa ospital ang bata sa pamamagitan ng helicopter. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nabuhay ang bata na namatay sa cardiac arrest.
Posibleng kasuhan ng kasong manslaughter ang mga magulang ng bata dahil sa insidente. Magsasagawa rin ng imbestigasyon at autopsy sa sanggol ang mga awtoridad.
Nangyari na ito sa ibang mga bata
Hindi ito ang unang beses na may ganitong kaso sa Italy. Noong nakaraang December lang ay namatay ang isang 2-taong gulang na bata dahil sa blood loss matapos siyang tulian sa bahay. Muntik na rin daw mamatay ang kaniyang kambal na kapatid, ngunit nabuhay matapos gamutin sa ICU.
Sa mga citizens ng Italy, maraming hindi sumusunod sa pagtutuli ng mga bata. Kadalasan raw ay mga immigrants ang sumusunod dito, ngunit magastos raw ang pagpapatuli sa ospital. Ito ang tinitingnang dahilan kung bakit ginagawa ng ibang mga magulang ang circumcision sa baby sa kanilang mga bahay.
Mapanganib ba ang pagpapatuli?
Para sa ating mga Pilipino, bahagi na ng kultura ang pagpapatuli ng mga bata na nasa edad 10-13. Ngunit mayroon ring mga pagkakataon kung saan sanggol pa lamang ay tinutulian na ang mga bata.
Kung gagawin ito sa ospital at sa malinis at maayos na paraan ay wala naman dapat ikatakot ang mga magulang. Ngunit kung ito ay gagawin sa bahay, tulad ng nangyari sa sanggol na namatay, posibleng may dala itong panganib.
Sa panahon ngayon, mas mabuti na ang magpakonsulta muna sa doktor pagdating sa pagpapatuli. Ito ay upang makaiwas sa mga komplikasyon, impeksyon, at kung anu-ano pang mga problema na posibleng mangyari kung sa bahay lang ito gawin.
Mas mahalagang unahin ng mga magulang ang kapakanan ng kanilang mga anak kaysa sa subukang magtipid at magpatuli lang sa kung saan-saan.
Source: ABC7
BASAHIN: Is your son ready to get circumcised? Here are some useful “tuli” tips!