Naaresto ang dating child star na si CJ Ramos sa isang buy-bust drug operation ng Caloocan Police noong July 31.
Ayon sa ulat ng Philstar, ang target talaga ng pulisya ay ang diumanong tulak na si Louvella Gilen, 36. Bumili ang informant sa drug pusher ng shabu na nagkakahalaga ng P500. Kasabay nito diumano na bumibili ng shabu si CJ, 31.
Naaresto si Louvella at CJ. Kasalukuyang nakapiit ang dating child actor sa Caloocan City Jail.
Child actor
Tatlong taong gulang pa lang ay nag-aartista na si CJ Ramos, Cromell John Ramos sa tunay na buhay. Nakabilang siya sa sikat na pambatang palabas sa ABS-CBN na Ang TV kasabay sina Patrick Garcia, Claudine Barretto, at Kaye Abad. Nagkaroon din siya ng ilang pelikula, katulad ng Tanging Yaman.
Sa panayam sa Rated K, kinuwento ng dating child actor ang naging buhay niya at kung bakit siya nalulong sa bawal na gamot.
Aniya, nagsimula siyang mawalan ng trabaho nang maging teenager siya.
“Pagdating ko ng high school, medyo tumatamlay na po ‘yong karera ko no’n. Alanganin ‘yong edad ko ba. Alanganing bata, alanganing matanda. Hindi na ako pinapapirma ng kontrata. Wala akong manager. Kaya napabayaan po.”
Binalak niyang mag-aral gamit sana ang P1 milyon na ipon niya galing sa pag-aartista, ngunit naipautang nila ito.
“Natakbuhan po kami ng taong nangutang sa amin,” pagsisiwalat niya. “Simula po no’n, as in zero. Parang pinagtakluban po kami ng langit at lupa.”
Naranasan daw niyang umulam ng sardinas, itlog, at kanin, na kaniyang pinaghahatian kasama ng kaniyang pamilya. Malayong-malayo sa pamumuhay na nagisnan niya noong nag-aartista pa siya.
“Do’n ako na-depress siguro. Kasi first time ko pong nakaramdam ng hirap na gano’n, e. Dahil noong bata po ako, noong nagtratrabaho po ako nung bata ako, hindi gano’n ang buhay ko, ma’m.”
Bawal na gamot
PHOTO: Screengrab Rated K
Dahil sa kalagayan ng pamilya niya, doon daw siya nagsimulang magkaroon ng depression at napabarkada.
“Ma’m, siyempre, malungkot, ma’m,” pag-amin niya. “Parang ba’t nangyayari ‘tong ganito? Do’n na po nag-umpisa ‘yong pag-gamit ko ng ilegal na droga.”
Nagsimula siyang gumamit ng shabu. Habang nalululong sa masamang bisyo, lalong hindi siya nakakakuha ng mga projects.
“Mas lalong nahirapan ako na makabalik na [sa pag-aartista]. Dahil siyempre hindi naman pupuwede ‘yong nagbibisyo ka at nagtratrabaho ka.”
Ayon kay CJ, alam niya ang masamang epekto ng droga sa sarili niya at sa kalusugan niya.
“Papasayahin lang ‘yong utak mo, ‘yong katawan mo nang sandali. Iyon ang akala mo. Pero hindi. Pag nawala na ‘yong tama mo, mali ka na.”
Mayroon ng isang anak si CJ ngunit hindi maayos ang relasyon niya rito.
“Actually, matagal ko na siyang hindi nakikita,” aniya. “Nandoon po siya sa mommy niya. Wala na po kaming communication. Hindi ko pa po kaya o alam kung paano maging isang ama.”
Bagaman hindi sila nagkikita ng anak niya, sapat na itong dahilan upang tumigil siyang mag-droga.
“Dahil na rin po sa mga magulang ko. Dahil po nakikita kong malungkot sila. Dahil sa anak ko rin po. Sinubukan ko pong tumigil nang isang taon. Kaya ko naman.”
Tila maisasaayos na sana ni CJ ang buhay niya. Kumuha siya ng kurso sa TESDA at nag-aaral. Mag-a-abroad na sana siya para magtrabaho sa Macau.
Ngunit naunsiyame ito, ayon sa tatay ni CJ na si Pomel Ramos.
“Ready na siyang umalis. Nagpaalam na siya sa girlfriend niya. E, nagkaroon ng problema. Na-disappoint siya masyado. Bumarkada na naman.”
Pagkakakulong
PHOTO: Screengrab from Rated K
Nang gabing mahuli si CJ, lubos na nag-alala si Tatay Pomel.
“First time nangyari, hindi siya sumasagot,” kuwento niya. “Patay ‘yong cellphone, kinabahan na ako. Nalaman ko, ‘yon nakakulong daw. Nagpasalamat naman din ako, at least buhay. Kasi naisip ko baka ‘yong dinukot, tinumba.”
Gano’n man ang nangyari sa anak niya, naisip nito na may kadahilanan kung bakit ito nangyari sa anak niya.
“Nagkamali siya. Naisip niya na, ‘Totoo pala ‘yong sinabi ni Papa.’ Hindi ko naman siya sinisi. Diyos na rin ang may gusto niyan.”
Saad ni CJ, “Napakahirap makulong. Sinasabi ko na lang sa sarili ko na pagsubok lang ‘to.”
Kung mabigyan siya ng pagkakataon na lumaya, hinding-hindi na raw ito magdo-droga. Aayusin na raw nito ang buhay niya. Simple lang daw ang kaniyang kahilingan.
“Kung ano po, ma’m, ‘yong ibigay sa akin ni God. Basta ang gusto ko lang ‘yong magig malaya, ‘tsaka ‘yong maayos na buhay. Magandang buhay lang po, okey na ‘yon. Hindi naman ako naghahangad ng kung ano man. Makasama ko lang ‘yong pamilya ko, okey na.”
SOURCE: Rated K, Philstar
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!