Isa akong cleft mom at the same time working mom din ako. Mahirap maging isang ina na mayroong anak na need ng special attention. Pero kinakaya ko sa ngalan ng pamilya na binuo ko.
Cleft lip and palate story ng aking anak
Isa akong first time mom. Nalaman kong may cleft lip and palate ang 1st born ko nung nagpa-CAS (Congenital Anomaly Scan) ako. Una wala talaga akong idea kung ano ito.
Akala ko kasi simpleng ultrasound lang pero sabi ng katrabaho ko dito raw makikita if may anomaly sa pagbubuntis mo. Hindi ako nagdalawang isip ipagawa ito.
Ito ‘yong moment na hinding-hindi ko makakalimutan sa buhay ko. Sabi ng OB ko,
“Mommy, kelan ka huling nagpa-ultrasound?”
Sumagot ako, “Doc, nung 5 months po siya for gender”.
At doon niya sinabi ito,
“Mommy, wag ka magugulat ah. May cleft lip and palate si Baby. Hindi ko masasabi hanggang saan ‘yong sa palate pero mako-confirm natin to upon birth.”
Kahit sinong magulang ‘pag ganito ang balitang natanggap hindi mo alam ang gagawin mo. Natulala ako. Napatanong sa aking sarili anong nangyari? Bakit ganun? Nag-ingat naman ako. Kumpleto naman ako sa lahat.
Hindi ko halos matanggap. Isang lingo akong nagmukmuk. Sinisisi ko ang aking sarili sa nangyari sa kanya. Pero isang araw natauhan ako. Sinabi ko sa aking sarili na kailangan ako ng anak ko. Walang ibang tutulong samin kundi ako lang at mga taong nagmamahal sa kanya.
I delivered him last September 3, 2021, via LTCS. Ako na ata ang pinakamasayang tao sa buong mundo ng ilapit siya sakin after niya malinisan.
Breastfeeding journey namin ng aking baby
Bago pa man ako manganak naghanap na ako ng mga support groups tungkol sa CLEFT. Ano ba ang proper care? Paano ba kami magiging successful sa breastfeeding journey namin?
Ilang taon ba dapat ma-operahan ang mga cases nila? And God never fail me. Nakakita ako ng iba’t ibang group. Nakakilala ako ng mga nanay na may anak na katulad ko. At nasabi ko sa sarili ko “Hindi pala ako nag-iisa sa laban na to”.
Hindi naging madali ang breastfeeding journey ko pero hindi ako sumuko. Hindi ko man siya sa ‘kin dumedede directly pero nagsimula akong mag-pump.
Inaral ang bawat strategies na dapat kong matutunan upang ma-provide ko ‘yong needs niya. Mahirap, nakakapagod, puyat, nakaka-stress pero sabi ko sa sarili ko “Nangako akong breastfeeding siya dapat magsumikap ako lalo”.
I was able to breastfed him via exclusively pumping for 11 months before I got pregnant again pero ibang story na ito.
BASAHIN:
Dad confession: “Hindi ko ikinakahiya ang baby ko na may bingot—ayoko lang talagang mag-post.”
Ang operation ng aming baby
Napaoperahan namin siya sa cleft lip niya at the age of 5 months and 28 days. Unang schedule niya dapat ay Feb. 26 pero nung nasa operating room na siya biglang bumababa ang heart rate niya at hindi ni-risk ng surgeon na magpatuloy pa ang operasyon.
Isa ito sa naging rason bakit muntik din akong ma-depress. Hindi madali magpa-line up sa foundation ng may mga cleft dahil marami silang pasyente.
Pero hindi ako nawalan ng pag-asa. In-offer ko lahat ng worries ko sa may taas. Sabi ko, “Ikaw lang po nakakaalam ng lahat, Lord. And I will follow your will.”
Huling checkup naming sa Our Lady of Peace Hospital sa Las Pinas. Ni-refer nila kami sa PGH, isa sa kilalang ospital sa Maynila at isang partner hospital ng Noordhoof Craniofacial Foundation. Naging successful ang Cheiloplasty o cleft lip operation niya doon at nangyari ito last Feb. 26, 2021.
Napaoperahan din namin siya sa St. Vincent Hospital sa Marikina para naman sa kanyang cleft palate – Palatoplasty kung tawagin ito. Isa ito sa mga surgery na dapat naming ingatan upang hindi mabutas ang ngala-ngala niya.
Two weeks liquid diet, two weeks soft diet. Bumagsak ang katawan niya dahil sa diet pero sabi ko hindi ako susuko until pinayagan kami ng surgeon niya na kumain na siya ng solids.
Hindi ko akalain na dadaan ako sa pag-subok na ganito. Hindi ko akalain na makaka-survive ang pamilya ko. Pero isa lang ang sigurado ako. Basta sama-sama kayo at may guidance ng nasa Taas. Hinding-hindi tayo susuko ng ganoon kadali.
Sa mga magulang na may maroong katulad kong kaso ‘wag kayong mag-alala may lunas para sating mga anak. At sa mga magulang na may pinagdadaanan manalig lamang tayo. Hindi Niya tayo papabayaan.
Kung ito man ay inyong mabasa maari kayong lumapit sa mga sumusunod na foundation upang maoperahan ang inyong mga anak.
- Noordhoof Craniofacial Foundation
- Smile Kids Cleft Group
- Smile Train
Maraming salamat sa pag-babasa. Mabuhay tayong mga ina at ilaw ng tahanan!