Hindi umano inaasahan ng mga mag-aaral at mga guro ng Colegio de San Lorenzo ang biglaang closure ng school.
Mababasa sa artikulong ito:
- Colegio de San Lorenzo nag-anunsyo ng school closure
- DepEd hindi naabisuhan ng CDSL tungkol sa pagsasara
Colegio de San Lorenzo nag-anunsyo ng school closure
Naging usap-usapan sa social media ang Colegio de San Lorenzo sa Quezon City matapos na biglaan umano itong mag-anunsyo ng school closure. Nasorpresa raw ang mga estudyante at maging ang mga guro sa balita hinggil sa pagsasara ng school.
Sa isang Facebook post ng CDSL Communications Arts, makikita sa video ang pagkondena ng samahang Ang Maskom sa biglaang pagsasara ng Colegio de San Lorenzo.
Ipinahayag ng pangulo ng organisasyon ng mga mag-aaral ang galit at lungkot na nararamdaman. Nagsalita ito para sa mga estudyante, mga magulang, at iba pang bumubuo sa Colegio de San Lorenzo. Nagkataon din kasi na kasabay ng dapat na school opening o first day of school ng mga estudyante ang ginawang pag-aanunsyo ng school closure.
Isang guro din ng nasabing paaralan ang naglabas ng kaniyang pahayag sa social media. Biktima rin umano ang mga faculty ng CDSL sa mga pangyayari. Katunayan ay naka-schedule din daw ang mga guro nang araw na iyon para sa kanilang seminar, reorientation, at recollection. Pero bigla ring nakansela ang nasabing event dahil sa anunsyo ng school closure.
“While we expected an explanation of what was going on, it had become apparent that they had no answers too,” pahayag ng guro.
Paulit-ulit lang daw na sinasabi sa kanila na darating ang lawyers para ipaliwanag ang sitwasyon.
Hindi umano maipaliwanag ng guro ang kaniyang nararamdaman dahil sa nangyari.
“No words can describe how we’re feeling. Pero paano pa kaya ang mga students who were supposed to have their first day of classes today? Ang parents na kampante na sana na gagraduate na ang mga anak nila, isang taon na lang? Ang mga working student na naghihikahos para ma-enroll ang sarili at nagsisikap para ma-attain ang latin honors?”
Samantala, sa official statement na inilabas ng Colegio de San Lorenzo, nakasaad ang rason ng school closure.
Ang pagsasara umano ng paaralan ay dulot ng financial instability at kakulangan sa financial viability sanhi ng pandemya. Kakaunti lang daw kasi ang mga nag e-enroll nitong mga nagdaang taon buhat nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Saad ng CDSL, bagaman nakapag-enroll na ang mga mag-aaral at simula na nga sana ng klase nitong August 15. Hindi pa rin daw sapat ang bilang ng mga enrollee para patuloy na makapag-operate ang paaralan.
Nagbigay naman ito ng assurance na makikipag-ugnayan sa ibang paaralan para sa mas mabilis at maayos na paglipat ng mga estudyante.
DepEd hindi naabisuhan ng CDSL tungkol sa pagsasara
Ayon sa report ng Philstar, hindi umano pormal na kinausap ng Colegio de San Lorenzo ang Department of Education (DepEd) tungkol sa planong closure ng school.
Saad ni Michael Poa, spokesperson ng DepEd, “They did not inform the department of their intent to close.”
Kaugnay dito ay kikilalanin lang umano ng ahensya ang school closure ng CDSL kapag natiyak na nila na inaasikaso na ang releasing ng transfer credentials ng mga apektadong estudyante.
Dagdag pa ni Poa, hindi pa nila tiyak kung mayroong assistance na maibibigay sa mga guro na mawawalan ng trabaho dahil sa school closure. Pero nangako ito na hahanap ng mga option para sa faculty ng CDSL.
Bukod pa rito, may mga private school na rin daw sa Quezon City ang handang tanggapin ang mga Grade 11 at 12 student mula sa CDSL. Willing umano ang mga ito na i-absorb ang mga mag-aaral. Parehong tuition rate sa CDSL din ang isisingil sa mga ito.
Sa official statement naman ng CDSL ay ipinangako nito na magkakaroon ng full refund ang mga mag-aaral sa fees na ibinayad nila sa paaralan. Agad din umano nilang aasikasuhin ang paglilipat ng mga record ng estudyante sa mga paaralang lilipatan ng mga ito.
Hindi naman maiwasan ng mga mag-aaral na magduda sa pangako ng CDSL. Tungkol sa agarang pagkilos para mailipat ang mga mag-aaral sa ibang school.
Saad ng isang netizen sa comment section ng official statement ng school. May kilala raw siyang hanggang ngayon ay hindi pa rin naire-release ang documents at credentials. Kahit pa nga ilang taon na ang nakalipas mula nang i-request ito.
Kaya naman sa pangakong maiproproseso agad ang mga dokumento ng mga estudyante mula August 16 hanggang September 19, may panawagan ang netizen na sana’y huwag ma-overwork o ma-compensate ng tama ang mga faculty members.
Samantala, ayon sa chairperson ng Commission on Higher Education na si J. Prospero De Vera III, nakikipag-usap na sa kanilang ahensya ang Colegio de San Lorenzo.