Ang congenital rubella syndrome ay isang sakit na maaring makuha ng isang sanggol kung ang kaniyang ina ay nagkaroon ng rubella o tigdas hangin habang pinagbubuntis siya.
Ang rubella na kilala rin sa tawag na German measles o tigdas hangin sa tagalog ay isang viral infection na nagdudulot ng mga pulang rashes sa katawan ng isang tao. Kadalasan ay sinasabayan din ito ng lagnat, masakit na kasukasuan at pamamaga ng mga glands o glandula sa leeg na nagtatagal ng dalawa o tatlong araw.
Ang rubella ay maaring makahawa sa pamamagitan lang ng pagka-expose sa ubo, bahing o contact sa kahit anong discharge na nagmumula sa ilong at bibig ng taong may rubella infection.
Madalas ay hindi alam ng isang taong infected ng rubella na siya ay may sakit na. Dahil sa una ay hindi mapapansin ang mga sintomas nito na unti-unting lalala makalipas ang dalawang linggo matapos ma-expose sa rubella virus.
Ang mga panahong ito naman ay ang pinakanakakahawang stage ng rubella na sadyang nakakabahala lalo na sa mga nagdadalang-tao. Ito ay dahil ang isang buntis na magkakaroon ng rubella ay maaring mahawaan ang kaniyang sanggol na magdudulot ng masamang epekto sa development at paglaki nito.
Ang kondisyong ito na maaring mangyari sa mga sanggol ay tinatawag na Congenital Rubella Syndrome.
Ano ang Congenital Rubella Syndrome (CRS)
Ang congenital rubella syndrome ay ang sakit na nakukuha ng isang sanggol kapag na-infect ang kaniyang ina ng rubella virus o tigdas habang siya ay ipinagbubuntis pa nito.
Bilang resulta ay maaring magdulot ito ng birth defect sa isang sanggol gaya ng pagiging bingi, bulag at may pinsala sa puso o sa pag-iisip.
Madalas ang mga buntis na nasa unang limang buwan pababa ng kanilang pagbubuntis na magkakaroon ng sakit na rubella ang maaring makapagpasa ng sakit sa kanilang fetus na wala pang pangdepensa o immunity sa mga impeksyon gaya nito.
Kung ang rubella ay dadapo sa isang babae habang siya ay nasa 12 weeks ng pagbubuntis ay maaring magdulot ito ng mapakaraming problema sa kaniyang sanggol pangkaraniwan na ang eye problems, hearing problems at heart damage.
Ngunit kung ito ay dadapo sa pagitan ng 12 weeks at 20 weeks ng pagbubuntis ay mas mahina ang magiging epekto nito sa dinadalang sanggol.
Samantala, para naman sa mga nagbubuntis ng 20 weeks pataas ay madalas na walang nakikitang problema sa kanilang sanggol kahit na sila ay nagka-rubella habang nagdadalang-tao.
Sintomas ng Congenital Rubella Syndrome
Maliban sa mga nabanggit na sintomas at epekto, ilan pa sa sintomas na maaring may Congenital Rubella Syndrome ang isang sanggol ay ang sumusunod:
- Heart problems
- Eye problems gaya ng catarata at glaucoma
- Intellectual disabilities
- Growth retardation
- Low birth weight
- Developmental delays
- Learning disabilities
- Deafness o pagkabingi
- Diabetes
- Enlarged liver at spleen
- Skin lesions
- Bleeding
Walang gamot sa Congenital Rubella Syndrome sa mga sanggol at ang damage na kanilang makukuha dahil sa sakit na ito ay maaring makaapekto sa kanila habang-buhay.
Bagamat maaring sumailalim sa specific treatment ang isang batang apektado ng sakit na ito gaya ng kung ito ay nagdulot ng heart problem na maaring magamot ng isa ring heart treatment o medication.
Samantala, ang tanging paraan na maaring gawin ng isang ina para maiwasang magkaroong ng sakit na ito ang kaniyang sanggol ay ang maging handa mula sa rubella infection lalo na kung nagplaplano itong magdalang-tao.
Paano maiiwasan ang Congenital Rubella Syndrome
Ang rubella infection ay maaring malabanan ng MMR o ang Measles, Mumps, Rubella vaccine. Ngunit dahil ang vaccine na ito ay nagtataglay ng mahinang version ng live virus ay hindi ito maaring iinject o maibakuna sa isang babaeng nagdadalang-tao.
Kaya naman ipinapayo ng mga doktor upang maging protektado ang isang babae mula sa sakit na rubella na maaring magdulot ng masamang epekto sa kaniyang baby ay magpabakuna ito ng MMR vaccine isang buwan bago ang planong pagbubuntis.
Dapat ding pabakunahan ng MMR vaccine ang sinumang bata o matatanda na nasa paligid ng isang babaeng nagpaplanong magdalang-tao o nagdadalang-tao para makasiguradong walang magdadala sa kaniya ng nakakahawang virus na ito.
Bagamat hindi isang garantiya na hindi na dadapuan ng rubella o tigdas hangin ang taong nakabakunahan ng MMR vaccine, pinapalakas naman nito ang katawan ng isang tao laban sa sakit at pinipigilan nitong makahawa pa ng ibang tao.
Ang MMR vaccine ay libreng ibinibigay at ibinabakuna ng mga health centers sa Pilipinas. Ang mga bata ay dapat makatanggap ng dalawang dose nito. Una ay sa kanilang 1st birthday at pangalawa sa kanilang ikaapat hanggang ikaanim na taon.
Samantala ang mga adults naman ay maaring makatanggap ng isang dose ng MMR vaccine bilang immunity laban sa sakit na measles, mumps at rubella.
Samantala, hindi naman puwedeng bigyan ng MMR vaccine ang mga taong may malubhang sakit o mayroong mahinang immune system ganun din ang mga buntis.
Sources: Childrens Hospital, MHCS, NCBI, HealthLine, The Asian Parent Philippines, CDC
Basahin: Mga mahalagang kaalaman tungkol sa ‘tigdas hangin’ o German measles
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!