Novel coronavirus baby victim natuklasang positibo sa sakit 30 oras matapos maipanganak ng kanyang ina. Ina ng sanggol nag-positibo sa sakit bago mag-labor at makapanganak.
Novel coronavirus baby victim
Isang 3-day-old na sanggol ang naitalang pinakabagong biktima ng kumakalat na sakit na novel coronavirus. Ang sanggol ay natuklasang positibo sa virus 30 oras matapos siyang maipanganak. Kasalukuyan, siya ang pinakabatang biktima ng sakit. At pinaniniwalaang nahawa mula sa kanyang ina na nag-positibo sa virus bago siya isilang.
Ayon sa report, ang baby ay isinilang noong Linggo, February 2, 2020 sa Wuhan, China. Matapos matuklasang siya ay positibo sa sakit, agad itong dinala sa Wuhan Children’s Hospital upang malunasan.
Sa ngayon patuloy na mino-monitor ang kalagayan ng sanggol. At base sa mga report mula sa doktor ito ay nasa stable ng kondisyon.
Pangamba ng mga eksperto, ang kaso ng novel coronavirus baby na ito ay maaring dulot ng vertical transmission. O ang pagkakahawa ng sanggol sa kanyang inang buntis habang siya ay pinagbubuntis o ipinapanganak nito.
“This reminds us to pay attention to a potential new transmission route of the coronavirus – vertical transmission from mothers to babies.”
Ito ang pahayag ni Dr Zeng Lingkong, chief physician ng Department of Neonatal Medicine ng Wuhan Children’s Medical Center.
Iba pang coronavirus baby victim
Samantala, maliban sa sanggol na ito ay may isa pang newborn coronavirus baby victim ang kasulukuyan ring ginagamot sa Wuhan Children’s Hospital.
Ayon sa mga report, ang sanggol ay 17-day-old. Ito ay malusog na isinilang noong January 13. Ngunit natuklasang positibo sa sakit noong January 31. Pinaniniwalaan namang nakuha ng sanggol ang sakit mula sa nurse na nag-alaga sa kanya. Dahil ilang araw simula ng alagaan ng nurse ang sanggol ay na-diagnose itong positibo sa novel coronavirus.
Samantala, nitong Sabado, February 1, ay may isang sanggol na lalaki rin ang nai-report na isinilang ng kanyang coronavirus infected na ina. Ang sanggol ay ipinanganak umanong malusog sa Wuhan Union Hospital. At idinaan na sa pagsusuri upang malaman kung siya rin ba ay nahawaan na ng sakit.
Novel coronavirus in the Philippines
Sa ngayon ay nasa higit 24,600 na katao na sa buong mundo ang tinamaan ng virus. At naitalang 494 na katao na ang nasawi sa sakit. Halos 80% ng naitala na nasawi ay mga matatandang edad 60-anyos pataas.
Dito sa Pilipinas isa ang naitalang nasawi dahil sa virus. Kabilang ito sa 3 kumpirmadong kaso na ng sakit sa bansa. Na kung saan ang 3 biktima ay mga Chinese nationals na bumyahe dito sa bansa matapos manggaling sa mga 2019-nCov infected na lugar sa China.
Ayon sa DOH, ang pangatlong kumpirmadong kaso ng novel coronavirus dito sa bansa ay tumama sa isang 60-year old Chinese woman. Bagama’t dagdag nila ay bumubuti na raw ang kondisyon nito at nakauwi na pabalik sa China noong January 31.
Paano makakaiwas sa novel coronavirus
Ang novel coronavirus o 2019-nCov ay mula sa isang malaking pamilya ng mga viruses na common sa mga mammals, mapa-hayop man o tao. Tinatawag ng mga scientist na “zoonotic” ang virus na ito. Dahil sa maari itong ma-transmit o maihawa mula sa hayop papunta sa tao.
Pinaniniwalaang ang 2019-nCov ay nagmula sa mga paniki na napabalitaang ibinebenta at kinakain sa Wuhan, China.
Ilan sa sintomas ng sakit ay lagnat, ubo, sipon at hirap sa paghinga. Kung mapabayaan ang mga sintomas na ito ay maaring lumala at maaring mauwi sa pneumonia at bronchitis.
Hanggang ngayon ay wala pa ring natutuklasang lunas sa novel coronavirus. Kaya naman paalala ng mga health experts ay iwasan ang sakit kung maari. At gawin ito sa pamamagitan ng sumusunod na paraan.
- Pag-praktis ng proper hygiene tulad ng palaging paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig na hindi bababa sa 20 segundo.
- Pagtakip sa ilong at bibig kapag umuubo.
- Pag-disinfect sa mga gamit o lugar sa bahay na nahawakan ng taong may sakit.
- Pagsusuot ng N95 mask kung lalabas sa matataong lugar.
- Pagluluto ng pagkain ng maayos lalo na ng mga karne ng hayop na pinaniniwalaang pinagmulan ng sakit.
- Pag-iwas sa unprotected contact sa mga farm o wild animals.
- Hindi muna pagpunta o pagbisita sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng sakit.
- Pagpapanatili ng malusog na katawan sa pamamagitan ng pagkain ng masustansya at pagtulog ng tama.
Paano maiiwas si baby sa sakit
Samantala, para sa mga baby maiiwas sila sa sakit sa pamamagitan ng mga sumusunod na paraan:
- Huwag na munang ilabas o dalhin sa matataong lugar ang mga baby at bata. Ito ay upang hindi sila ma-expose sa mga germs at viruses na maaring magdulot sa kanila ng sakit.
- Para sa mga adults, kailangan ding ugaliin ang strict at proper handwashing bago hawakan si baby. Gawin din ito sa kaniya lalo na kung siya ay nakakahawak ng maruming bagay.
- Siguraduhin ding laging hydrated si baby. At palakasin ang kaniyang immune system sa pamamagitan ng pagpapakain sa kaniya ng mga prutas na rich in vitamin C.
- Ang paggamit ng air purifiers na may HEPA filters ay makakatulong upang masigurong malinis ang hangin na umiikot sa loob ng ating bahay.
- Iwasang halikan si baby. Dahil maraming germs at viruses na kumakapit sa katawan nating mga adult na para sa atin ay harmless. Pero para kay baby ay delikado at hindi na kayang labanan ng mahina pa niyang katawan.
SOURCES: NY Times, DailyMail, Gulf News, CNN Philippines
BASAHIN: Coronavirus update: Pangatlong kaso kinumpirma na ng DOH!
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!