Coronavirus Philippines: Kumpirmadong kaso ng sakit sa Cebu dapat bang ipag-alala ng mga Pilipino? Ano nga ba ang paraan upang maiwasan ito?
Coronavirus in Wuhan, China
Image from Aljazeera
Novel coronavirus o 2019-nCoV, kumpirmadong nakakahawa
Ayon sa World Health Organization o WHO, kumpirmadong nakakahawa ang novel coronavirus o 2019-nCov. Ito ay matapos mag-positibo sa sakit ang 14 na hospital personnel sa China na nag-aalaga sa mga taong infected ng sakit. Dagdag pa ang dalawang pamilyang nahawaan din ng kanilang kaanak na nagtataglay ng coronavirus.
Sinuportahan ito ng pahayag ng Chinese pulmonologist na si Zhong Nanshan sa isang news conference.
“It has been confirmed that 2 people in Guangdong province were infected through human-to-human transmission,” pahayag ni Nanshan. Siya rin ang pulmonologist na naka-diskubre ng sakit na Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS noong 2003.
Sa ngayon, ayon sa pinaka-latest na data na nakalap ng WHO ay nasa 282 na ang kumpirmadong kaso ng 2019-nCov. Karamihan sa mga ito ay mula sa China, habang may naitalang 1 kaso sa Japan at Korea at dalawa naman sa Thailand. Anim sa mga ito ang naiulat ng nasawi dahil sa sakit.
Kaya naman upang maiwasan na kumalat pa ang virus, sinimulan na ng Wuhan government sa China na kontrolin ang paglabas ng mga tao mula sa kanilang bayan. Ito ay ayon kay China Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang. Kaugnay ito ng kanilang paghahanda sa nalalapit na Chinese New Year.
Coronavirus Philippines
Samantala, dito sa Pilipinas, isang 5-anyos na batang lalaking Chinese ang kasalukuyang naka-quarantine sa isang ospital sa Cebu City. Ito ay matapos siyang magpakita ng sintomas ng misteryosong sakit na novel coronavirus o 2019-nCoV.
Ayon sa report, ang bata ay nagmula sa Wuhan, China na kung saan nagsimula ang sakit. Nagpunta umano ang bata dito sa Pilipinas kasama ng kanyang ina upang mag-aral ng salitang Ingles. Dumating sila sa bansa noong January 12 at noong mismong araw na iyon ay na-admit na ang bata matapos magpakita ng sintomas ng sakit. Ang mga ipinakitang sintomas ng bata ay lagnat, throat irritation at ubo. Dagdag pa ng report, nararanasan na ng bata ang mga sintomas bago pa ito makapasok sa Pilipinas.
Sa ngayon, ayon sa DOH, ang bata ay nag-negatibo sa pagkakaroon ng mga sakit na Severe Middle East Respiratory Syndrome-Coronavirus o MERS-CoV at Severe Acute Respiratory Syndrome o SARS. Ngunit, ito ay nag-positibo sa isang uri ng coronavirus na ayon sa paglalarawan ay sinasabing “non-specific pancoronavirus assay.” Ito ay ayon sa resulta ng pagsusuri sa specimen ng bata na ginawa ng Research Institute for Tropical Medicine o RITM.
Para matukoy kung anong uri ng coronavirus ang tumama sa batang lalaki ay dinala ang specimen nito sa Victorian Infectious Disease Reference Laboratory sa Melbourne, Australia. Pero paglilinaw ng Country Representative ng WHO dito sa Pilipinas na si Rabindra Abeyasinghe, maraming uri ng coronavirus ang maaring magdulot ng respiratory infection. Ito ay hindi naman malala at di dapat ikabahala.
“There are many coronaviruses that cause respiratory infections which are very mild,” pahayag ni Abeyasinghe.
Pagkokontrol sa sakit
Samantala, nagsagawa na rin ng “contract tracing” ang DOH Bureau of Quarantine sa mga nakatabi ng bata sa eroplano. Ito ay matapos ang kumpirmasyon ng WHO na ang pinakabagong strain ng coronavirus na 2019-nCoV ay nakakahawa.
Ayon naman kay DOH Secretary Francisco Duque III, lumabas sa test na negative sa coronavirus ang tatlong Chinese na nagpakita ng sintomas ng sakit sa Kalibo Airport. Dagdag pa niya, bagama’t nagpakita ang mga ito ng sintomas ng sakit noong papasok sa bansa, wala naman daw history ang mga ito ng pagpunta sa Wuhan. Hindi rin sila nagkaroon ng close contact sa sinumang nagtataglay ng sakit, pati na sa buhay o may sakit na hayop na pinaniniwalaang pinagmulan ng misteryosong sakit.
“Throat samples from these patients were already sent to RITM for testing. All three cases are currently well and are no longer manifesting any symptoms.” Ito ang pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Paliwanag naman ni Jessie Glen Alonsabe, Regional Epidemiology and Surveillance chief ng Western Visayas, walang dapat ipag-alala ang publiko sa ginagawang quarantining process sa mga airports. Ito umano ay standard operating procedure na isinasagawa kahit walang reported outbreak ng sakit.
Sa ngayon ay mas pinag-igting din ang monitoring ng mga dumadating na pasahero sa bansa sa NAIA. Lalo na ang mga nagmula sa Hong Kong, Macau, Guangzhou, Shenzen, Beijing at Shanghai na may connecting flights mula at papunta sa Wuhan, China. Pinagsusuot na rin ang lahat ng airport personnel ng N95 masks bilang preventive measure.
Paalala ng DOH vs Coronavirus Philippines
Ang coronavirus ay isang malaking pamilya ng virus na nagsisimula sa sipon hanggang sa mas seryosong sakit tulad ng MERS-CoV at SARS.
Ilan sa sintomas nito ay ang mga respiratory symptoms tulad ng ubo, hirap sa paghinga at lagnat. Ito ay maaring lumala at mauwi sa pneumonia, acute respiratory syndrome, kidney failure at pagkamatay.
Mas malaki ang tiyansa na mahawaan ng sakit ang mga taong may mahinang immune system tulad ng bata at matatanda. Nagbigay paalala naman ang DOH at WHO para maiwasang maipasa o maikalat pa ang sakit ng mga taong mayroon nito.
Ang mga paalalang ito ay ang sumusunod:
- Pag-praktis ng proper hygiene tulad ng palaging paghuhugas ng kamay.
- Pagtakip ng ilong at bibig kapag umuubo.
- Pagsusuot ng N95 mask kung lalabas sa matataong lugar.
- Pagluluto ng pagkain nang maayos lalo na ng mga karne ng hayop na pinaniniwalaang pinagmulan ng sakit.
- Pag-iwas sa unprotected contact sa mga farm o wild animals.
- Hindi muna pagpunta o pagbisita sa mga lugar na may kumpirmadong kaso ng sakit.
Sources: The Philippine Star, Contagion Live, Rappler, GMA News, Independent UK
BASAHIN: Coronavirus: Sakit mula China maaaring kumalat worldwide ayon sa WHO, DOH naghigpit sa mga airports dahil sa possibleng pagkalat ng isang misteryosong sakit na galing sa China
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!