Covid 19 Philippines Pasig City walang kumpirmadong kaso ng sakit. Ayon sa DOH, 2 pinoy na nag-positibo sa virus ginagamot sa RITM.
Covid 19 Philippines Pasig fake news
Pinabulaanan ng Pasig City General Hospital o PCGH ang kumalat na balita sa social media na mayroong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa kanilang ospital. Ito daw ay fake news. Bagama’t inamin nila na noong February 13 ay mayroong suspected case ng sakit ang inadmit sa PCGH. Ngunit agad naman daw itong dinala sa San Lazaro Hospital na kung saan matapos ang test ay nalamang negatibo ang pasyente sa coronavirus disease.
“Our hospital and the City of Pasig is prepared in dealing with these cases. We assure you that we will be able to identify and isolate such cases.”
Ito ang pahayag ng Pasig City General Hospital tungkol sa kumalat na balita.
Paglilinaw naman ng Pasig City Information Office ang kumalat na larawan sa social media ay kuha sa kanilang siyudad. Ngunit ito ay decontamination exercise lamang bilang paghahanda sa kung sakaling may magpositibo na kaso ng sakit sa Pasig.
2 pinoy na positibo sa COVID-19
Samantala, kinumpirma naman ng DOH na mayroong dalawang dagdag na positibong kaso ng COVID-19 dito sa Pilipinas. Kaya naman mula sa tatlo ay naging lima na ang kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa. Ang unang tatlo ay mga Chinese nationals na kung saan ang isa sa kanila ay nasawi. Habang ang dalawa naman ay gumaling at naka-recover mula sa sakit. Ang pang-apat at pang-limang kaso ay parehong Pilipino. At ang isa mga ito ay wala umanong travel history sa mga bansang napabalitaang may positibong kaso ng sakit.
Ang pang-apat na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas ay isang 48-anyos na lalaki na may travel history sa Japan. Bumyahe umano ito pabalik sa Pilipinas noong February 25. At nakaranas ng chills at fever noong March 3. Agad naman raw nagpunta sa ospital ang biktima upang magpatingin at sumailalim sa test. At noong March 5 ay nakumpirma ngang positibo ito sa sakit.
Habang ang pang-5 kaso naman ng sakit sa bansa ay isa pa ring lalaki na 62-anyos ang edad. Ang lalaki ay wala umanong travel history sa labas ng bansa. Ngunit madalas daw na bumibisita sa isang muslim prayer hall sa San Juan City. Mayroon din daw history ng hypertension at diabetes ang pasyente. At unang nakaranas ng ubong may plema noong February 25. Noong March 1 ay inadmit ito sa ospital at na-diagnose na may severe pneumonia. Dumaan ito sa test at nalamang positibo sa sakit noong March 5.
Pahayag ng DOH
Sa kabila nito, ayon sa DOH ay hindi pa maituturing na may local transmission ng sakit sa bansa. Lalo pa’t isa pa lang ang kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas ang walang travel history.
“There is no transmission to speak of as of now. There’s only one. That’s why we’re doing contact tracing. But now it’s premature to say that there’s local transmission.”
Ito ang pahayag ni DOH Secretary Francisco Duque III.
Dagdag pa niya ay kasalukuyan ng nagsasagawa ng contract tracing ang DOH sa mga taong nakahalo-bilo ng dalawang bagong biktima ng sakit. At pagsisiguro niya ay kaya pa ring maiwasan ang pagkalat ng virus sa bansa. Kailangan lang ay i-exercise ng publiko ang proper handwashing, social distancing at cough etiquette upang maging posible ito.
“These recent developments are significant, but we are prepared to respond to its potential consequences. Our priority is to protect our health workers and the most vulnerable populations.”
“We can still contain the spread of the virus in the country, which is why we are encouraging the public to practice proper handwashing, social distancing, and cough etiquette. We call on the public to be vigilant and continue doing their part in containing the disease.”
Ito ang dagdag pang pahayag ni Sec. Duque.
Mga foreigners na nagpositibo sa COVID-19 matapos ang pagbisita sa Pilipinas
Paliwanag naman ni Sec. Duque tungkol sa naiulat na tatlong kaso ng COVID-19 sa mga foreign nationals na bumyahe sa Pilipinas ay hindi pa masasabing dito nila nakuha ang sakit.
Tulad ng kaso ng 38 years old Taiwanese male, malaki umano ang posibilidad na nakuha nito ang sakit bago pumasok sa bansa. Dahil ang paglabas umano ng sintomas ng sakit rito ay inabot lang na 4 araw. Maaga kung maituturing sa 7 araw na madalas na lumalabas ang sintomas ng sakit.
“The first case is a 38 years old Taiwanese male who visited the Philippines from February 28 to March 3. The patient developed abdominal discomfort and diarrhea on march 2. And experience sore throat, fever, and malaise on March 3. The patient consulted in an outpatient clinic in Taiwan on March 4 and was confirmed positive on COVID-19 on March 5. The onset of symptoms on March 2 points to possible infection before the patient travelled to the Philippines.”
Samantala, para naman sa 44 years old na Japanese na nag-positibo sa sakit ay pumunta daw muna ito sa Cambodia, Vietnam, Thailand at Japan bago tumuloy sa Pilipinas. Kaya malaki rin ang posibilidad na nakuha niya ito sa mga naunang bansa na pinanggalingan.
Habang para naman sa 62 years old female mula sa Sydney, Australia ay patuloy pa rin silang kumakalap at nag-veverify ng impormasyon. Ngunit agad naman daw maglalabas ng update sa publiko sa oras na may resulta na ang kanilang imbestigasyon.
Ayon pa rin kay Sec. Duque, sa kasalukuyan ang dalawang Pinoy na nag-positbo sa COVID-19 ay nasa pangangalaga ng RITM. Doon sila ay patuloy na inoobserbahan habang binibigyan ng lunas ang kanilang karamdaman.
SOURCE: PIA, UNTV
BASAHIN: Guidelines sa pag-suspend ng klase dahil sa COVID-19, inilabas ng DepEd
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!