Cup feeding sa baby, narito ang mga advantages at disadvantages ng feeding method na ito.
Cup feeding sa baby
Ang cup feeding sa baby ay tumutukoy sa pagbibigay ng gatas sa sanggol gamit ang isang cup. Ayon sa World Health Organization o WHO, mas mainam na alternative method ito ng pagbibigay ng gatas sa mga sanggol na hindi makasuso ng breastmilk na dulot ng isa sa sumusunod na dahilan.
- Ang baby ay premature o mahina kaya naman wala siyang lakas upang sumipsip ng gatas mula sa suso.
- Nakakaranas ng hirap sa pagsuso ang isang sanggol. Maaring dahil sa sobrang antok, may inverted nipples ang ina, may tongue ties o iba pang latching problems.
- Hindi pa well-established ang pagpapasuso lalo na sa unang 6 na linggo ng sanggol.
- Ang ina ay kailangang umalis o bumayahe o kaya naman ay may cracked nipples at kailangan lang munang mag-express ng kaniyang gatas.
Advantages ng cup feeding sa baby
Bagamat mahirap ito kung titingnan kaysa sa pagpapadede sa isang bata gamit ang feeding bottle, ayon sa mga eksperto ay mas mainam ito at mas maraming advantages. Ang mga ito nga ay ang sumusunod:
- Ang cup feeding sa baby ay maaring magsimula mula sa 29 weeks gestational age ng isang sanggol. O maaring gawin sa mga babies na ipinanganak ng premature at 7 months palang na ipinagbuntis.
- Sa pamamagitan ng cup feeding ay mas makaka-feed ang baby sa paraan na komportable sa kaniya. Ito ay nag-iimprove ng oxygen saturation at mas physiologically stable.
- Naiiwasan rin ang nipple confusion sa cup feeding hindi tulad ng sa bottle feeding. Kaya naman hindi ma-coconfuse ang sanggol kung siya ay i-brebreastfeed o pasususohin.
- Mas madaling linisan ang mga cups kaysa feeding bottles. Hindi rin kailangan pang bumili nito dahil kahit anong cups ay maaring gamitin. Basta ito ay sasakto sa maliit na bibig pa ng sanggol.
- Sa cup feeding ay naihahanda ang sanggol para sa breastfeeding. Dahil sa naii-encourage nito ang dila ng sanggol na lumabas o gumalaw para sa makakuha at makasipsip ng gatas.
- Naiiwasan rin sa cup feeding ang teeth misalignment at abnormal development ng jaw ni baby. Ito ang dalawa sa sinasabing disadvantages o epekto ng pag-bobottle feed sa mga baby.
- Nakakaiwas rin sa tooth decay ang mga sanggol sa cup feeding kaysa sa bottle feeding. Dahil ayon sa mga eksperto ang pagkababad ng mga ngipin ng sanggol sa artificial nipples ay nagdudulot ng tooth decay. At may posibilidad pang makagat nila ang artificial nipples at malunok na isang choking hazard.
- Sa cup feeding ay naiiwasan ang over-feeding kay baby. Dahil kusang titigil ang baby sa pagkuha o pag-sip ng gatas sa oras na siya ay busog na.
Disadvantages ng cup feeding sa baby
May mga disadvantages rin ang cup feeding sa mga sanggol bagamat ang mga ito ay maaring maiwasan. Ito ay ang sumusunod:
- Maaring makaranas ng aspiration o choking ang isang sanggol kung hindi ito magawa ng tama.
- Mas matagal ang feeding ni baby.
- May pagkakataong mas maraming gatas ang masasayang sa cup feeding.
- Hindi ito nakakatulong na mas mapalakas ang milk supply ng isang ina.
Paano maisasagawa ng tama ang cup feeding
Para maturuan ng tamang paraan ng pagsasagawa ng cup feeding kay baby ay mas mainam na makipag-ugnayan sa isang health care professional. Ngunit bilang ideya at pangunang kaalaman, narito ang ilang mahahalagang impormasyon na magiging gabay sa pag-cucup feed kay baby.
- Siguraduhing gising at alerto si baby kung siya ay bibigyan ng gatas sa pamamagitan ng cup feeding. Saka siya i-pwesto ng tila paupo o naka-upright position sa iyong kandungan. Lagyan siya ng bib o panyo sa kaniyang baba para maiwasang tumulo o kumalat ang gatas sa kaniyang katawan.
- Gumamit ng maliit na cup na may makinis na bunganga. Maaring ito ay medicine cup shot glass o tea cup. Pupwede rin ang takip ng bote o dede ng mga sanggol.
- Lagyan ng gatas ang cup na gagamitin. Huwag itong punuin. Maaring hanggang sa kalahati lang ng cup o 2/3 lang nito.
- Kung kinakailangan ay ibalot sa blanket ang sanggol para hindi niya mahawi o askidenteng matabig ang cup.
- I-puwesto ang bunganga ng cup sa ibabang labi ni baby. At bahagya itong itaas na kung saan maari ng maabot ng dila ni baby ang gatas.
- Huwag itatapon o ibubuhos sa bibig ni baby ang gatas na laman ng cup. Hayaan siyang kusang kumuha rito gamit ang kaniyang dila. Mahalagang bahagyang galawin ang cup upang tumama sa lips ni baby ang gatas mula rito at hanggang sa ito ay maubos.
- Kung bahagyang titigil si baby sa pag-sip ng gatas ay huwag tanggalin o ilayo ang cup sa kaniyang bibig. Maliban nalang kung siya ang kukusang lalayo o aayaw na dito.
- Pa-dighayin o burn si baby matapos ang cup feeding.
Source:
Breastfeeding Support, Healthline
Basahin:
Tips kung paano babalik sa breastfeeding pagkatapos ng bottle feeding
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!