Mahalaga para sa mga magulang na alamin ang dapat gawin kapag may emergency. Kasama na rito ang mga dapat tawagan na emergency services, first aid, mga dapat alaming sintomas, atbp.
Ngunit paano kung ang mismong ospital na kinakailangan ng iyong anak ay kulang-kulang? Paano kung walang maayos na ospital na makakapag-alaga sa iyong anak na mayroong sakit? Ano ba ang magagawa ng mga magulang?
Ganoon na nga ang nangyari sa makeup artist na si Barbi Chan nang magkasakit ang kaniyang anak, na ibinahagi niya sa social media.
Wala raw maayos na pasilidad sa isla
Ayon kay Barbi, nasa Boracay daw sila noong ika-28 ng Disyembre upang magdiwang ng New Year kasama ang kanilang pamilya. Ngunit noong ika-30 ng Disyembre, nagkaroon raw ng lagnat ang anak niyang si Zoey, at buong araw na masama ang kaniyang pakiramdam.
Nagdesisyon na raw silang dalhin siya sa ospital dahil lumalala ang kaniyang sakit. Ngunit nasa Kalibo pa raw ang pinakamalapit na ospital, kaya’t dinala nila si Zoey sa isang maliit na clinic.
Pagdating daw sa clinic ay nagsimula na siyang mag-kombulsyon, tumirik ang mata, at nawalan ng malay. Dagdag pa ni Barbi, nag-aalala raw sila na baka nagkaroon siya ng concussion dahil nagkaroon daw ng head injury si Zoe bago lumabas ang sintomas ng kaniyang sakit.
Sabi pa ni Barbi na napansin niyang kabado ang doktor, ngunit ginawa naman raw nito ang lahat ng kaniyang makakaya para sa kaniyang anak.
Inirekomenda ng clinic na dalhin na sa mas malaking ospital si Zoey, ngunit sa umaga pa raw siya madadala sa Kalibo. Dahil wala na silang iba pang magawa para sa anak, binigyan na lang nila si Zoey ng paracetamol at nag banyos para bumaba ang kaniyang lagnat.
Nagdesisyon silang ilipad na lang siya sa Maynila
Di nagtagal ay nagdesisyon ang kaniyang pamilya na dalhin na lang si Zoey sa Maynila upang mabigyan ng mas mabuting pag-aalaga.
Ang problema lang ay aabutin pa raw ng isang araw bago madala sa Maynila. Ito ay dahil kailangan pa nilang kumuha ng air ambulance na dadalhin si Zoey sa ospital.
Akala ni Barbi na wala na silang aalalahanin, dahil babayaran daw ng insurance company ang kanilang gastusin. Ngunit nagulat sila nang sinabi ng air ambulance na kailangan daw nila ng cash na payment, at hindi sila makakaalis hangga’t hindi sila nababayaran.
5 oras daw ang nasayang dahil sa negosasyon, at inis na inis daw si Barbi dahil posibleng nasa panganib na ang buhay ng kaniyang anak. Sa kabutihang palad ay nakalipad na rin sila at nadala si Zoey sa St. Lukes upang matingnan ng doktor.
Ngayon, stable na raw ang kondisyon ni Zoey, at wala rin daw siyang concussion. Umaasa si Barbi na makakarekober din ang kaniyang anak, at magiging maayos na ang kaniyang kalagayan.
Anu-ano ang mga dapat gawin kapag may emergency?
Nakakalungkot na kahit sa isang popular na islang tulad ng Boracay ay mayroong pa ring kakulangan sa mga medical facilities. Bukod dito, nahirapan din si Barbi na dalhin ang anak sa ospital dahil hindi madaling makahanap ng transportasyon sa lugar.
Kaya’t mahalaga sa mga magulang na alam ang dapat gawin kapag may emergency upang kahit ano man ang mangyari, magiging ligtas ang kanilang pamilya.
Heto ang ilang mga dapat tandaan:
- Huwag magpanic. Mahalagang malinaw ang iyong kaisipan, upang makapagdesisyon ka ng maayos kahit may emergency.
- Kapag magbabakasyon o bibisita sa malayong lugar, alamin kung saan ang pinakamalapit na mga ospital o clinic.
- Mahalagang mayroon kang number ng mga ambulansya, o lokal na emergency services.
- Nakakatulong rin ang pagkakaroon ng insurance para sa iyong pamilya lalo na kapag mayroong sakuna.
- Mag-aral ng first aid upang makapagbigay ng paunang lunas kung sakaling kailangan ng iyong pamilya.
Source: Inquirer
Basahin: Emergency first aid for common household injuries: Important info for parents
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!