Nagbigay paalala ang educational content creator na si Lyqa Maravilla sa mga teacher hingil sa pagpopost ng ilan sa mga ito ng content kung saan ay makikita ang mukha ng mga estudyante. Bawal daw kasi ito ayon sa Data Privacy Act.
Data Privacy Act: Estudyante bawal gawing content ni teacher
Paglabag umano sa Data Privacy Act ang ginagawa ng ilang content creator na teacher. Kung saan ay ginagawang content ang kanilang mga estudyante. Kailangan umano ng written consent mula sa parents bago i-post sa social media ang mukha ng bata.
Larawan mula sa Shutterstock
“Alam ba ng mga teachers na hindi ka dapat nagpo-post ng mukha ng mga estudyante mo online. Lalo na kung menor de edad. Hindi niyo ba alam na kailangan may signed consent ‘yan ng parents bago niyo ipakita. And I mean, a written consent form, signed hindi by the kid. Kasi minors cannot consent, but their legal guardian or parent. Do you have one of these for each student that you have on your TikTok.”
Nilinaw din ni Teacher Lyqa Maravilla na kahit pa ang bata ang may gusto na i-post sila ng kanilang guro ay hindi ito pwede. Gayundin ang mga positibong content, basta’t walang consent ng magulang ay labag sa batas.
Kung ang sinasabi naman ng guro ay ibibigay naman nila ang kanilang kikitain sa content sa mga bata ay hindi pa rin daw ito makatuwiran.
Larawan mula sa Shutterstock
“’Yon mismo ibig sabihin ng child exploitation eh. Ginagamit mo ‘yong bata para may makuha ka in return. At kahit binibigay mo pa ‘yon sa bata that doesn’t make it right. Kasi hindi lang naman pera ang pinag-uusapan dito eh…nakakakuha ka ng fame, ng leverage,” paliwanag ni Lyqa.
“Wala bang guidelines ang DepEd sa kung kailan dapat gumagamit ng mobile phone ang mga teacher. At kung ano ang pwede nilang ipost sa social media?”
Tungkulin ng teacher na protektahan ang kaligtasan ng mga bata
Ang mensahe niyang ito ay hindi lang naman daw tungkol sa viral teacher na nag-live habang pinagagalitan ang kaniyang mga estudyante. Para ito sa lahat ng guro na ipino-post ang mukha ng mga bata sa kanilang social media.
Ipinaalala ni teacher Lyqa na ang mga teacher ang dapat na in charge sa welfare ng mga bata at trabaho ng teacher na protektahan ang mga estudyante.
Naikwento pa ni Lyqa Maravilla na may nakita na raw siyang content ng isang guro kung saan ay ipinost nito ang video ng isang babaeng estudyante dahil maganda ito. Inedit pa ito ng teacher at nilagyan ng romantic na background music.
“The moment na pinost niya yun sa TikTok exposed na yung bata na yon. Sa lahat ng klase ng comments, sa lahat ng klase ng malisyosong tingin, sa lahat ng pagkakataong na-screenshot yun o dinownload yun ng mga tao na bastos ang pagtingin sa bata na ‘yun.”
Larawan mula sa Shutterstock
Hindi lamang daw ito sa mga babaeng estudyante nangyayari kundi pati na rin sa mga lalaki.
Kahit umano ang mga content tulad ng pagsasayaw bilang school activity ay hindi pwedeng ipost sa social media nang walang written consent mula sa magulang.
Nilinaw din naman ni Lyqa na wala siyang problema sa mga teacher na content creator. Kung ang mga ito ay gumagawa ng sarili nilang content. Basta’t hindi isinasama ang mga bata sa kanilang video.
Maaaring mapanood ang kabuuan ng video sa Facebook Page ni Lyqa Maravilla.
Narito naman ang Declined Consent Form na maaari niyong lagdaan upang pagbawalan ang guro na i-post sa social media ang inyong anak.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!