Dingdong Dantes, ibinahagi ang kaniyang sariling ideya o kaisipan ukol paghawak ng pera ngayong siya ay may asawa’t mga anak na.
Mababasa sa artikulong ito:
- Dingdong Dantes sa konsepto ng pag-manage ng pera
- Paano nabago ang konsepto sa pagtitipid ni Dingdong nang magka-pamilya
- 5 Money tips para sa mag-asawa
Dingdong Dantes sa konsepto ng pag-manage ng pera
Bawat tao ay may iba’t ibang paraan kung paano ginagamit ang perang ating nakukuha o kinikita. Ito ay dahil iba-iba rin ang ating pangangailangan at kalalagayan sa buhay.
Sa isang video mula sa Youtube channel ni Christine Babao na asawa ng sikat na journalist na si Julius Babao, ibinahagi ni Dingdong ang sarili niyang paraan ukol sa paghawak ng kaniyang pera.
Sa segment na ito ay pinag-usapan nila ang ilang mga bagay na isinasaalang-alang ni Dingdong pagdating sa pagdedesisyon sa kaniyang pera.
“‘Yan laging sinasabi sakin, kuripot daw ako,” natatawang pagtukoy ni Dingdong ukol sa pagbansag sa kaniya ng mga tao bilang kuripot.
Parati ‘di umanong sinasabi sa kaniya ng mga taong nakakakilala sa kaniya na siya ay kuripot. Ngunit ayon din sa kaniya, hindi naman siya maramot pagdating sa pagbibigay o pagbabahagi sa ibang tao.
Ang pagiging kuripot niya ay nakukulong lamang sa konsepto ng pagbili ng mga mamahaling mga bagay, katulad na lamang ng mga luxury cars.
Larawan mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes
Pagbabahagi ni Dingdong,
“Kailangan mag-isip muna ng isang milyong beses bago talaga gawin.”
Importante na hindi maging pabigla-bigla pagdating sa pagbili ng mga bagay lalo’t higit kung ito ay labis na mamahalin.
Ayon sa kaniya, gaya ng maraming tao, mayroon din siyang kung tawagin ay ‘Dream Cars’. Ngunit kung iisipin, marami pang higit na mahahalagang bagay na maaaring paglaanan ng kaniyang pera bukod dito.
Ika nga niya, ang labis na mamahaling bagay ngunit hindi naman talagang kinakailangan ay “too much for me.”
Paano nabago ang konsepto sa pagtitipid ni Dingdong nang magkapamilya?
Marami ang nagsasabi na kapag ang tao ay nagsimulang magkaroon na sarili niyang pamilya ay marami itong kakaharaping sa pagbabago sa kaniyang buhay.
Kasama sa mga pagbabagong ito ay ang paraan ni Dingdong sa kung paano niya hawakan o i-manage ang kaniyang pera.
Nagsimula siyang kumita ng pera noong siya ay labing-walong taong gulang pa lamang. Ayon sa kaniya, mula pa man noon ay hindi na siya waldas o labis gumastos.
“May konsepto na ko sa savings, sa pagtitipid, sa pagiging kuripot.”
Simpleng mga bagay lamang ang pinaglalaanan niya ng kaniyang kinikita. Katulad na lamang ng pagbili ng bagong t-shirt, sapatos, at cellphone na kapaki-pakinabang para sa kaniya noong mga panahong iyon.
Nagkaroon lamang ‘di umano siya ng pagkakataon magkaroon ng sariling sasakyan dahil sa loan program na inalok sa kaniya ng kumpanyang pinagtatrabahuhan.
Samantala, malaki naman ang nabago sa kaniya nang siya ay magkaroon na ng asawa’t mga anak.
“’Yong savings hindi na para sa akin. Para na sa edukasyon ng mga bata, sa pangangailangan nila, pero higit sa lahat, sa security na nila.”
Bilang magulang, ang naging numero unong priority ni Dingdong ay ang kaniyang mga anak. Ang perang kinikita ay inilalaan niya sa kapakanan ng kanilang mga anak ng sikat na aktres na si Marian Rivera.
Katuwang ni Dingdong si Marian sa kung paano nila i-manage ang kanilang pera.
Ayon sa kaniya, ang diskarte niya sa pera ay, “Ibigay sa asawa lahat!”
Malaki ang kaniyang tiwala sa kniyang maybahay. Ibinahagi niya na para sa sakaniya, higit na magaling humawak ng pera ang kaniyang asawa.
Larawan mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes
Mula sa pamilya, sa tahanan hanggang sa pagnenegosyo. Inilarawan niya ito bilang, “Very entrepreneurial talaga si Marian by nature.”
Naging basehan niya ang angking galing ni Marian sa pagma-manage nito ng business mula noong may paupahan siya at ngayong may flower business na siya.
Pagdating umano sa perang kinita ni Dingdong,
“Well merong pang sa kaniya (Marian), merong pang sa akin. Pero karamihan, siya dapat ang magtago.”
Nang tanungin si Dingdong kung ano ang kaniyang bibilhin sakali na magkaroon siya ng 10 million, ang kaniyang naging tugon ay:
“Bibili ako ng maraming bulaklak, para pangpuhunan doon sa negosyo ng asawa ko. Dahil alam ko, kaya niyang triplehin ‘yon.”
Ang tiwala ng aktor sa asawa pagdating sa usapin ng pera ay hindi lamang sa kung paano niya ito gamitin sa loob ng tahanan. Bagkus, malaki rin ang tiwala nito sa paghawak ng negosyo ni Marian.
Ito ang klase ng tiwala na nabuo over time o sa paglipas ng mahabang panahon. Tiwala bilang partner, asawa, at ilaw ng tahanan. Samantala, bagamat bata pa lamang ay tinuturuan na niya ang kaniyang mga anak na sina Ziggy at Zia sa konsepto ng pera.
Larawan mula sa Instagram account ni Dingdong Dantes
Ayon sa aktor,
“May parang pa-piggy bank kami minsan ni Zia. ‘Pag may barya o may sukli, ilagay mo dyan. Kailangan alam mo ‘yong value ng pera”
Dagdag pa niya,
“Bukod sa pagse-save sa piggy bank, kailangan alam mo na hindi lahat ng gusto mo makukuha mo.
Kailangan siyang paghirapan, kailangang pagtrabahuhan, para mas ma-appreciate mo ‘yong value ng isang bagay. Hindi mo siya basta-basta makukuha.”
BASAHIN:
Marco Alcaraz sa pagkakaroon ng masayang pagsasama: “May respeto, tiwala at hindi pinag-aawayan ang pera.”
14 moms confess kung bakit nila pinagtataguan ng pera ang kanilang asawa
Sino nga ba dapat ang humawak sa pera ng mag-asawa, alamin ang sagot ng mga eksperto
5 money tips para sa mag-asawa
1. Magkaroon ng joint bank account
Walang mali sa pagkakaroon ng magkahiwalay na account at separate na pagbabayad ng mga bills o bayarin. Subalit ang kasal ay isang partnership, kung kayong dalawa ay nagiging isa sa oras na mag-isang dibdib.
Upang maiwasan ang problema sa pera na maaaring makaapekto sa inyong relasyon sa hinaharap, pagsamahin ang inyong pera at tingnan at gamitin ito nang magkasama.
2. I-discuss ang lifestyle ng isa’t isa
Sa parteng ito makikita ang kaibahan ninyo sa maraming bagay at sa paraan kung paano ninyo gamitin ang inyong pera.
Bukod pa rito, mahalaga rin na alam ninyo ang pagkakaiba sa personalidad ng isa’t isa. Dito magmumula ang malalim na pagkakaintindihan.
Mula rito, makikita at mare-realize ninyo na nasa iisa kayong bangka kung saan kailangan ninyong gamitin at pagusapan ang inyong budget bilang team, mag-partner o mag-asawa.
Larawan mula sa Shutterstock
3. Huwag hayaang makaapekto ang pagkakaiba sa halaga ng inyong kinikita
May mga mag-asawa na pareho lamang ang halaga ng kanilang kinikita. Ngunit karamihan ay magkaiba dahil magkaiba rin ang uri ng kanilang trabaho.
Huwag hayaang makaapekto ang kaibahan sa amount na inyong kinikita sa inyong relasyon. Palaging tandaan na kung ano ang sa isa, iyon din ay pagkaaari na rin ng isa pa.
4. Maging open sa mga gastusin
Ang pagiging hindi tapat ay hindi lang nababase sa pangangalunya. Maaari rin makita ang hindi katapatan ng isang tao kung hindi ito ay may itinatago sa kaniyang partner.
Sa relasyon bilang mag-asawa, mahalaga ang pagiging matapat, lalo’t higit sa usapin ng pera at gastusin. Tandaan na ang desisyon ay hindi lamang dapat nagmumula sa isa, ito ay dapat pinag-uusapang mabuti bilang mag-asawa.
5. Huwag i-spoiled ang mga anak
Kagalakan sa isang magulang ang maibigay mga bagay na ninanais ng mga anak. Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay dapat manguna ang gusto ng anak.
Tandaan na ang pangunahing priority ay ang needs at hindi ang wants. Gayon din sa pagpapalaki ng anak. Bago ibigay ang gusto, mahalaga na alam nila ang kahalagahan ng mga ito.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!