Narito ang “Don’t bring COVID-19 home 25 point checklist” mula sa isang doktor. Paigtingin ang coronavirus prevention gamit ang mga tips na ito.
Dahil sa dumarami pang biktima ng sakit na COVID-19 ay nagbahagi ang isang trauma expert ng mga tips para sa coronavirus prevention. Siya ay si Dr. Bill Griggs, na naging controller rin ng health disasters and emergencies ng South Australia sa loob ng 10 taon.
Ayon kay Dr. Griggs, ang unang dapat isaisip upang makaiwas sa COVID-19 lalo na sa tuwing lalabas ng bahay ay ang bawat bagay na hahawakan ay kontaminado ng virus. Kaya naman dapat hangga’t maari ay i-minimize na magkaroon ng contact sa mga ito.
“We’re worried about if there’s a virus on the surface we’re going to come in contact with, we need to minimize the chance we do get it on our hands.”
Ito ang pahayag ni Dr. Briggs sa isang panayam sa kaniya ng international TV program na Today.
Sunod ay dapat alalahanin na hindi mo dapat maipasok sa loob ng bahay ang kahit anumang bagay na maaring nagtataglay ng virus. Kaya naman upang maiwasan ito ay nagbahagi siya ng “Don’t bring COVID-19 home 25 point checklist” na mabuting sundin ng lahat sa tuwing lalabas ng bahay sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic.
Ang 25 point checklist ni Dr. Briggs ay hinati niya sa tatlong categories. Una ay ang mga dapat gawin bago umalis ng bahay. Pangalawa, mga dapat tandaan habang nasa labas ng bahay. At pangatlo, ang mga dapat gawin kapag nakauwi na sa inyong bahay. Ito ay ang sumusunod:
Don’t bring COVID-19 home 25 point checklist
Mga dapat gawin bago umalis ng bahay
1.Tanggalin ang mga accessories o jewelries sa iyong mga kamay tulad ng relo at iba pa. Mas mabuting iwan nalang ito sa inyong bahay upang mas mapadali ang iyong paghuhugas ng kamay sa oras na makauwi ka na. Iwasan rin muna ang pagsusuot ng long sleeves. Sa halip ay mag-suot ng short sleeves na hindi mo na kailangang itaas kapag maghuhugas ng kamay.
2. Iwan ang iyong handbag at wallet sa inyong bahay. Dalhin lang ang mga bagay na kailangang mo tulad ng susi ng sasakyan at pera kung kinakailangan. Kung kailangan magdala ng personal items ilagay ito sa disposable brown paper bag.
3. Kung kailangan dalhin ang iyong cellphone ilagay ito sa ziplock bag na madaling maitapon o hugasan sa iyong pag-uwi.
4. Wala munang social media para ma-minimize ang iyong paggamit ng cellphone.
5. Ilagay rin sa ziplock bag ang iyong credit card at ID.
6. Mag-suot ng sapatos na puwede ninyong iwan sa labas lang ng inyong bahay. Gumamit rin ng sapatos na enclosed o yung hindi mai-expose ang iyong mga paa sa virus. Suotin ito kapag ikaw ay aalis na o nasa labas na ng inyong bahay.
7. Kung papasok sa trabaho, magdala ng sarili mong pagkain at ilagay ito sa disposable bag. Magdala rin ng sarili mong tubig.
8. Siguraduhin rin na may malinis na plastic box sa iyong pinto na iyong magagamit kapag nakauwi ka ng bahay.
9. Lahat ng iba pang personal items na dapat mong dalhin ay dapat nasa loob ng hiwalay na plastic box. Ang mga ito ay dapat naiiwan lang sa loob ng iyong sasakyan.
10. Planuhin ang iyong pag-alis para ma-minimize ang iyong oras habang nasa labas ng iyong bahay.
Mga dapat tandaan habang nasa labas ng bahay
11. Habang nasa labas ay iwasang hawakan ang iyong mukha.
12. Iwasang hawakan ang mga bagay na hindi mo naman kailangan.
13. Isipin na lahat ng bagay sa iyong paligid ay contaminated ng virus. Tulad ng doorknobs, car door handles, elevator buttons, steering wheel at iba pa.
14. Dahil sa ang iyong kamay ay maaring nakakahawak sa bagay na contaminated ng virus ay dapat hugasan ito lagi kung maari. Kung hindi naman possible ang paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at tubig, ay gumamit ng sanitizer.
15. Itulak ang mga pinto sa supermarket o lugar na pupuntahan gamit ang iyong paa, balikat o siko.
16. Kung nangangati ang iyong mukha, kamutin ito ng ibabaw na bahagi ng iyong braso. Sanayin ring gawin ito kahit ikaw ay nasa bahay lang.
17. Iwasan ring kumain muna sa labas. Kaya mas mabuting magdala ng sarili mong pagkain kung maari at kinakailangan.
18. Kung mamili mas mabuting gumamit ng contactless payment o electronic payment at hindi cash. Kung kailangan ng iyong PIN ay gamitin ang buko ng daliri o knuckles sa pag-pindot. O kaya naman ay ang iyong palasingsingan o ring finger. Dahil madalas ang hintuturo at hinlalaki ay hinahawak mo sa iyong mukha.
Mga dapat gawin pag-uwi ng bahay
19. Ilagay ang iyong pinamili o gamit sa malinis na plastic box sa iyong pintuan.
20. Wala munang yakap o halik sa iyong pagdating. Tanggalin ang iyong mga sapatos at iwan ito sa labas ng pinto.
21. Tanggalin ang laman ng iyong paper bag at ziplock bags at ilagay sa iyong home box. Itapon ang mga paper bag o hugasan ang ziplock bag na iyong ginamit.
22. Hugasan ng maigi ang iyong mga kamay.
23. Ngayon ay hugasan o linisan naman isa-isa ang mga items na laman ng iyong home box. Gumamit ng sabon at tubig sa paghuhugas at sanitizer para sa mga gamit na hindi puwedeng mabasa. Ilipat ang mga nalinisan at nahugusan ng gamit sa malinis na lugar o hiwalay na box. Huling hugasan ang plastic box na pinaglagyan ng iyong mga gamit ng dumating ka sa bahay.
24. Linisan rin ang iyong sasakyan. Punasan ang door handle, steering wheel gear shift, seat belt at iba pang surfaces na iyong nahawakan. Linisan rin ang iyong car box.
25. Saka bumalik sa loob ng iyong bahay at maghugas muli ng kamay.
Narito ang buong video ng interview kay Dr. Briggs tungkol sa kaniyang “Don’t bring COVID-19 home 25 point checklist”:
Basahin:
Tips para maiwasan ang COVID-19 kapag nag grocery, ayon sa doktor
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!