Isang buwan na lang at Pasko na naman. Marami sa atin ang ayaw nang makisabay sa tinatawag na holiday rush kaya naman makabubuti kung makapaghahanda na nang mas maaga. Narito ang ilang early Christmas shopping tips na maaaring makatulong sa iyo.
Early Christmas shopping tips sa pagbili ng regalo
Kilalalin ang mga bibilihan ng regalo
Dahil nais nating mapasaya ang bibigyan natin ng regalo, mabuting bumili ng bagay na gusto at magagamit nito. Kaya naman, importanteng alamin ang hilig o interes ng taong bibigyan ng regalo. Ilista ang pangalan ng mga ito at ang regalong naisip ibigay.
Larawan mula sa shutterstock
Mag-set ng budget
Importante syempre na may budget na nakalaan para sa mga regalo. Mahalaga ito para matiyak na may mailalaan ding pera para sa iba pang kailangang paggastusan. Lalo na sa taas ng mga bilihin sa ngayon. Kung sa palagay mo ay hindi mo kayang maglaan ng pera na ipambibili ng regalo nang isang bagsakan, pwede mo itong pag-ipunan. Dapat simula pa lang ng taon ay nagtatabi-tabi ka na ng ipon para dito. Pero, kung hindi talaga kaya mommy and daddy, tandaan na ang diwa ng Pasko ay ang pagmamahal na maaari mong ibahagi sa iba. Maiintindihan ka naman ng mga mahal mo sa buhay kung sakaling hindi ka makapagbibigay ngayong Pasko.
Ihanda ang shopping plan
Kung nais makatipid ng oras at resources, mahalaga na magkaroon ng shopping plan. Strategic at wais ang hakbang na ito. Ilagay sa iyong listahan ang mga taong bibilihan ng regalo at ano ang naiisip mong magandang ibigay sa mga ito. Sa pamamagitan nito, maiiwasan mong makalimutan ang Christmas gift idea na inilaan mo para sa specific na tao.
Bukod pa rito, makatutulong ang shopping plan para ma-track mo kung pasok pa ba sa budget ang mga bibilhin.
Larawan mula sa shutterstock
Early Christmas shopping tips: Mag-research
Magsagawa ng quick online search ng mga regalo na nais mong bilihin. Sa pamamagitan ng pag-search sa internet, maaari mong malaman ang presyo ng mga nais bilihin. Pati na rin kung saan makabibili nito. Puwede mo ring mapagkompara ang presyo sa iba’t ibang stores. Dagdag pa rito, magkakaroon ka rin ng iba pang options at backup alternatives.
Mag-shopping online
Kung hassle-free early Christmas shopping talaga ang bet, puwede rin namang online na lang mamili. Maiiwasan mo ang mahahabang pila sa cashier sa mga mall at shopping center. Pati na rin siyempre ang masikip na daloy ng trapiko. Bukod pa rito, marami kang mapagpipilian sa mga online stores at posible pang makatagpo ng mga produktong naka-sales.
Early Christmas shopping tips sa pagbili ng pagkaing panghanda
Bukod sa mga regalo, puwedeng-puwede rin tayong maagang mamili ng ilang pagkain at inumin na ihahanda natin sa pasko. Narito ang ilang early Christmas shopping tips para sa’yo:
Alamin kung ano ang nais ihanda sa pasko, isang buwan bago ang pagdiriwang
Isang buwan bago pa man ang Pasko, mahalagang magdesisyon na kung ano ang inyong ihahanda. Sa pamamagitan nito, maaari ka nang makabili in advance ng mga pagkain at inumin na naka-sale. Basta yung hindi agad nabubulok o nasisira. Isulat ang lahat ng ingredients. Paghiwalayin ang listahan ng mga perishable at non-perishable goods. Bilihin na ang mga pagkain at inuming maaaring bilihin para hindi na makipagsiksikan sa holiday rush.
Larawan mula sa shutterstock
Maagang umorder ng pagkain
Kung oorder ng mga sangkap ng iluluto sa Pasko, mabuting umorder na ng end ng November o early December. Puwedeng mag-email o tumawag na agad sa mga provider ilang araw bago ang pick-up date para magkaroon pa ng sapat na oras upang ma-check ang mga pinamili.
Mag-assign ng family member na pi-pick up sa mga inorder na pagkain at rekado. Bigyan sila ng listahan ng mga pinamili at saan ito kukunin.
Bumili ng perishable foods two days bago ang Pasko
Para naman sa mga pagkain na mabilis mabulok o masira, o ‘yong tinatawag na perishable goods, mabuting bumili nito dalawang araw bago ang Pasko. I-store na lamang ang mga ito sa isang bahagi ng refrigerator. Sa pamamagitan nito maiiwasan mong makisabay sa dagsa ng tao na namimili nang last minute.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!