Narito ang earthquake evacuation plan sa Metro Manila na kailangan mong malaman at ng iyong pamilya sa oras ng sakuna.
Earthquake evacuation plan sa Metro Manila
Bilang paghahanda sa oras ng sakuna ay nagbahagi ang MMDA ng earthquake evacuation plan sa Metro Manila. Nagtalaga sila ng mga lugar na magsisilbing evacuation centers sa oras na mangyari ang malakas na lindol na makaapekto sa malaking parte ng ka-Maynilaan.
Sa kanilang plano, ang Metro Manila ay hinati sa apat na quadrants at ang kada quadrant ay may nakatalagang evacuation center o site na maaring puntahan ng publiko sa oras ng delubyo o sakuna.
Ang unang quadrant ay ang North quadrant na kung saan kabilang ang mga lungsod ng Caloocan, Valenzuela, Quezon City, San Juan at Mandaluyong.
Sa oras ng sakuna ang mga mamamayan mula sa mga nasabing lungsod ay maaring magpunta sa kanilang nakatalagang evacuation sites. Ito ay ang Veterans Memorial Golf Course at University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City.
Ang sumunod na quadrant ay ang East quadrant na kinabibilangan ng lungsod ng Pasig at Marikina. May apat na evacuation sites ang nakatalaga sa East quadrant. Ito ay ang LRT-2 Santolan Depot, Marikina Boys Town, Red Cross Marikina at Ultra Pasig.
Pangatlong quadrant ay ang West quadrant na kinabibilangan ng lungsod ng Manila, Malabon at Navotas. Ang magsisilbing evacuation centers naman sa mga taga-rito ay ang Intramuros Golf Course sa Maynila.
Panghuling quadrant naman ay ang South quadrant na kinabibilangan ng mga lungsod ng Las Piñas, Makati, Muntinlupa, Parañaque, Pateros, Taguig at Pasay. Magsisilbing evacuation center ng mga sumusunod na lungsod ay ang Villamor Air Base Golf Course sa Pasay.
Maliban sa mga nabanggit na lugar, ang mga athletic field, sports arena, memorial parks, gyms at mga simbahan ay maari ring magsilbing evacuation camp sa mga Pilipinong apektado ng sakuna.
Iba pang dapat gawing paghahanda sa oras ng sakuna
Ang mga lugar na ito ay itinalaga ng MMDA upang mas maging mabilis ang rescue at relief operations.
Kaya bilang paghahanda sa oras ng sakuna mas mabuting alamin na kung paano makakarating mula sa inyong lugar patungo sa nakatalagang evacuation center sa quadrant na iyong kinabibilangan.
Maliban dito, ang iba pang paghahanda na dapat gawin sa sakuna ay ang sumusunod:
1. Magkaroon ng family emergency plan.
Upang maging handa ang lahat ng miyembro ng pamilya sa oras ng sakuna ay mabuting pag-usapan ninyo na ito. Magpalitan ng tips kung ano ang dapat gawin at magtalaga na ng lugar sa kung saan kayo magkikita sa oras na ito ay mangyari. Ito ay para mas mapabilis ang paghahanap sa isa’t-isa at masiguro ang inyong kaligtasan sa oras na hindi kayo magkakasama.
2. Maghanda ng emergency kit.
Makakabuti rin na maghanda na ng isang bag na kung saan nakalagay na ang ilang importante dokumento tulad ng birth certificate, IDs at iba pa. Magtabi narin ng mga gamot, mga pagkain, damit, flashlight, extra prepaid cards at first aid kid na madali mong mabitbit sa oras na may hindi inaasahang pangyayari.
3. Laging i-full tank ang iyong sasakyan.
Para mas madaling maka-evacuate sa oras ng sakuna siguraduhing laging may sapat na gas o full tank ang iyong sasakyan. Makakatulong sa pagpapanatili nito ang pagpapa-refuel sa tuwing nangangalahati na ang gasolinang karga ng iyong sasakyan.
Maging handa sa kahit anumang sakuna. Ugaliing makinig at manood ng balita para ikaw ay may alam sa mga nangyayari sa paligid mo.
Source: Philippine News
Basahin: Lindol safety: 10 tips na dapat gawin para sa bawat edad ng bata
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!