Isang lalaki mula Cavite ang nagbahagi ng kanyang pinagdaaan para madala at mapuntahan ang kanyang nanay sa East Avenue Medical Center na kasalukuyang mag-isa sa COVID ward. Isa-isa nitong dinetalye ang mga bagay na sumubok sa kanyang katatagan.
Lalake, nagbahagi ng karanasan sa ospital sa panahon ng COVID-19
Nang inanunsyo ang lockdown noong March, nais na sanang umuwi ni Daniel sa Cavite dahil inalala niya ang kanyang nanay na mag-isa. Ngunit hindi rin siya nakauwi dahil halos maabutan siya ng lockdown at wala na rin siyang masakyan. Hanggang sa sumapit ang April at hindi na nga siya nakauwi dahil sa patuloy na pag-extend ng quarantine sa Luzon.
Ayon sa Facebook post ni Daniel, sobrang nag-aaalala siya sa kanyang nanay na mag-isa sa kanilang bahay sa Cavite. Ginawa na niya ang iba’t-ibang paraan para makauwi, humingi ng tulong, naghanap ng masasakyan pero sa huli, bigo pa rin syang makaalis.
Hanggang sa sumapit ang May 6, nagulat na lamang siya ng may tumawag sa kanya at sinabing na-stroke ang kanyang nanay. Isinugod ito agad sa ospital pero inilabas rin kinabukasan dahil puno na ang ospital. Dahil rito, mas nadagdagan ang kagustuhan niyang tuluyang umuwi sa Cavite.
At noong May 8, isinugod na sa clinic ang nanay ni Daniel.
“Binalitaan ako na isinugod ulit si mama pero sa malapit lang na clinic. Tinawagan ko ang clinic. Ang sabi ko ipapambulansya si mama sa Manila. Ayaw nila. Kinausap ko rin ang doctor, ang sabi lang sa akin, una raw clinic lang sila. Tumutulong lang sila. Dapat nga raw ilang oras lang dun si mama pero tinutulungan lang daw nila.”
Sa nais na i-confine sa mas maayos na ospital ang kanyang nanay, humingi ito ng tulong na kung pwede ay dalhin sa ospital gamit ang ambulansya. Ngunit hindi rin siya natulungan dahil ang rason, baka sa daan mamatay ang kanyang nanay at masisi sila.
Ang sabi sa kanya, kailangan nilang maghanap ng siguradong ospital kung saan icoconfine ang kanyang nanay bago ito payagan. Nang kausapin ni Daniel ang isang doctor sa telepono sinabi na lang nito sa kanya na “Ipagpasa Diyos na lang natin ang mama mo.”
Hindi niya napigilang magalit sa narinig.
“Nagalit ako. Sumigaw ako. May option pa e. Para saan ang ambulansya. “Bilang doctor nasasabi niyo yan?”. Pero mas mainit ata ang ulo ni Doc. Ang sagot niya sa akin? “Oh ikaw dito! Ha! Ikaw dito. Wag ka na nga tatawag dito”. Tinatanong ko pangalan ni Doc ng binaba na niya Telepono.”
At noong May 9 ng umaga, na-admit nila ang kanyang nanay sa East Avenue Medical Center pero sa upuan lamang ngunit inilipat rin sa COVID ward dahil ito ang protocol . Kwento ni Daniel, unconscious na ang kanyang nanay at hindi na nakakausap pa. Ang sabi ng ospital, malala na ang kanyang kalagayan at nasa 28% ang tyansa na makakasurvive ito.
Dahil naka-admit na ang kanyang nanay sa East Avenue Medical Center, itinuloy pa rin niya na makapunta sa nasabing ospital. Lumapit na siya sa barangay at police station para makahingi ng tulong. Ang sabi pa nito ay kahit lakarin na lang niya ang dulo basta makapunta siya sa border. Ngunit sa huli, bigo pa rin siyang makahanap ng sasakyan.
Hanggang sa may pumayag na mobile at isinakay siya papunta sa boundary ng QC at Manila. At dito na nga tuloy tuloy na nakapunta siya sa East Avenue Medical Center.
Pagdating sa East Avenue Medical Center, hindi rin niya agad nakita ang kanyang nanay na nasa COVID ward. Kaya naman nagpalipas muna siya ng oras sa bakuran ng nasabing ospital. Madami sila ito at naglatag ng karton para may maupuan.
Kinabukasan lang niya nakita ang kanyang nanay sa loob ng ward habang suot ang pinahiram na PPE.
“Sa loob, halo halo ang mga PUI. May matandang may diabetes, mayroon tumutulo na ang dugo sa sahig, may nag mamanual pump ng oxygen, walang tumitingin kung basa na ang mga likod nila ng pawis. At kahit basa na sila ng ihi, wala ring tumitingin. Ang hirap. Ang saklap ng kalagayan nila sa loob. Mainit.”
Ayon sa sinabi ng doctor sa kanya, nilagyan na ng tubo ang kanyang nanay at nasa 2 days na lamang ang estimate na itatagal nito.
Nagpalipas lang sila ng oras sa bakuran ng ospital habang iniintay ang resulta ng kanyang nanay. Ngunit pagsapit ng May 11, alas-dos ng hapon, saka lang sila sinabihan na patay na ang kanilang nanay noon pang 8 ng umaga.
“Nakaligtaan kami sabihan. Hindi na kami nabigyan ng pagkakataon umiyak. Sobrang sakit sa amin. Pero binigyan na lang kami ng 6-12 hours AFTER DEATH na hindi namin alam na nung 8 am pa pala para asikasuhin daw ang cremation ng mama.”
Hindi COVID-19 ang dahilan ng pagkamatay ng kanilang nanay. Ngunit kung hindi nila ito makukuha agad, maaaring masama ito sa mass disposal kasama ang mga COVID-19 patients.
Umuwi muna saglit si Daniel sa bahay ng kayang kapatid sa Philcoa pero agad rin siyang pinaalis ng barangay officials dahil galing itong ospital at bawal makapasok sa lugar ang taga labas.
“Hindi nga ako exposed sa covid 2. Ate ko na lang ang matutuluyan ko. Pero sumunod ako. Nag lakad ako kung saan saan. Naghanap ng malilipasan ng gabi. Pabalik sa bangketa ng Ospital.”
Nilakad pa rin nila ang mga kailangang papeles para makuha ang kanilang nanay. Dahil nakalagay sa death certificate na hindi COVID-19 ang ikinamatay ng kanilang nanay, nakuha rin nila ito para mabigyan ng maayos na libing.
“Masakit. Namatay ang mama ng mag isa. Wala ako sa tabi niya sa pinakamatinding laban niya. Hindi man lang namin siya nabigyan ng maayos na pamamaalam. Mula body bag, sa kabaong, hanggang libing. Hindi ko maiwasan na isiping biktima rin kami ng sistema.”
Dagdag pa ni Daniel na sa kanyang post na,
“Mahirap bumalik sa mga ipinaglalaban ngayon. Talong talo na ako lalo’t buhay ng mama ko ang kapalit. Sinisisi ko rin ang sarili ko na hindi ako nakauwi agad. Pero kung may pupuntahan lahat ito, Sana lang, hindi ito maulit sa iba.”
BASAHIN:
Senior namatay sa bahay nang hindi tanggapin sa 6 na hospital na pinuntahan