Joy at Edric Mendoza ibinahagi ang kahalagahan ng pagiging “authoritative” ng mga magulang sa mga anak. Nagbigay ang asawa ng talk tungkol sa pagpapalaki nila ng kanilang anim na anak sa The Family Project PH event ng Richprime Global, distributors ng baby brands katulad ng Chicco at Joie.
Joy at Edric Mendoza sa pagdidisiplina ng anak
Ayon sa mag-asawang Joy at Edric Mendoza, ang pagdidisiplina sa anak ay dapat ginagawa habang sila ay bata pa. At ang unang hakbang para gawin ito ay ang pag-e-establish ng authority ng magulang sa kanilang anak.
“A lot of parents are concerned about being the best friend of their kid trying to earn their love. That’s a problem and research shows if you don’t establish your authority as a parent, you going to end up resenting it,” pahayag ni Joy Mendoza.
Ito daw ang sikreto para matutong sumunod ang isang bata at mas madaling turuan ng tamang disiplina.
Para nga daw mas madaling disiplinahin ang isang bata, may ilang tips na ibinahagi ang mag-asawang sina Joy at Edric Mendoza na dapat gawin ng mga magulang. Ito ay ang sumusunod:
Tips ng pagdidisiplina sa mga bata
1. One command obedience approach
Una, ay dapat iwasan ng mga magulang ang pagbibilang ng 1,2,3 o pagbibigay pa ng warning bago sundin ng kaniyang anak. Dapat ay mailagay sa isip nila na sumunod sa unang sabi palang. Ito ay para matuto rin silang seryosohin ang bawat iyong sinasabi at maisaisip nila na walang chance na ibinibigay kapag sila ay nagkamali.
Kung sa unang beses na pinagsabihan mo ang iyong anak at ito ay hindi sumunod, puntahan agad siya at kausapin. Sa mahinahon na boses ay ipaintindi sa kaniya kung bakit kailangan niyang sumunod sayo tulad ng sumusunod..
“Sara, paki-ayos na ang laruan o ilalagay ko na ang mga toys mo sa isang box para hindi mo sila malaro buong araw.”
Sa pamamagitan ng ganitong halimbawa ay naipapaalam mo sa iyong anak ang consequence na puwedeng mangyari kapag hindi siya agad sumunod sa iyo.
2. Huwag makikipag-usap sa iyong anak kapag ikaw ay galit.
Mahalagang disiplinahin ang iyong anak sa kalmadong paraan. Ito ay para maintindihan niya ng maayos ang gusto mong sabihin. Ang pagiging kalmado rin ay nakakahawa kaya naman imbis na magwala ang iyong anak ay mananahimik rin ito at susunod na sa iyong sinasabi.
3. Gumamit ng authoritative words at hindi friendly words.
Ang paggamit ng mga authoritative words ay isang paraan para maipabatid sa iyong anak ang kahalagahan ng iyong sinasabi. At sa ganitong paraan ay nabibigyan mo siya ng pahiwatig na ang hindi pagsunod at mayroong kapalit na consequence na hindi niya magugustuhan.
Ang pagiging authoritative ay maipapakita rin sa pamamagitan ng tono ng iyong pagsasalita. Hindi dapat disiplinahin ang anak sa malambing na paraan o pananalita. Ito ay dapat na maging madiin ngunit hindi naman pasigaw.
4. Dapat maging consistent ang pag-didisiplina ng mag-asawa sa kanilang anak.
Para maiwasang maitanim sa isip ng bata na mayroon siyang kakampi kahit siya ay gumawa ng mali, dapat ay maging consistent ang mag-asawa sa pagdidisiplina ng kanilang anak. Dapat ay sumasang-ayon sila sa parehong rules at hindi dapat kinokontra ang bawat isa pagdating sa pagdidisiplina.
Iwasan ang paggamit ng “Sige ka, lagot ka kay Mommy kapag hindi ka sumunod.”
Dapat sa lahat ng oras ay consistent ang pagdidisiplina ng mga magulang. Ito ay para hindi magmukhang ang isa lang sa inyo ang naniniwalang mali ang ginagawang hindi pag-sunod ng anak.
Dagdag pa ng mag-asawang Joy at Edric Mendoza, ang pamamalo bilang paraan ng pagdidisiplina sa anak ay hindi naman masama. Ngunit ito daw ay dapat nakadepende sa nature of the offense at sa context ng ginawa nilang pagkakamali. Pero ito daw ay nakadepende parin sa kada magulang. Lalo na’t ang bawat magulang ay nais lang naman ang ikakabuti ng kanilang anak.
Basahin: 7 Signs Your Kids Need More Discipline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!