5 masamang epekto ng abortion sa kalusugan ng babae

Ano nga ba ang epekto ng aborsyon sa kalusugan ng isang babae? Narito ang 5 side effects na maaaring maidulot ng pagpapalaglag.

Sa ngayon, hindi pa legal ang aborsyon sa Pilipinas. Ito pa nga ay itinuturing na krimen. Sinumang doktor o midwife ang magsagawa ng aborsyon ay maaaring makulong. Marami pa rin ang napupunta sa ganitong sitwasyon. Kadalasan ay dahil sa wala naman silang options. Kaya naman marami din ang nalalagay sa panganib. Lalo’t hindi nila alam kung ano ang masamang epekto ng aborsyon.

title="Dalawang paraan ng aborsyon ">Dalawang paraan ng aborsyon
  • Epekto ng aborsyon sa kalusugan
  • Sintomas ng mga masamang epekto ng aborsyon
  • Epektong emosiyonal at psychological
  • Aborsyon sa Pilipinas

    Image from Freepik

    Sa tanong na ano ang aborsyon, may mga nagsasagawa ng aborsyon para maligtas ang buhay ng inang nagbubuntis. Kung siya ay nasa panganib. Ang pagiging ilegal nito ang dahilan kung bakit lalong naging mapanganib pa nga ang aborsyon sa Pilipinas.

    Lalo na sa higit kalahating milyong Filipina na gustong magpa-abort. Hindi ito dahil sa ayaw nilang mag-anak. Kundi dahil sa maraming dahilan sa emotional, physical at financial na aspeto.

    Mariing ipinapaalala ng mga doktor kung gaano kaselan ang aborsyon. Lalo’t may iba’t ibang pisikal na epekto ito sa bawat babae. Hindi “simpleng solusyon” ito, na pakiwari ng iba.

    Mahalagang makipag-usap at kumonsulta sa mga espesyalista. Sa mga health professionals, at doktor na magsasagawa ng aborsyon. Para malaman ang mga posibleng epekto nito sa kalusugan.

    Ano ang aborsyon? 

    Sinumang nagbabalak ng aborsyon ay kailangang mapaliwanagan kung ano ang aborsyon. Kailangang malaman ang mga panganib at masamang epekto ng aborsyon.

    Sa kanilang kalusugan man o wellbeing. Kailangan ding mabigyan ng impormasyon tungkol sa mga tulong na available sa kanya pagkatapos ng procedure. Tulad na lang ng gamot at counseling.

    Pero dahil nga ito ay ilegal sa Pilipinas, walang access ang mga kababaihan sa ganitong impormasyon. Kapag ang pagbubuntis mo ay delikado, at kailangan talagang alisin ang bata. Walang magawa ang ina kundi ilagay ang sarili sa bingit ng panganib at pagpapatuloy ng high-risk pregnancy.

    Dalawang paraan ng aborsyon

    Image from Freepik

    1. Mayroong pinapa-inom ng abortion pill na humaharang sa pregnancy hormones na nagbibigay ng proteksiyon sa embryo. Kaya naman puwede lang ito sa mga unang linggo ng pagbubuntis.

    Delikado ito kapag hindi nabantayan at nasubaybayan ng doktor ang kondisyon ng nagbubuntis. Puwedeng magsimula ang pagdurugo o pagkalaglag ng embryo. May mga pagkakataon na pagkatapos inumin ang abortion pill, hindi mapigil ang pagdurugo. Kaya’t minsay ay nalalagay sa panganib ang nagbubuntis.

    May statistics din na nagtala na 8 sa 100 pagkakataon, ang RU-486 o abortion pill ay hindi lubusang nalalaglag ang bata. Kaya mangangailangan pa ng isa o higit pang operasyon o procedure.

    2. Kapag higit na sa ilang linggo ang fetus, kailangan nang buksan ang cervix. Karaniwan ay dapat nakasara ito para maging ligtas ang sanggol hanggang natural na magbukas ito sa oras ng panganganak. Ang cervix ay nasa likod ng vagina at ito ang bukana ng uterus, ang “bahay” ng fetus.

    Ang kailangang procedure ay ang paghigop ng fetus. Paggamit ng forceps para tanggalin ang fetus, at “scraping” ng uterine walls para walang matirang bahagi ng fetus. Makailang beses ang dapat na post-procedure check-up para masigurong wala ng komplikasyon.

    Epekto ng aborsyon sa kalusugan

    Image from Freepik

    Mula sa karaniwan, tulad ng pananakit ng tiyan, pagkahilo, pagsusuka at diarrhea. Hanggang sa mas seryosong komplikasyon, maraming masamang epekto ng aborsyon. Narito ang 5 bagay na posibleng maranasan mula 2 hanggang 4 na linggo pagkatapos ng procedure.

    1. Patuloy na pagdurugo, mula spotting hanggang sa maging malakas

    Ito ang pinakakaraniwang problema pagkatapos ng isang aborsyon, kasabay ng uterine cramps. Para kasi mapigil ng uterine ang pagdurugo, kailangang ipitin, o daanin sa contraction. Para mapilit na sumara ang blood vessels.

    Kapag may labis na pagdurugo, maaaring may naiwang piraso ng fetus o placenta sa loob ng uterus. Ito ay labis na delikado sa kalagayan ng nagbubuntis. Ito ang tinatawag na incomplete abortion. Madalas, kapag natanggal ang mga natirang piraso, tumitigil ang pagdurugo.

    2. Impeksiyon o sepsis, na maaaring makaapekto sa kakayahang magbuntis pang muli

    Karaniwang naiimpeksiyon ang uterus, o di kaya ay ang dugo dahil sa mga bacteria galing sa ari o sa puwit. Ito ay nakakapasok sa bukas na cervix, papunta sa uterus, o kaya ay sa dugo. Dahil na rin ito sa maduming gamit o medical tools, o sa hindi steril na kapaligiran o klinika.

    Sintomas ng impeksiyon ay ang mabahong vaginal discharge. Nakamamatay din ang sepsis. Kung niresetahan ng doktor ng antibiotics, importanteng inumin ito ayon sa direksiyon para makaiwas sa impeksiyon.

    3. Permanenteng damage sa cervix at pagkasugat ng uterine lining at uterus

    Dahil nga sa maselang procedure, may posibilidad na masugatan ang cervix at uterus. At maging permanente ang pagkasira nito. Patuloy ang paglabas ng dugo sa ari kapag napunit ang cervix, dala ng pagkaskas ng instrumento. Ang pilit na pagbuka nito habang ginagawa ang aborsyon. Kailangan itong tahiin para mapigil ang pagdurugo.

    Kung hindi maagapan, maaaring hindi na magsara nang maayos ang cervix. At hindi na posible ang pagbubuntis pang muli, o di kaya ay maging sanhi ng palaging pagkalaglag ng bata. O kaya ay pagiging premature nito.

    Kapag naman nasugatan o nagasgas ang uterine wall o uterus, posibleng mahirapan na ang implantation ng fertilized egg dito. Sa oras naman na malala ang pagkakasugat, maaaring maging dahilan ito ng pagtanggal ng uterus (hysterectomy).

    4. Ectopic pregnancies

    Ayon sa mga pagsasaliksik, ito ang panganib ng pagkakaron ng ectopic pregnancy. Ang implantation ng fertilized egg sa labas ng uterus ay mas mataas ng 30% sa mga kababaihang nagkaron na ng isa man lang na aborsyon. Ang pagkakaroon ng ectopic pregnancy ay nagiging sanihi ng pagkabaog o hindi na pagbubuntis pang muli.

    5. Kamatayan

    May mga kababaihang hindi nakakaiwas sa masamang epekto ng aborsyon—ang pagkasawi.

    Sintomas ng mga masamang epekto ng aborsyon

    • Labis na pananakit ng abdomen at likod, na hindi ka na makatayo o makaupo ng maayos
    • Labis na pagdurugo, na mas malakas kaysa sa karaniwang menstrual period. Hindi na kaya ng uterus na pigilin ang maisara ang blood vessels, kaya tuloy ang pagdurugo. Maaaring malalang kaso ng incomplete abortion ito.
    • Vaginal discharge na may mabahong amoy
    • Lagnat na higit sa 37.8°C
    • Patuloy na sintomas ng pagbubuntis

    May mga pagkakataon na aborsyon ang procedure na ginagawa, dahil lingid sa kaalaman ng doktor na ectopic pregnancy pala ang kondisyon. Di naman kaya ay nalaglag na ang bata o patay na ito sa loob ng sinapupunan. Kaya lalong nalagay sa panganib ang nagbubuntis.

    Epektong emosiyonal at psychological

    Dahil mas madaling makita ang mga pisikal na epekto. Nakakaligtaan minsan ang mga epektong emosiyonal at psychological.

    Iba iba rin ang epekto ng aborsyon sa bawat tao, pagdating sa nararamdaman nila. May mga patuloy na nagi-guilty, may mga nato-trauma. Mayroon ding nakararanas ng depresyon. Pero mayroon ding matatag at hindi naaapektuhan. May mga nakakaraos at nakakapagpatuloy ng walang trauma.

    Ayon sa mga pagsasaliksik, ang mga kababaihang mayroon ng history ng depresyon bago pa magbuntis ay mas malaki ang tyansa na malugmok. Lalo na pagkatapos ng aborsyon.

    May mga nagkakaron ng self-destructive tendencies, at natutuloy sa pagpapakamatay. Tinatawag itong Post Abortion Syndrome (PAS). Isang uri ng post-traumatic stress reactions (PTSD). Hindi sila nakakapagpatuloy na mamuhay ng normal at masaya. Dahil hirap na malagpasan at makalimutan ang pangyayari.

    Madalas ay makakaramdam ng denial, o hindi matanggap ang nangyari. Pagkamanhid o hindi na nagpapakita ng anumang emosiyon o reaksiyon. Labis na “guilt”, labis na kahihiyan, hindi maalis-alis na lungkot. O di kaya naman ay labis na galit. May mga gustung-gusto naamang magkaanak muli. Mayroong umiiwas na makisalamuha sa mga nagbubuntis.

    Nariyan din ang madalas na pagkabangungot, pag-iyak, sexual disfunction, at pati nga eating disorders. May mga nalululong din sa alak at drugs.

    Alinman sa mga ito ang maranasan, mahalagang humingi ng tulong sa mga propesiyonal. Dahil kailangang mabigyan ng tamang lunas.

    May mga panganib na bihira lamang nangyayari, pero marami pa rin ang nakakaranas nito. Importanteng maintindihan na ito ang mga panganib. Para makapag-desisyon nang may sapat na kaalaman sa posibleng epekto ng aborsyon.

     

    MedlinePlus

    Bethesda M.D., (National Library of Medicine US)

    DeCherney, Alan H. (Current Obstetric & Gynecologic Diagnosis & Treatment 9th Ed.)

    Reardon, David C. (Elliot Institute Brochure)

    Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan, at napapanahon, ngunit, hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.