Epekto ng cellphone sa kalusugan ang kadalasang ikinababahala ng lahat sa atin. Lalo pa’t nakasanayan na natin ang pag-gamit ng cellphone sa araw-araw nating pamumuhay.
Ngunit may masamang epekto nga ba sa kalusugan ang pag-gamit ng cellphone? At may katotohanan ba na maari itong makapagdulot ng cancer sa isang tao?
Pag-gamit ng cellphone nakakapagdulot nga ba ng cancer?
Ayon sa isang pag-aaral, ang electromagnetic radiation daw na nagmumula sa cellphone ay maaring makapagdulot ng cancer sa isang tao.
Ngunit, ayon sa imbestigasyon ng programang BBC Health: Truth or Scare ito daw ay hindi totoo.
Dahil ang electromagnetic radiation na inilalabas ng mga cellphone ay “low power” at hindi nakaka-damage ng mga cells.
Dagdag pa ni Professor Malcolm Sperrin, Director of Medical Physics sa Oxford University, ang eksperimentong ginawa sa naunang pag-aaral ay ginawa sa isang daga na kung saan napakataas na level na radiation ang ginamit. Uri ng radiation na kung saan ang average human ay hindi mai-expose.
Samantala, ang paliwanag naman daw kung bakit biglang tumaas ang brain cancer rates kasabay ng pagdami ng mga taong gumagamit ng cellphone ay ang advancement sa mundo ng medisina na kung saan mas maagang nade-detect ang mga tumors hindi tulad noon.
Ang ideya na ang pag-gamit ng cellphone ay may cancer-causing potential ay nagsimula noong 1990’s.
Sa sumunod na 20 years ay tumaas ng 34% ang diagnosis ng brain tumors, ayon sa statistics.
Ayon naman sa Cancer Research UK o CRUK, kung ang mobile ownership ang pagbabasehan sa findings na ito ay dapat mas mataas pa ang rate ng cancer na naitala. Ito ay dahil mula noong 1990 at 2016 ay tumaas ng 500% ang mga gumagamit ng cellphone sa UK.
Para naman sa International Agency for Research on Cancer, ang findings na ang paggamit ng cellphone ay nagdudulot ng cancer ay nagtataglay ng insufficient data.
Samantala sa US, naglabas ng konklusyon ang National Institute of Environmental Health Sciences, Centers for Disease Control and Prevention at Federal Communications Commission na walang scientific evidence na mag-uugnay sa paggamit ng cellphone sa sakit na cancer.
Epekto ng paggamit ng cellphone sa kalusugan
May ilang pag-aaral rin ang nagsabing maliban sa cancer, ang iba pang epekto ng cellphone sa kalusugan ay memory loss at infertility.
Ngunit, pinabulaanan naman ito ng National Cancer Institute at sinabing ito ay inconsistent.
Ang pinakaconsistent daw na epekto ng cellphone sa kalusugan ay ang distracted driving at vehicle accidents na dulot ng paggamit nito.
Base naman sa imbestigasyon na ginawa ng programang BBC Health: Truth or Scare sa epekto ng cellphone sa kalusugan ay natuklasan nilang mas nakakabahala raw ang epekto nito sa mga bata.
Ito ay dahil sa ulo nilang mas maliit pa sa mga adult na nagiging dahilan para mas ma-expose sila sa greater proportion ng radiation.
Sila rin daw ay may potensyal na maka-accumulate ng mas maraming damage sa pag-gamit ng cellphone kumpara sa mga matatanda.
Paliwanag naman ng biophysicist na si Dr. Yolanda Ohene, ang radiation daw na ini-emit ng mga cellphone at laptops ay hindi mapanganib,
Mas mapanganib nga daw ang sinag ng araw na high source ng damaging radiation. Mas malakas daw ang radiation nito na mas malala kumpara sa paggamit ng sampung devices ng sabay-sabay.
Source: DailyMail UK, BBC Health: Truth or Scare
Image: Freepix
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!