Isang 2-taong gulang na bata sa Indonesia ang nag-sisigarilyo ng 40 na sticks sa isang araw! Ano ang epekto ng paninigarilyo sa bata?
2-anyos na bata naninigarilyo
Nagsimula daw ang pagka-adik ng dalawang-taon na bata na si “Rapi” sa sigarilyo dahil pinupulot nito ang mga hindi nauubos na sigarilyo sa kalye sa labas ng tindahan ng kaniyang nanay sa Sukabumi, Indonesia.
Noong una natatawa lang ang kaniyang mga magulang nang makita nilang naninigarilyo ang kanilang anak. Ngunit nabahala na sila nang nagsimulang mag-alburoto ang anak nila tuwing sinusuway siya sa paghithit ng sigarilyo.
Aniya ng ama nito sa isang panayam, “Kapag hindi nakakapag-sigarilyo si Rapi, hindi siya makatulog. Nagwawala siya at umiiyak. Napapagastos kami kasi mahal ang sigarilyo at kailangan namin siyang bigyan. Hilig niyang manigarilyo buong araw. Kaya niyang manigarilyo ng 40 sticks sa isang araw.”
Mas malakas pang manigarilyo si Rapi kaysa sa tatay niya na naninigarilyo lamang matapos ang trabaho. Kuwento pa ng tatay ni Rapi na gusto ng anak niyang pinagsasabay ang sigarilyo sa kape.
Ayon sa mga magulang ng bata, ipapasok daw nila si Rapi sa rehabilitation center upang mahinto na ang paninigarilyo nito.
Epekto ng paninigarilyo sa mga bata
Hindi lingid sa kaalaman na hindi maganda ang paninigarilyo sa kalusugan. Nagdudulot ito ng maraming karamdaman katulad ng sakit sa puso at baga. Hindi rin biro ang pagkakaroon ng addiction sa nicotine, ang substance na natatagpuan sa sigarilyo. Ito marahil ang nararanasan ni Rapi kaya siya nagwawala tuwing pinagbabawalan siyang manigarilyo.
Ang sintomas ng nicotine dependence ay ang mga sumusunod:
- Hindi kayang tumigil manigarilyo. Tuwing sinusubukang tumigil, bumabalik ulit sa bisyo.
- Nakakaramdam ng withdrawal symptoms tuwing sinusubukang huminto katulad ng cravings, pagkabagot, pagkabalisa, hirap mag-concentrate, depresyon, galit, madalas na pagkagutom, insomnia, pagtatae o constipation.
- Kahit may sakit na, hindi pa rin kayang tumigil sa paninigarilyo.
May epekto rin sa mga bata kung naninigarilyo ang mga magulang o ang mga tao na nakapaligid dito. Ang mga epekto ng paninigarilyo ng ibang tao (secondhand smoke) sa bata ay:
- Kapag nakakalanghap ang bata ng usok ng sigarilyo, nilalanghap nito ang parehong amount ng usok ng taong naninigarilyo.
- Maaaring maging sanhi ang secondhand smoke ng asthma at respiratory infections sa bata
- Maaari rin maging sanhi ito ng Sudden Infant Death Syndrome (SIDS) sa mga bagong silang na sanggol
- Maaari rin magkaroon ang bata ng sakit sa puso at baga dahil sa secondhand smoke
Kung isa sa inyong mag-asawa ang naninigarilyo, mabuti nang tumigil para sa kapakanan ng kalusugan ng mga anak ninyo. Kung nahihirapang mag-quit, siguraduhing huwag manigarilyo kapag kasama ang mga bata. Tandaan, dumidikit ang nicotine sa katawan, damit, at sa mga furniture. Kaya importante na hindi ma-expose ang mga bata rito.
SOURCES: Asia One, Ladbible, Mayo Clinic, Healthline
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!