Epekto ng secondhand smoke sa bata maari niyang ikasawi?
Mababasa dito ang sumusunod:
- Epekto ng secondhand smoke sa bata.
- Paano maiiwas ang iyong anak sa secondhand smoke.
Epekto ng secondhand smoke sa bata

Hindi akalain ng mga magulang ng batang si Zayn na maagang mawawala sa kanila ang anak. Sa edad na 4-anyos si Zayn ay pumanaw na dahil sa sakit na aspiration pneumonia.
Kuwento ng ina ni Zayn na si Richelle, una niyang napansin na pababa ng pababa ang timbang ng anak niya. Ito rin daw ay namumutla at madalas na umuubo.
“Medyo may halak po siya sa dibdib. Malalim po ‘yung paghinga niya.”
Ito pa ang pagsasalarawan ni Richelle sa pinagdaanan noon ng anak niya.
Nang dinala sa doktor, na-diagnose na may pneumonia si Zayn. Ang unang tanong nga umano ng doktor sa kaniya noon ay kung may naninigarilyo bang miyembro ng kanilang pamilya. Ang sagot niya ay oo. Ito umano ang dahilan ng pagkakasakit ng anak niya.
“‘Yung madalas po naninigarilyo ‘yung lolo ni Zayn, asawa ng kapatid ni Lola Veronica. Halos siguro mauubos ‘yung isang kaha kada araw. Nalalanghap pa rin namin ‘yung binubuga.”
Ito ang pagbabahagi pa ni Richelle.
Dagdag pa ni Richelle, masakitin rin daw talaga si Zayn. Sa katunayan ay pabalik-balik daw ang pagkakaroon nito ng pigsa. Hindi rin ito mahilig kumain ng solid foods at laging pagdede lang ng gatas ang gusto.
Hindi inakala ni Richelle na lalala pa ang sakit ng anak. Ito ay na-diagnose pa ng mayroong Pediatric Acute Respiratory Distress Syndrome (PARDS). Na-confine umano ito ng dahil sa kondisyon. Ito daw ay nakaranas ng cardiac arrest at natukoy na mayroong aspiration pneumonia.
Ayon sa medical website na Healthline ang aspiration pneumonia ay isang kumplikasyon ng pulmonary aspiration. Ang pulmonary aspiration ay nangyayari sa tuwing nakalalanghap ka ng pagkain, asido mula sa sikmura, o laway papunta sa iyong mga baga.
Dahil sa bata pang katawan ni Zayn ay naging mahirap sa kaniya ang pakikipaglaban sa sakit. Dalawang beses nga itong na-cardiac arrest at pinilit ma-review habang nasa ospital. Pero si Richelle nakitang labis na nahihirapan na ang anak. Kaya naman nagdesisyon sila ng kaniyang mister na hayaang mamayapa na ang anak at magpahinga.
“Antayin na lang na mag-stop ang heartbeat niya. Once na mag-stop ang heartbeat niya, hindi na po siya ire-revive.”
Ito ang kuwento ni Richelle tungkol sa karanasan sa pagkawala ng kaniyang anak.
Paano maiiwas ang iyong anak sa secondhand smoke

Ang secondhand smoke ay ang usok na nalalanghap ng isang taong hindi naninigarilyo mula sa sigarilyo, tabako, o vape na ginagamit ng ibang tao. Tinatawag din itong passive smoking o involuntary smoking dahil kahit hindi ka direktang naninigarilyo, nalalantad ka pa rin sa mga mapanganib na kemikal mula sa sigarilyo.
Dahil mas sensitibo ang mga bata sa epekto ng secondhand smoke, mahalagang protektahan sila upang maiwasan ang mga sakit tulad ng hika, pulmonya, impeksyon sa tainga, at iba pang problema sa baga. Narito ang ilang mga hakbang upang mapanatiling ligtas ang iyong anak mula sa usok ng sigarilyo:
1. Panatilihing smoke-free ang iyong bahay at sasakyan
- Huwag manigarilyo sa loob ng bahay kahit bukas ang mga bintana o gumamit ng air purifier—hindi nito natatanggal ang lahat ng nakalalasong kemikal.
- Ipaalam sa lahat ng bisita at kasambahay na bawal manigarilyo sa loob ng bahay.
- Huwag manigarilyo sa loob ng sasakyan kahit pa nakabukas ang bintana. Mas nagiging siksik ang usok sa loob ng kotse at maaaring malanghap ng iyong anak.
2. Iwasan ang mga pampublikong lugar na may usok ng sigarilyo.
- Pumili ng smoke-free na restaurant at pasyalan para sa pamilya.
- Lumayo sa mga taong naninigarilyo sa parke, palaruan, o iba pang pampublikong lugar.
- Iwasan ang matataong lugar kung saan maraming naninigarilyo, lalo na kung may kasamang sanggol o bata.
3. Maging mahigpit sa pangangalaga sa iyong anak.
- Kung iniiwan ang bata sa ibang kamag-anak o tagapag-alaga, siguraduhing hindi sila naninigarilyo.
- Kung may naninigarilyong miyembro ng pamilya, hikayatin silang huminto o manigarilyo sa malayong lugar.
- Siguraduhing hindi naipapasa ang thirdhand smoke (usok na kumakapit sa damit, buhok, kasangkapan, at dingding) sa pamamagitan ng:
- Palaging paghuhugas ng kamay bago hawakan ang bata.
- Pagpapalit ng damit bago lumapit sa anak matapos manigarilyo.
- Pagsigurong malinis ang paligid ng bahay mula sa amoy ng sigarilyo.

4. Magbigay ng tamang edukasyon sa iyong anak.
- Turuan ang mga bata na umiwas sa mga lugar kung saan may usok ng sigarilyo.
- Ipaliwanag sa kanila ang masamang epekto ng paninigarilyo upang hindi sila mahikayat na subukan ito sa kanilang paglaki.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!