Narito ang mga masamang epekto ng second hand smoke sa buntis. Pati na ang maaring maging epekto nito sa kalusugan ni baby.
Epekto ng second hand smoke sa buntis
Buntis at may naninigarilyo sa iyong paligid? Kailangan mo ng umiwas o tuluyang lumayo sa mga ito. Dahil ang second hand smoke na mula sa sigarilyo ay maaring magdulot ng masamang epekto sayo at sa baby mo.
Ayon sa mga pag-aaral at mga eksperto ang mga masamang epekto ng second hand smoke sa buntis ay ang sumusunod:
1. Pregnancy loss
Base sa isang pag-aaral na isinagawa ng Roswell Park Cancer Institute o RPCI ang secondhand smoke ay maaring magdulot ng pregnancy loss. Kabilang rito ang miscarriage, stillbirth at ectopic pregnancy. Ayon nga sa head investigator ng pag-aaral na si Andrew Hyland mas mataas pa nga raw ang tiyansa na makaranas ng fetal loss ang mga buntis na nakakalanghap ng secondhand smoke kumpara sa mga babaeng buntis na naninigarilyo.
Paliwanag naman ng WHO, may 7,000 na kemikal ang matatagpuan sa tobacco smoke. Nasa 69 rito ang cancerous at 250 rito ang mapanganib sa kalusugan. Kaya naman kung malalanghap ng isang babaeng buntis ang mga kemikal na ito mula sa secondhand smoke ay labis na makakaapekto ito sa kaniya at sa sanggol na kaniyang dinadala.
2. Premature birth at low birth weight
Isa rin sa pangunahing nagiging epekto ng second hand smoke sa buntis ay premature birth at low birth weight. Ito ay dahil ang nalalanghap na kemikal mula sa usok ng sigarilyo ay pinipigilan ang maayos na development ng sanggol sa loob ng tiyan ng kaniyang ina. Kung hindi maagapan, madalas ang mga sanggol na isinilang na premature at may low birth weight ay nagkakaroon ng iba pang sakit at komplikasyon. Sila rin ay maaring makaranas ng disability o kaya naman ay maagang masawi.
3. Sudden Infant Death Syndrome (SIDS)
Ang mga sanggol na na-expose rin sa second hand smoke habang ipinagbubuntis ay mataas ang tiyansang makaranas ng SIDS. Ito ay ang Sudden Infant Death Syndrome o ang hindi maipaliwanag na pagkamatay ng sanggol na wala pang isang taong gulang.
Ito ay iniuugnay sa pagkakaroon ng defect sa portion ng utak ng sanggol na kumokontrol sa kaniyang paghinga at paggising mula sa pagkakatulog.
4. Learning problems at attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD)
Base naman sa isa pang pag-aaral na isinagawa ng Columbia University Center for Children’s Environmental Health, ang mga sanggol na na-expose sa secondhand smoke ay lumabas na mababa ang score sa cognitive development test.
Habang ayon naman sa pag-aaral na isinagawa ng grupo ng pediatrician mula sa Canada, natuklasan nilang ang Development Coordination Disorder o DCD at Attention-Deficit/Hyperactivity Disorder (ADHD) ay may kaugnayan sa pagkaka-expose ng isang bata sa second hand smoke habang ipinagbubuntis ng kaniyang ina.
5. Serious health problems
Maliban sa mga nabanggit, mataas rin ang tiyansa ng isang sanggol na makaranas ng mga serios health problems kung siya ay mai-expose sa second hand smoke habang ipinagbubuntis. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Ear infections
- Ubo at sipon
- Respiratory problems, tulad ng bronchitis at pneumonia
- Tooth decay
6. Second hand smoke pregnancy long-term health effects
Mataas rin ang tiyansa na makaranas ng long-term health effects, ang mga sanggol na na-expose sa second hand smoke. Ang mga ito ay ang sumusunod:
- Lung cancer
- Heart disease
- Eye cataract
Paano malalaman kung apektado ang pagbubuntis ng secondhand smoke?
Malamang, kung ikaw ay buntis, mula sa mga nabanggit na epekto ng second hand smoke ay nangangamba ka na sa kalusugan at kaligtasan ng ipinagbubuntis mong sanggol. Kung ikaw ay na-expose sa second hand smoke at nais makasigurado ay maari namang mag-request ka sa midwife o iyong doktor na i-monitor ang level ng carbon monoxide sa iyong katawan. Ngunit syempre mas makakabuti kung iiwas nalang na ma-expose sa usok ng sigarilyo.
Second hand smoke pregnancy: Paano maiiwasan?
Ang unang paraan na dapat mong isagawa upang makaiwas sa epekto ng second hand smoke sa buntis ay ang ipaalam sa mga taong naninigarilyo sa paligid mo ang panganib nito sa iyong sanggol. Mas mabuting patigilin sila o kaya naman ay palayuin sayo sa oras na sila ay naninigarilyo. Ang iba pang maari mong gawin para makaiwas sa second hand smoke ay ang sumusunod:
- Iwasang pumunta sa mga lugar na may mga taong naninigarilyo.
- Makiusap sa mga driver ng sinasakyang pampublikong transportasyon na huwag manigarilyo. O kaya naman ay lumipat at maghanap ng ibang sasakyan.
- Kung may bisita sa bahay na naninigarilyo, maayos na kausapin sila na gawin ito sa labas ng bahay. Siguraduhing kung gagawin ito ay sarado ang bintana at pinto.
- Mabuti ring maglagay ng payong o raincoat sa labas ng pinto sa tuwing umuulan. Ito ay upang hindi maging dahilan ang ulan para manigarilyo sila sa loob ng bahay.
Mahalaga rin na tandaan na ang third hand smoke ay mapanganib rin. Ito ang mga toxins o chemicals na naiiwan sa damit o gamit ng naninigarilyo. Kaya matapos manigarilyo si mister o taong malapit sayo ay mabuting pagpalitin sila ng damit at paghugasin ng kamay.
Source:
WebMD, Mayo Clinic
BASAHIN:
Newborn na-ospital dahil sa secondhand smoke
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!