Mommy, narito ang epekto ng stress sa pagbubuntis, ayon sa isang pag-aaral.
“Bawal ma-stress ang buntis!”
Isang katagang lagi nating naririnig kapag napag-uusapan ang pagdadalang-tao. Hindi naman mahirap intindihin kung bakit. Alam ng marami na isang epekto ng pagbubuntis ang pagkakaroon ng mood swings (dala ng mga pagbabago sa kaniyang katawan) kaya naman mabilis magalit at mairita ang mga buntis.
Gayundin, hindi lingid sa kaalaman ng marami na anumang nararamdaman ng buntis ay maaring maka-apekto sa kalusugan ng sanggol sa loob ng kaniyang sinapupunan.
Mayroon na ring mga pag-aaral na nag-uugnay sa stress na nararanasan ng isang babaeng nagdadalang-tao sa paghubog ng mental health ng batang kaniyang ipinagbubuntis.
Sa katunayan, maari raw magkaroon ng personality disorder ang sanggol kapag nakaranas ng stress ang kaniyang ina habang nagbubuntis. Ito ang natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa sa Finland.
Larawan mula sa iStock
Epekto ng stress sa pagbubuntis ayon sa study
Ayon sa pag-aaral na nailathala sa The British Journal of Psychiatry, ang mga batang anak ng isang babaeng nakaranas ng severe stress habang siya ay buntis ay sampung beses na mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng personality disorder sa edad na 30.
Sa pag-aaral na ito, inilarawan ang personality disorder bilang isang aspekto sa personality ng isang tao na nagpapahirap sa kaniyang buhay o sa ibang tao. Ilang halimbawa ang pagiging emotionally unstable o pagiging paranoid o antisocial.
Natuklasan ito ng mga researcher ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagsunod sa buhay ng 3,600 na babaeng nanganak noong 1975 at 1976 sa Helsinki, Finland.
Buwan-buwan mula sa simula ng kanilang pagbubuntis ay may questionnaire na sinasagutan ang mga buntis tungkol sa kung sila ay nakaranas ng notable stress, some stress o no stress. Saka ikinumpara ang sagot nila ng tumungtong na sa edad na 30-anyos ang kanilang mga anak.
Pagdating sa edad na 30 ng kanilang mga anak, napag-alamang 40 sa mga ito ang na-diagnose na may personality disorder na itinuturing na severe case. Dahil may ilang kinailangan pang i-admit sa ospital.
Ikinumpara ito sa resulta ng pagsusubaybay sa pagbubuntis ng kanilang ina at natuklasang ang 40 na nakaranas ng personality disorder ay anak ng mga babaeng nakaranas ng severe at moderate stress noong ipinagbubuntis sila.
Bagama’t ilang factors din ang natuklasang maaring makaapekto sa pagkakaroon nila ng personality disorder. Tulad ng financial situation ng kanilang pamilya at trauma na kanilang naranasan noong sila ay bata pa.
Larawan mula sa Pixabay
Reaksyon ng mga eksperto
Kaya naman ayon sa lead author ng pag-aaral na si Ross Brannigan mula sa Royal College of Surgeons sa Ireland, mahalaga ang pagbibigay ng health at stress support sa babaeng buntis at kaniyang pamilya sa antenatal at postnatal period ng pagbubuntis.
Mahalaga din umano na sinusuri o inaalam ng mga health practitioners ang mental health ng mga buntis habang at pagkatapos nilang makapanganak.
Para naman kay Dr. Trudi Seneviratne, chairman ng perinatal faculty sa Royal Collefge of Psychiatrists, ang mga babaeng nagbubuntis ay kinakailangan ng suporta para makaiwas sa stress.
“We don’t want parents to think they are damaging their children – but high levels of stress do affect us”, pahayag ni Dr. Seneviratne.
Iba pang epekto ng stress sa pagbubuntis
Sumasang-ayon naman ang mga medical experts sa pag-aaral na ito. Ayon kay Dr. Patricia Kho isang OB-Gynecologist at Infectious Disease specialist mula sa Makati Medical Center, maaring magkaroon ng mga negatibong epekto sa pagbubuntis at maging sa sanggol kapag nakakaranas ng matinding stress ang isang babaeng nagdadalang tao.
Epekto kay Mommy
Ayon sa doktora, bagamat lahat ay nakakaranas naman ng stress, ang pagkakaroon ng matinding stress habang nagbubuntis ay makakaapekto sa kalusugan ng ina. Posibleng maapektuhan ang iyong pagbubuntis at magkaroon ng mga komplikasyon na magdudulot ng hirap sa panganganak.
“Kung masyado ka ring ma-stress, baka naman magkaroon ka ng hypertension or diabetes. And that will lead to a lot of complications on your pregnancy.
Mas malaking chance na maliit ang baby, manganak ka ng premature at magkaroon ng complication during your delivery,” aniya.
Epekto kay baby
Nabanggit nga rin niya ang ilang posibleng epekto ng stress sa pagbubuntis na may kinalaman sa kalusugan ng sanggol:
“Kapag grabe ‘yong stress, severe stress, pwedeng masyadong tumaas ang cortisol. Ito ay isang hormone sa katawan ng babae and pwedeng medyo maging maliit ang kanyang baby.
And then kapag masyadong stress ang isang babae, minsan hindi siya makatulog, hindi na makakain at masyadong nag-iisip ng mga masasamang bagay kaya baka maapektuhan din ‘yong baby. Syempre kapag ang babae hindi siya kumakain, her baby will be too small.” pahayag ni Dr. Kho.
Ayon kay Dr. Kho, ang pagkakaroon ng stress ay maaring magpataas ng posibilidad na maipanganak ng maaga si baby. Paano? Dahil kapag stressed ang isang tao, minsan ay may mga nagagawa siyang bagay na masama sa kalusugan niya tulad ng hindi pagkain nang tama, pagpupuyat o maging ang pag-inom ng alak o paninigarilyo – mga gawain na dapat iniiwasan ng isang buntis.
“If the woman doesnt take care of herself, hindi siya kumakain ng masusustansyang pagkain like fruits and vegetables, ‘yong balanced diet, siguro minsan ‘yong iba nag-isstress eating. Kumakain ng matatamis o they smoke, drink alcohol o minsan take drugs.
Masama talaga sa baby ‘yon kasi puwedeng mag-cause ng miscarriage, pwede mag-cause ng very small baby at preterm delivery.”
-
Miscarriage o pagkamatay ng sanggol
Gaya ng nabanggit, kapag hindi inalagaan ng ina ang kaniyang sarili dahil sa nararanasang stress o problema, maari itong makasama at magdulot ng pagkawala ng buhay ng sanggol.
Kuwento ng doktora, nasaksihan niya ito noong nag-aaral pa siya para maging doktor.
Ako kasi sa healthcare system, noong resident ako nagdu-duty kami ng 24 hours or 36 hours kahit buntis. Walang tulog. Talagang karamihan ng mga kasama ako (nauwi sa) premature ng baby o maliliit ang kanilang baby or nag-increase ang miscarriage. aniya.
-
Problema sa brain development ng sanggol
Kaugnay sa naunang pag-aaral, mayroon ring isang pag-aaral na isinagawa sa University of Edinburg kung saan napag-alaman na may kinalaman ang cortisol levels ng ina habang nagbubuntis sa brain development ng isang sanggol, lalo na sa kaniyang amygdala, ang bahagi ng utak na nangangasiwa ng emosyon at social development.
Dagdag rin ni Dr. Kho, kapag ang buntis ay nakakaranas ng stress at lalong lalo na ng depresyon. Maaari itong magdulot ng mental disorders sa iyong anak.
“Isipin po ninyo ‘yong long term health mo at long term health ng iyong baby. Dahil nag-iincrease rin ang ADHD, yung (possibility) ng autism sa mga baby kapag ang mga mother ay depressed, for example.
Imagine mo no kung meron kang malaking problema at depressed ka. Kahit pagtanda ng anak mo dala-dala pa rin niya yan,” paliwanag niya.
Paano makakaiwas sa stress ang buntis?
Larawan mula sa iStock
Ayon sa Royal College of Psychiatrist, may mga paraan na maaring gawin ang babae para makaiwas sa epekto ng stress sa pagbubuntis. Ito ay ang sumusunod:
- Pagkain ng balanced diet at masusustansiyang pagkain.
- Pagtigil sa pag-inom ng alak at paninigarilyo.
- Pagkaroon ng sapat na oras ng tulog.
- Pag-eexercise na ligtas para sayo at kay baby.
- Pagkakaroon ng oras o araw sa isang linggo na kung saan puwede ka mag-relax o gawin ang mga bagay na ma-ienjoy mo o magpapasaya sayo.
- Pagtanggap o paghingi ng tulong sa iyong pamilya o kaibigan sa paggawa ng mga gawaing bahay.
- Pagkukwento sa iyong pamilya, kaibigan, midwife o doktor ng iyong nararamdaman tungkol sa iyong pagbubuntis.
- Tingnan lang lagi ang positive side ng mga nangyayari sa iyong buhay.
Paalaa naman ni Dr. Kho, ang unang bagay na dapat gawin ng isang buntis kapag nakakaranas ng stress ay humanap ng makakausap.
“Ang number one ay may kausap sila o magkaroon silang kausap na isang tao na objective o reliable na makapagbigay ng magandang advice.” aniya.
“Dapat marunong kang mag-handle ng stress. Pwedeng kumausap ka ng family member, ng iyong husband. Go to your psychologist. Talk to your doctor.
Huwag kang mahihiya, kailangan meron kayong kausap. Siguro makipag-usap rin sa HR sa office ninyo no para ma-share mo din yung inyong mga concerns.
And then instead of doing harmful things like binge eating or smoking, maybe maghanap kayo ng ibang past time that is also a healthy.” dagdag pa ng doktora.
Bilang isang tao ay may kontrol tayo sa ating mental well-being. Huwag magpaapekto sa problema at stress lalo na kung ikaw ay buntis. Dahil ang epekto ng stress sa pagbubuntis ay hindi lang panandalian. Ito ay maaring dalhin ng iyong anak hanggang sa kaniyang paglaki na maaring makaapekto sa kaniyang buhay at isipan.
Kung mayroon ka namang bagay na pinag-aalala tungkol sa iyong pagbubuntis, huwag mahiyang kumonsulta sa iyong doktor.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!