Narinig niyo na ba kung ano ang preeclampsia sa buntis? Isa umano itong panganib na kundisyon na maaaring mangyari kapag buntis ang isang babae. Alamin kung ano ito at dala nitong panganib sa buntis.
Preeclampsia: Panganib sa buntis
Sa bawat panganganak ng isang babae, palagi siyang nasa bingit ng panganib. Maraming kondisyong medikal ang nakakaapekto sa pagbubuntis o sa panganganak.
Narito ang ilan sa mga pinaka-karaniwang komplikasyon na kailangang malaman ng nagdadalan-tao. Ano nga ba ang Preeclampsia na panganib sa buntis?
Ano ang Preeclampsia sa buntis?
Ang komplikasyong ito ay may kaugnayan sa mataas na presyon habang nagbubuntis, at karaniwang sa unang pagbubuntis nangyayari. Dulot nito ang edema o pamamaga, at pagkakaroon ng protina sa ihi. Ang pinakaunang iniinda ng mga may preeclampsia ay ang pagkalabo ng paningin (blurred vision), sakit ng ulo, pamamaga ng binti o ng mukha at labis na pagbigat ng timbang.
Ito ay kadalasang nakakaapekto sa ika-20 linggo ng pagbubuntis, at minsan, tumatagal hanggang 6 na linggo pagkapanganak (postpartum preeclampsia). Sinasabing may halos 5% hanggang 14% ng mga nagbubuntis sa buong mundo ay nagkakaroon ng preeclampsia.
Isa sa 100 nagbubuntis ay nakakaranas ng eclampsia o kombulsyon (seizure), at halos 20% ay may mataas na presyon.
Ano ang preeclampsia sa buntis | Larawan mula sa Shutterstock
Ano ang sanhi ng Preeclampsia na panganib sa buntis?
Walang pag-aaral na nagsasabi ng tiyak na sanhi ng kondisyong ito, kaya’t walang epektibong test ang nakakasiguro kung paano at kailan ito mangyayari, at wala ring gamot para maiwasan ito.
Ngunit may mga bagay na sinasabing nakakaapekto at maaaring makapagpataas ng risk ng pagkakaroon ng preeclampsia.
Ang mga ito ay:
- Multiple gestation (pagbubuntis sa kambal o triplets)
- Edad na 35 na taon pataas
- History ng mataas na presyon bago pa magbuntis
- Mabigat na timbang (obesity)
- Diabetes
- Preeclampsia sa naunang mga pagbubuntis
- Iba pang kondisyong medikal tulad ng connective tissue disease at sakit sa kidney.
Tinutukoy ding sanhi ng preeclampsia ay ang problema sa placenta–kung konti man ito o madami o kung paano ito nakakapit sa uterine wall. Walang maaaring magawa para mapigilan ang pagkakaron ng preeclampsia.
May mga pagkakataon na direktang naaapektuhan ang kalusugan ng sanggol sa sinapupunan, tulad ng problema sa pagdaloy ng dugo papunta sa placenta.
Kaya hindi nakakatanggap ng sapat na nutrients ang bata. Dahil dito, maaaring maliit ang bata, hindi tama ang timbang at hindi gaanong gumagalaw.
Ikonsulta kaagad sa OB-Gyne kung napapansin na hindi masyadong gumagalaw ang sanggol sa loob ng tiyan, o nabawasan ang pagka-aktibo nito. Gayundin kung nakakaramdam o nakakaranas ng isa o higit pang sintomas na nabanggit.
Ano ang preeclampsia sa buntis: Paano ito gagamutin?
Sa oras na makakita ng mga sintomas, patuloy na imo-monitor ang presyon ng pasyente, pati na ang timbang at ang ihi.
Kung may suspetsa na ang doktor na preeclampsia nga ito, may mga urine tests para makita kung may protina sa ihi, at blood tests na gagawin para makita ang platelet count, liver function, at kidney function. May mga tests din na gagawin para makita ang kalagayan ng sanggol sa tiyan.
Ang paggamot sa kondisyong ito ay depende sa mga sintomas at kung gaano kalala ang komplikasyon. Kung malapit na sa due date, karaniwang pinapayo na iluwal na ang bata.
Minsan, may mga gamot na ibinibigay para sa induced labor. Kung nasa panganib ang sanggol at ang ina, emergency C-section ang karaniwang pinapayo.
Babala
Hindi maaaring mag-self-diagnose at gamutin ito sa bahay, nang walang payo ng doktor. Lahat ng gamot para sa mataas na presyon habang nagbubuntis ay kailangang nireseta o ibinigay ng doktor pagkatapos ng mga test at check-up.
Preeclampsia panganib sa buntis | Image from Unsplash
Iba pang delikadong kondisyon sa pagbubuntis
Hemorrhage o labis na pagdurugo
Ito ay ang hindi mapigilang pagdurugo habang nanganganak o pagkatapos maipanganak ang sanggol. Sa isang post-partum hemorrhage (PPH), tinatayang higit sa 500ml (o one pint) ang nawawalang dugo sa isang pasyente.
Maaaring sanhi ito ng atonic uterus o hindi tamang pag-contract ng sinapupunan, trauma dahil sa pagkasugat ng sinapupunan, kung hindi nailabas ang placenta pagkapanganak, iba pang problema sa placenta.
May mga pagkakataon na hysterectomy (pag-alis ng sinapupunan) lamang ang paraan para matigil ang pagdurugo at mailigtas ang ina.
Problema sa placenta
Ang placenta ay ang organ na nakakabit sa sinapupunan at nagbibigay ng nutrisyon sa sanggol sa loob ng tiyan. Ang mga problema na may kinalaman sa placenta ay placenta previa, placenta accreta at placenta percreta.
Habang ang placenta previa, ay kung saan ang placenta ay malapit sa cervix at nakaharang sa daraanan ng sanggol palabas. Kung mababa ang placenta, mas malaki ang pagkakataon na labis na magdugo habang nanganganak.
Ang placenta accreta naman ay kung masyadong nakakabit ang placenta sa sinapupunan. Placenta percreta naman ang tawag sa pagkabit ng placenta sa dingding ng sinapupunan hanggang sa bladder.
Retained placenta naman ang kondisyon kung saan ang ilan, o lahat ng placenta ay nanatili sa sinapupunan pagkatapos manganak. Dahil dito, maaaring magdugo ng labis at magkaroon ng impeksyon.
Isang kakaibang kondisyon ang HELLP syndrome, kung saan may blood clotting at sakit sa atay ang nagbubuntis. Tinawag itong HELLP dahil ito ay ang Haemolysis (red blood cells), EL (elevated o tumaas na liver enzymes) at LP o mababang bilang ng platelets sa dugo. Ang tanging paraan para matigil ang komplikasyon nito ay ang pagpapanganak sa bata.
Amniotic Fluid Embolism
Ang isang sanggol sa sinapupunan ay nakalutang sa amniotic fluid. Ang amniotic fluid embolism ay isang bihirang komplikasyon kung saan ang amniotic fluid, balat ng sanggol at iba pang cells ay pumapasok sa dugo at nagiging sanhi ng allergic reaction.
Maaaring bigla na lamang mahimatay ang isang ina habang nanganganak kung may ganitong kondisyon, at makaapekto sa kalagayan at kalusugan ng ina.
Blood Clots (Pulmonary embolism, PE o Deep Vein Thrombosis, DVT)
Ang blood clots sa binti at baga ay pangunahing sanhi ng mga sakit sa panganganak at pagbubuntis. Ito ay maaaring maging delikado at maging sanhi ng pagkamatay. Namumuo kasi ang dugo sa at maaaring makabara o makahadlang sa pagdaloy ng kinakailangang nutrients.
Sepsis
Ito ay isang impeksyon na maaaring lumabas at lumala bago at pagkatapos ipanganak ang sanggol. Septicaemia ay ang pagkalat ng impeksyon sa dugo. Antibiotics ang ibinibigay sa mga may sepsis, at minsan kinakailangan nilang ipasok sa intensive care unit (ICU).
Ang mga ito ay gabay lamang para sa mga inang nais malaman ang lahat ng maaaring malaman tungkol sa kanilang pagbubuntis, at kung paano maiiwasan ang anumang paglala ng isang sintomas na nararamdaman, o ng kondisyong nakikita na. Ang iyong OB-Gyne pa rin ang makakasagot ng lahat ng tanong na medikal na nais mong maintindihan.
Paano bumaba ang blood pressure ng buntis?
Ang pagkakaroon ng hypertension habang nagbubuntis ay isand delikadong tagpo at may risk. Narito ang mga uri ng hypertension sa buntis:
- Gestational hypertension
- Chronic hypertension
- Chronic hypertension with superimposed preeclampsia
- Preeclampsia
Paano bumaba ang blood pressure ng buntis? Ano ang dapat gawin?
- Laging i-check ang blood pressure ng isang buntis
- Panatilihin ang healthy diet
- Iwasan ang mga bawal katulad ng pag inom ng alak, paninigarilyo at iba pa.
- Dumalo sa iyong monthly prenatal appointments
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!