STUDY: Epekto sa baby kapag stressed ang buntis

STUDY: Epekto sa baby kapag stressed ang buntis

Narito ang epekto ng stress sa pagbubuntis at ang mga paraan para ito ay maiwasan ng buntis.

Epekto ng stress sa pagbubuntis, baby mataas ang tiyansang magkaroon ng personality disorder kapag lumaki. Ito ang natuklasan ng isang pag-aaral na isinagawa sa Finland.

epekto ng stress sa pagbubuntis

Image from Pixabay

Epekto ng stress sa pagbubuntis

Ayon sa pag-aaral na nailathala sa The British Journal of Psychiatry, ang mga batang anak ng isang babaeng nakaranas ng severe stress noong siya ay buntis ay sampung beses ang taas ng tiyansang magkaroon ng personality disorder kapag sila ay nasa 30-anyos na.

Sa pag-aaral, ang personality disorder ay tinukoy bilang aspeto sa personality ng isang tao na nagpapahirap sa kaniyang buhay o sa ibang tao. Ito ay maaring pagiging emotionally unstable o pagiging paranoid o antisocial.

Natuklasan ito ng mga researcher ng pag-aaral sa pamamagitan ng pagsunod sa buhay ng 3,600 na babaeng nanganak noong 1975 at 1976 sa Helsinki, Finland.

Buwan-buwan mula sa simula ng kanilang pagbubuntis ay may questionnaire na sinasagutan ang mga buntis tungkol sa kung sila ay nakaranas ng notable stress, some stress o no stress. Saka ikinumpara ang sagot nila ng tumungtong na sa edad na 30-anyos ang kanilang mga anak.

Nang maging 30-anyos na nga ang kanilang mga anak, napag-alamang 40 sa mga ito ang na-diagnose na may personality disorder na itinuturing na severe case dahil may ilang kinailangan pang i-admit sa ospital.

Ikinumpara ito sa resulta ng pagsusubaybay sa pagbubuntis ng kanilang ina at natuklasang ang 40 na nakaranas ng personality disorder ay anak ng mga inang nakaranas ng severe at moderate stress noong ipinagbubuntis sila.

Bagamat ilang factors rin ang natuklasang maaring makaapekto sa pagkakaroon nila ng personality disorder tulad ng financial situation ng kanilang pamilya at trauma na kanilang naranasan noong sila ay bata pa.

Reaksyon ng mga eksperto

Kaya naman ayon sa lead author ng pag-aaral na si Ross Brannigan mula sa Royal College of Surgeons sa Ireland, mahalaga ang pagbibigay ng health at stress support sa babaeng buntis at kaniyang pamilya sa antenatal at postnatal period ng pagbubuntis.

Mahalaga din daw na i-tsinetsek ng mga midwife o health visitor ang mental health ng mga buntis habang at pagkatapos nilang magbuntis.

Para naman kay Dr. Trudi Seneviratne, chairman ng perinatal faculty sa Royal Collefge of Psychiatrists, ang mga babaeng nagbubuntis ay kinakailangan ng suporta para makaiwas sa stress.

“We don’t want parents to think they are damaging their children – but high levels of stress do affect us”, pahayag ni Dr. Seneviratne.

Mga paraan para makaiwas sa epekto ng stress sa pagbubuntis ang isang babae

Ayon sa Royal College of Psychiatrist ay may mga paraan na maaring gawin ang babae para makaiwas sa epekto ng stress sa pagbubuntis. Ito ay ang sumusunod:

  • Pagkain ng balanced diet at masusustansiyang pagkain.
  • Pagtigil sa pag-inom ng alak at paninigarilyo.
  • Pagkaroon ng sapat na oras ng tulog.
  • Pag-eexercise na ligtas para sayo at kay baby.
  • Pagkakaroon ng oras o araw sa isang linggo na kung saan puwede ka mag-relax o gawin ang mga bagay na ma-ienjoy mo o magpapasaya sayo.
  •  
  • Pagtanggap o paghingi ng tulong sa iyong pamilya o kaibigan sa paggawa ng mga gawaing bahay.
  • Pagkukwento sa iyong pamilya, kaibigan, midwife o doktor ng iyong nararamdaman tungkol sa iyong pagbubuntis.
  • Tingnan lang lagi ang positive side ng mga nangyayari sa iyong buhay.

Bilang isang tao ay may kontrol tayo sa ating mental well-being. Huwag magpaapekto sa problema at stress lalo na kung ikaw ay buntis. Dahil ang epekto ng stress sa pagbubuntis ay hindi lang panandalian. Ito ay maaring dalhin ng iyong anak hanggang sa kaniyang paglaki na maaring makaapekto sa kaniyang buhay at isipan.

Source: BBC News, Cambridge University Press, Royal College of Psychiatrist, NHS

Photo: Pexels

Basahin: STUDY: Stress sa buntis at conflict sa pagitan ng mag-asawa, may kaugnayan sa behavior ni baby paglaki

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

app info
get app banner