Pormal nang naisabatas ni Pangulong Duterte ang Expanded Maternity Leave Law. Inaasahang malaki ang maitutulong nito para sa mg working moms sa buong bansa. Halos kasabay rin itong napirmahan kasama ang 20 na batas, kabilang na ang Universal Healthcare Law.
Expanded Maternity Leave, malaki ang maitutulong para sa mga ina
Ang batas para sa mas mahabang maternity leave sa mga working moms ay nai-file noon pang 2007 ng grupong Gabriela. At matagal na ring nagpakita ng suporta ang pangulo upang maisabatas ito.
Sa ilalim ng batas na ito, mabibigyan ng 105 days na paid leave ang mga working moms matapos nilang manganak, at puwedeng mag-extend hanggang 30 days na unpaid leave. Para naman sa mga solo parents, mayroon silang karagdagang 15 days na paid leave. Bukod dito, puwede nilang ilipat ang 7 araw para sa kanilang mga asawa, upang mabigyan sila ng 15 days na paternity leave.
Sa ilalim ng batas, ang mga benepisyong ito raw ay puwedeng makuha ng mga nanay kahit natural o cesarean ang kanilang panganganak.
Bakit mahalaga ang batas na ito?
Mahalaga ang bill na ito sa mga ina dahil mas magkakaroon sila ng panahon na maka-rekober sa panganganak, at maalagaan rin ang kanilang mga anak. Sa kasalukuyan, nasa 60 days lamang ang paid maternity leave para sa mga ina. At lubhang napakaigsi nitong panahon upang maalagaan ng mga ina ang kanilang sanggol.
Kinakailangan ng mga ina na alagaan ang kanilang mga sanggol, mag-breast feed, at maghanap rin ng yaya o tagapag-alaga ng kanilang mga anak kapag babalik na sila sa trabaho. Ang karagdagang 60 days na idinagdag sa ilalim ng batas ay makakatulong upang mapadali ang buhay ng mga working moms.
Napatunayan rin na malaki ang impact ng mas mahabang maternity leave sa productivity ng mga ina. Ito ay dahil mas may panahon silang maghanap ng puwedeng mag-alaga o kaya tumulong sa kanila kapag panahon na para bumalik sila sa pagtatrabaho. Mas nagkakaroon sila ng motivation na magtrabaho dahil sigurado silang maaalagaan nila ng mabuti ang kanilang mga anak.
Bukod dito, mas mataas rin ang posibilidad na hindi mag-resign ang mga inang kapapanganak pa lamang kapag mas mahaba ang kanilang leave. Mas may panahon silang makapaghanda upang bumalik sa trabaho, at hindi rin sila mapipilitang mag-resign dahil wala silang mahanap na tagapag-alaga ng kanilang baby.
Para naman sa mga nagnanais malaman kung kailan ang Expanded Maternity Leave Law effectivity, magiging epektibo ang batas matapos itong mailathala sa Official Gazette ng gobyerno, o kaya naman ay mailathala sa 2 national newspapers sa bansa.
Sources: Davao Today
Basahin: Working mom of 4 shares her hectic daily morning routine in honest viral post