Ang breast feeding ay isang bagay na nagagawa lamang ng mga ina. Bukod sa nagsisilbi itong paraan para maging malusog si baby, nakakadagdag din ito sa bonding experience nilang dalawa. Ngunit dahil sa bilis ng mga pagbabago sa teknolohiya, may isang kumpanya ang nakaimbento ng tinatawag nilang Father’s Nursing Assistant.
Ayon sa kanila, ginagaya raw nito ang breast feeding na ginagawa ng mga ina. At sa ganitong paraan, magagawa rin ng mga ama ang mag-breastfeed sa kanilang mga anak.
Ano ang Father’s Nursing Assistant?
Ang device na ito ay naimbento ng Japanese company na Dentsu. Isa itong device na puwedeng suotin ng mga ama upang kopyahin o gayahin ang ginagawang pagpapasuso ng mga ina.
Ikinakabit ito sa dibdib ng mga ama at mayroon itong realistic na nipple kung saan puwedeng dumede si baby. Ang kabilang side naman nito ay mayroong tank kung saan puwedeng ilagay ang breast milk o kaya formula na papainumin kay baby.
Ginagaya raw ng device na ito ang hitsura at feeling ng totoong breast, kaya hindi maninibago o matatakot si baby kapag suot na ito ni daddy. Ayon sa Dentsu, hangarin nila na mag-promote ng skin-to-skin contact ang mga ama at sanggol. Bukod dito, nakakatulong rin ito para ma-soothe si baby, at upang makapagpahinga naman ang mga ina.
Wala pang detalye kung kailan lalabas ang produktong ito, pero siguradong makakatulong ito para sa mga ama na nais maging mas malapit pa sa kanilang mga anak.
Paano nga ba makikipag-bonding si daddy kay baby?
Natural na ang pagiging malapit ng mga mommy sa kanilang mga anak. Ito ay dahil bukod sa sila ang nagdala ng kanilang anak ng 9 na buwan, sila rin ang madalas na pangunahing caregiver ng mga anak.
Ngunit hindi naman nito ibig sabihin na hindi puwedeng maging malapit ang mga ama sa kanilang anak. Heto ang ilang mga paraan kung paano magiging mas malapit ang mga ama sa kanilang baby:
- Maglaan ng oras ng pag-aalaga sa iyong anak. Bukod sa makakatulong ka sa iyong asawa, nakakatulong rin ito para maging malapit sa iyo si baby.
- Huwag masyadong magpaka-busy sa trabaho. Minsan lang magiging sanggol ang iyong anak, kaya mahalaga na lubusin mo ang panahon na ito.
- Maging active sa pagpapalaki ng iyong anak. Hindi mo dapat i-asa lahat ng pag-aalaga kay misis. Malaki ang papel ng mga ama sa development ng kanilang anak, at mahalaga ang pagkakaroon ng father figure para sa mga bata.
Source: Yahoo Philippines Facebook
Basahin: 5 crazy things I did not know about breastfeeding: An open letter to my wife
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!