FDA approved ba ang baby wipes na gamit mo sa iyong anak? Dahil base sa pinaka-latest na advisory ng Food and Drugs Administration ay may mahalagang paalala sila sa ilang produkto na pang-baby.
Mababasa dito ang sumusunod:
- Mga produkto na hindi FDA approved na ginagamit ni baby tulad ng wipes atbp.
- Bakit mahalaga na FDA approved ang iyong gagamiting produkto.
Mga produkto na hindi FDA approved na ginagamit ni baby tulad ng wipes atbp
Larawan mula sa Shutterstock
May bagong advisory ang FDA o Food and Drug Administration tungkol sa mga produkto na hindi dumaan sa pagsusuri ng kanilang ahensiya. Isa na nga dyan ang baby wipes na ginagamit ng marami sa atin. Ito ay ang “KOM BABY WIPES” na paalala ng FDA na hindi dapat bilhin o gamitin ng publiko. Ganoon rin ang “FAMILY LOVE BABY WIPES (ALOE VERA SCENT)” na bagamat available na sa pamilihan ay hindi pa daw dumaan sa pagsusuri ng FDA.
Larawan mula sa FDA
Maliban sa nasabing mga baby wipes, ay may iba pang produkto na pambata at pang-baby ang kabilang rin sa latest advisory ng FDA. Ang mga ito ay ang sumusunod:
Mga gamit pang-baby na hindi FDA approved
- JOLLY OAT MILK BABY BATH
- JOLLY CHERRY MILK BABY BATH
- UNI-LOVE VEGAN DUSTING POWDER
- JOLLY RICE MILK BABY BATH
- BEBETA DIAPER CREAM
- PAW PATROL SHAMPOO PAWSOME PUNCH SCENTED
Mga pagkain at iba pang produktong pambata na hindi aprubado ng FDA
- GALAXY Milka
- WL PANDA Fresh Egg Choco Cookies
- ALIBABA HAPPY BEAR Peanut Butter Overload Filled Biscuits
- ALADDIN Funtas Stick – Condense Milk Biscuit
- HAVE FUN FUN SIMULATED FAST FOOD TOYS
Bakit mahalaga na FDA approved ang iyong gagamiting produkto
Larawan mula sa Shutterstock
Ayon mismo sa FDA, mahalaga na makita o malaman na aprubado nila ang produktong iyong gagamitin. Lalo na kung ito ay kakainin o gagamitin ng maliliit na bata na may mahina pang resistensya. Dahil sa pamamagitan ng kanilang ahensya ay sinusubok nila ang quality at safety ng produkto para sa mga mamimili.
Paliwanag ng ahensya, may posibilidad kasi na nagtataglay ito ng mga hazards o ingredients na maaring makasama sa balat o katawan ng isang bata. Partikular na ang mga heavy metals tulad ng lead at mercury na hinahalo minsan sa mga cosmetic products. Ang mga ito maaring magdulot ng negatibong epekto sa katawan. Ang adverse reaction na dulot ng mga ito ay hindi lang sa balat tulad ng skin irritation at pangangati. Ito rin ay maaring mauwi sa seryosong komplikasyon tulad ng anaphylactic shock at organ failure.
Larawan mula sa Shutterstock
Kaya naman paalala ng ahensya, laging i-check kung FDA approved ba ang mga baby wipes o products na ginagamit mo sa iyong anak. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang website. O pag-access sa kanilang product verification portal: https://verification.fda.gov.ph.
Ito ay para makasigurado na dumaan sa kanilang pagsusuri ang produktong bibilhin at gagamitin mo. Para rin masigurado na ito ay ligtas at hindi magdudulot ng anumang negatibong epekto sa iyong pamilya. Dahil maliban sa mga produktong pangbaby ay marami ding pangluto, pagkain at cosmetic products ang maari mong ginagamit mo na pero hindi FDA approved pala.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!