Isang ina ang kinailangang sumailalim sa emergency C-section dahil nasa panganib na magkaroon ng bacterial infection ang kaniyang anak. Ngunit hindi lubos akalain ng ina na buhay niya ang malalagay sa bingit ng alanganin dahil nagkaroon siya ng flesh-eating bacteria infection dahil sa C-section.
Mababasa sa artikulong ito:
- Flesh-eating bacteria, kinain ang tiyan ng isang ina
- Mapanganib ba ang C-section?
Paano ito nangyari, at dapat bang mag-alala ang mga ina sa ganitong impeksyon?
Flesh-eating bacteria, kinain ang tiyan ng isang ina
6 na araw na-coma si Ashley dahil sa flesh-eating bacteria.
Kalunos-lunos ang sinapit ng inang si Ashley Thompson noong 2014 matapos siyang magkaroon ng flesh-eating bacteria dahil sa isinagawang C-section sa kaniya.
Ayon kay Ashley, hindi daw niya agad nahawakan ang kaniyang anak dahil dinala ito sa NICU ng ospital. Siya naman ay pinauwi na ng kaniyang doktor upang mag-recover sa kaniyang C-section.
Ngunit ilang araw lang matapos niyang manganak, nakaranas ng matinding pananakit ang ina sa kaniyang tiyan. Napag-alaman ng mga doktor na mayroon na pala siyang necrotising fasciitis na dahil sa flesh-eating bacteria.
6 na araw siyang nasa coma, at hindi niya agad nakilala ang kaniyang asawa
Dahil dito, kinailangang buksan ulit ang kaniyang sugat upang mapigilan ang pagkalat ng bacteria. Hindi na rin nabigyan ng anesthesia ang ina nang isagawa ang operasyon dahil alam ng mga doktor na kung magtagal pa sila, maaari niyang ikamatay ang impeksyon.
Nagulat ang mga doktor sa nakita nilang nabubulok na laman sa katawan ni Ashley. Ang iba pa raw sa kanila, napilitang lumabas ng operating room dahil hindi nila matiis ang amoy.
Kinailangan din siyang ilagay sa isang induced coma upang makabawi ang katawan niya sa nangyaring trauma. Nang magising siya, hindi daw niya agad nakilala ang kaniyang asawang si Eric, at hindi rin niya matandaan na nanganak siya.
Sa kabutihang palad, mabilis namang bumalik ang kaniyang mga alaala, at gumaling din siya sa kanyang impeksyon.
Ngunit dahil sa tindi ng pinsala sa kaniyang katawan, kahit 4 na taon na ang nakalipas ay nararamdaman pa rin ni Ashley ang epekto ng kaniyang sakit. Nahihirapan daw siyang tumayo ng matagal dahil namamaga ang kaniyang tiyan, at nagkaroon daw siya ng maraming peklat dahil sa operasyon.
Pero mas mahalaga raw sa kanya na buhay siya, at naalagaan niya ang kaniyang mga anak.
Mapanganib ba ang C-section?
Sa panahon ngayon, lubhang mababa na ang posibilidad na magkaroon ng impeksyon ang mga ina dahil sa C-section. Ngunit hindi nito ibig sabihin na imposible na itong mangyari.
Mahalagang malaman ng mga ina na posibleng magkaroon ng komplikasyon ang C-section, pero gagawin ng mga doktor ang kanilang makakaya upang maiwasan ito.
Mahalaga rin na malaman ng mga ina ang mga posibleng sanhi ng impeksyon matapos ang C-section. Heto ang ilan sa mga ito:
- Blood loss.
- Pagkakaroon ng mahabang operasyon.
- Kawalan ng antibiotic or pre-surgery care.
- Kakulangan ng prenatal checkup.
- Infected na amniotic fluid.
- Sakit tulad ng diabetes, o HIV.
- Pagkakaroon ng obesity.
Heto naman ang mga sintomas ng komplikasyon matapos ang C-section:
- Pamamaga at pananakit ng sugat.
- Sumasakit lang lalo ang tiyan sa halip na mawala ito.
- Pagkakaroon ng nana mula sa sugat.
- Pagkakaroon ng mataas na lagnat.
- Masakit na pag-ihi.
- Matinding vaginal bleeding.
- Pamamaga ng mga binti.
- Mabahong discharge mula sa vagina.
Kung sakaling mayroon kang nararamdaman na ganitong sintomas matapos ang C-section, mahalagang magpunta agad sa doktor upang maagapan agad ang impeksyon.
Source: Daily Mail
Basahin: Flesh-eating Disease Causes New Mom To Lose All 4 Limbs Days After Giving Birth
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!