Food shelf life: Narito ang mga tips para tumagal ang pagkain sa pamamagitan ng tamang paraan ng pag-store nito. Ito ay ayon kay Chef Victor Barangan.
Food shelf life: Mga tips para tumagal ang pagkain
Marami sa atin ang nag-grogrocery ng isang beses kada linggo para makatipid, hindi lang ng pera kung hindi pati narin ng ating oras. Pero ayon sa hotel chef na si Victor Barangan mahalaga rin na matutunan natin ang food shelf life ng ating mga pinamimili. Pati na ang tamang paraan ng pag-istore nito para ito ay manatiling fresh at hindi agad na mabulok.
Sa panahon ngayon ng COVID-19 pandemic, mahalagang sinasanitize o hinuhugasan agad ang mga pinamiling groceries pagdating ng bahay. Ito ay upang masigurado na ito ay malinis at ligtas mula sa kumakalat na virus. Para naman sa oras na ito ay iyong hawakan o kainin ay hindi mo na maipapasok pa ang virus sa iyong katawan. At higit sa lahat ay hindi mo na maikakalat pa ang virus sa iyong pamilya.
Pagdating naman sa pag-iimbak, ang ref o freezer umano ang pinaka-magandang tool para mapahaba ang food shelf life ng ating pinamiling groceries. Pero hindi mo lang dapat basta-basta ilagay ang mga pagkain sa loob ng ref. Dahil may mga takbang hakbang rin ang maaring gawin upang mas ma-extend pa ang shelf life ng mga ito.
Mga paraang maaring gawin para tumagal ang shelf life ng pinamiling pagkain
Gulay
Ang mga gulay ay mahalaga sa ating diet. Dahil ito ay puno ng vitamins at minerals na kailangan ng ating katawan. Ito rin ang kumukumpleto sa lasa ng ating mga niluluto. Narito ang mga gulay na madalas nating pinamimili at mga paraan upang mas mapatagal pa ang food shelf life ng mga ito.
Kamatis
Shelf life: 1 week at room temperature
Ayon kay Chef Victor, pagdating sa mga kamatis, ang unang dapat gawin ay paghiwalayin ang mga hilaw mula sa hinog. Dahil ang mga ito ay may iba’t-ibang paraan ng pag-store depende sa kanilang freshness.
Ang mga hilaw na kamatis o green tomatoes ay maaring ilagay sa paper bag na kung saan ang tangkay nito ay nakapwesto o nakaharap pababa. Sa ganitong paraan ay mas mabilis itong mahihinog at iyo ng magagamit kung kinakailangan. Ngunit kung hindi mo naman minamadaling mahinog ito ay maari mo lang itong itabi sa iyong pantry o kusina na may room temperature.
Para naman sa mga kamatis na hinog na o red tomatoes ay dapat itong ilagay sa ref upang mapanatili ang freshness nito at hindi ma-overripe. Ganoon rin ang mga overripe tomatoes para mapigilan mas lalo itong mahinog pa.
Sa pagluluto ay kailangan na munang ilabas ito sa ref ilang minuto bago hiwain o gamitin sa pagluluto, Ito ay para ma-restore ang lasa nito at nutrients na ayon sa Healthline ay nawawala kapag ito ay nilalagay sa ref.
Sibuyas at bawang
Shelf life: 3 to 6 months at room temperature
Ang mga sibuyas at bawang ay hindi na kailangan pang ilagay sa ref. Dahil ang mga ito ay kayang tumagal ng hanggang 3 buwan o higit pa sa room temperature. Ang mahalaga lang ay alisin o ihiwalay na agad ang mga sibuyas o bawang na nabubulok na mula sa iba para hindi na ito makahawa pa.
Green leafy vegetables
Shelf life: 1 to 3 days at room temperature
Ang mga mabeberde at madadahon na gulay ay may short shelf life. Ang mga ito ay maaring agad na malanta ilang araw mula sa pagkakapitas. Ngunit maaring mapatagal ng hanggang sa dalawang linggo ang shelf life nito kung maayos na maitatabi sa loob ng inyong ref.
Ayon kay Chef Victor, para mapanatili ang freshness ng mga gulay makakatulong ang pagbabalot sa mga ito sa dyaryo o paper towel. Saka ilagay sa sealed plastic bag bago ipasok sa ref. O kaya naman ay maari ring gumamit ng aluminum foil sa pagbabalot nito.
“Pag exposed naman siya sa chiller, mapapansin niyo na biglang malalanta na lang. Sa storage, pwede natin siyang ibalot sa foil para hindi siya natatamaan ng hangin. Kasi minsan ‘yun ‘yung cause bakit siya nalalanta.”
Ito ang pahayag ni Chef Victor.
Kung walang aluminum foil maaring gumamit ng mga used coffee packs o creamer packs na may foil lining sa loob.
Prutas
Ang mga prutas at gulay ay dapat ring pinaghihiwalay. Lalo na ang mga gaseous o yung mga nangingitim kapag hinihiwa. Tulad ng saging, mansanas at avocado na puwedeng pagsama-samahin. Ngunit dapat paring may distansya sa bawat isa.
Ang mga less gaseous na pagkain tulad ng broccoli, carrots at patatas ay maaring pagsama-samahin. Ngunit dapat ay nakahiwalay parin mula sa mga gaseous na pagkain.
Dapat ring pinaghihiwalay ang mga hilaw mula sa hinog na mga prutas. Dahil ang mga hilaw na prutas ay maaring itabi lang sa pantry o lugar sa inyong bahay na may room temperature. Habang ang mga hinog naman ay maaring ipasok sa ref upang mapanatili ang freshness at mapigilan ang pag-ooverripe.
“Pag hinog naman na pwede na natin siya ilagay sa ating chiller para ma-maintain ang sweetness niya.”
Ito ang dagdag na tip ni Chef Victor.
Saging
Shelf life: 2 to 5 days at room temperature
Para mas mapanatili ang freshness ng saging ay unang dapat alisin o ihawalay mula sa iba pa ang mga hinog na. Dahil kung hindi ay maaring mahawa nito ang iba pa. Iiwan ang mga hilaw pa sa inyong pantry. Habang ang mga hinog na ay maaring ilagay na sa ref.
Avocado
Shelf life: 4 to 7 days at room temperature
Ang mga hilaw na avocado ay hindi dapat inilalagay sa ref. Ito ay para mas mapanatili pa ang freshness nila. Para naman maiwasang agad na mangitim ang nahiwang piraso ng avocado ay dapat panatiling intact ang buto nito. Saka lagyan ng lemon juice ang nahiwang piraso at ilagay sa loob ng ref. Ito ay ayon sa food website na Food52.
Mansanas
Shelf life: 4-8 weeks in the fridge
Ang mga apples o mansanas ay mas tumatagal ang shelf life o nanatiling fresh kapag nasa loob ng ref. Mahalaga lang na alisin muna ito sa loob ng plastic bag bago ipasok dito.
Pinya
Shelf life: 1-2 days at room temperature when ripe
Ang mga pinya ay hindi dapat ipinapasok sa loob ng ref. Maari lang itong ilagay sa ref kapag nahiwa na para maiwasang ito ay mangitim.
Citrus fruits
Shelf life: Up to 1 week at room temperature
Ang mga citrus fruits tulad ng oranges at lemons ay maaring tumagal ng hanggang 3 o 4 na linggo kung mailalagay sa ref. Ang kailangan lang ay ibalot muna ito sa resealable plastic bag. Maari rin itong hiwain at saka ilagay sa freezer para ito ay agad na puwedeng kainin sa oras na iyong gustuhin.
Karne
Shelf life: 3 to 6 months inside freezer
Ang mga karne ay maaring tumagal ng hanggang sa anim na buwan kung maitatabi ng maayos sa loob ng freezer. Payo ni Chef Victor, hindi dapat ibinabalot sa plastic ang mga ito. Sa halip ay ilagay sa plastic container bago ipasok sa freezer.
“Manipis ‘yan eh, so pag na-freeze yan sa freezer…ang tendency, baka mabutas lang. O kaya baka ‘pag tinamaan ng ibang frozen items baka masira lang din. So we need a sturdy plastic.”
Ito ang pahayag ni Chef Victor. Dagdag pa niya mas mabuting lagyan rin ng label o date kung kailan ipinasok sa freezer ang mga iniimbak na karne. At kung maari ay agad na lutuin ito sa loob ng isang linggo.
Bread at pastries
Shelf life: 5 to 6 days inside chiller
Para mas humaba ang shelf life ng mga bread at pastries ay makakatulong ang paglalagay sa mga ito sa loob ng ref. Ayon kay Chef Victor, kung ilalagay sa ref ang mga ito ay tatagal pa ng hanggang sa 5 o 6 na araw.
Source:
GMA News, Insider, Taste of Home
Basahin:
Supermarket o palengke: Paano magiging safe ang pagkain na binibili