Gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby? Ito rin ba ang tanong na gumugulo sa isip mo mommy? Sa tulong ng artikulong ito ay ating sagutin ang iyong katanungan. Pati na ang iba pang mahahalagang bagay na dapat mong malaman tungkol sa formula feeding sa mga sanggol.
Mababasa sa artikulong ito:
- Gaano karaming gatas ang dapat ipadede kay baby base sa kaniyang bigat at edad.
- Mga palatandaan na si baby ay gutom na.
- Mga palatandaan na overfed na si baby.
Paano malalaman kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby?
Bagama’t ang breastmilk pa rin ang pinaka-the best na gatas na maibibigay sa isang sanggol mula ng ito’y maipanganak hanggang mag-dalawang taong gulang, may mga pagkakataon naman na hindi ito maaring maging posible o mahirap para sa ina at sa kaniyang sanggol.
Tulad na lamang sa mga inang may mababang supply ng breastmilk. Pati sa may HIV infection, sumasailalim sa radiation therapy o kaya naman ay kasalukuyang umiinom ng gamot o medikasyon sa isang karamdaman.
Para sa proteksyon at ikabubuti ng sanggol, sa mga ganitong sitwasyon ay may mga magulang na pinipiling padedehin ng formula milk ang kanilang anak. Hindi man kasing healthy ng breastmilk, naibibigay rin naman nito ang pangangailangang nutrients at minerals ng isang sanggol para sa kaniyang growth at development.
Pero para sa ilang magulang, ang formula feeding ay may kalakip na maraming katanungan. Tulad na lamang sa kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby. Kailan ba malalamang siya’y dapat ng dumede o kailan ba masasabing overfed o nasobrahan na siya sa pagdede.
Magtanong sa iyong doktor
Para masagot ang mga katanungang ito, ang unang hakbang na dapat gawin ay bisitahin ang iyong doktor at magtanong. Sapagkat sa tulong ng edad at bigat ng iyong anak ay maaari niyang matukoy kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby mo.
Pero bilang dagdag impormasyon ay maaari mong gamitin ang gabay na ito. Bagama’t mas mabuti paring makasigurado at hingin ang payo ng isang doktor.
Magtanong sa pediatrician ng iyong anak para makasigurado.
Formula feeding: Dami ng gatas na dapat ipadede sa sanggol
Ayon sa Healthy Children Organization, ang mga newborn babies ay dumedede ng 2 to 3 ounces o 60–90 mL ng formula milk sa kada tatlo o apat na oras. Ito’y katumbas ng 6-8 beses na pagdede sa loob ng isang araw o 24 oras.
Habang tumatagal, ang dami ng gatas na kaniyang kailangan ay madadagdagan. Upang ma-sustain ang growth at development ng kaniyang katawan. Pero mainam na malaman mo ang tamang dami ng gatas na ibinibigay sa iyong anak. Sapagkat baka siya ay ma-overfed na maaaring magdulot sa kaniya ng discomfort o hindi magandang pakiramdam.
May dalawang paraan kung paano matutukoy kung gaano karaming formula milk ang kailangan ng isang sanggol. Una ay sa pamamagitan ng kaniyang bigat o weight. Pangalawa, sa pamamagitan ng kaniyang edad o age.
Base sa kaniyang bigat
Para malaman kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby mo base sa kaniyang bigat o weight ay may simpleng calculation kang maaaring gawin. Ito’y sa pamamagitan ng pagmu-multiply ng bigat ni baby sa dalawa o 2. Saka ito i-divide sa bilang ng feedings na kaniyang nagagawa sa kada araw.
Halimbawa, kung si baby ay 10 pounds ang bigat ay i-multiply ito sa 2. Ang sagot ay 20 na iyong i-didivide sa kung ilang beses siya dumedede sa isang araw.
Kung limang beses o 5 ay i-divide ang 20 mula rito. Ang sagot ay 4 na nangangahulugan na si baby ay nangangailangan ng 4-5 ounces ng gatas sa bawat kaniyang pagdede.
Ang sumusunod na tsart ay maaaring gamiting halimbawa.
|
Bigat ng sanggol (pounds o lbs.) |
Dami ng gatas sa kada feeding o pagdede sa loob ng 5 beses sa isang araw |
10-13 |
4-5 ounces |
14-16 |
5-6.5 ounces |
17-20 |
6.5-8 ounces |
Ang nabanggit ay isa lamang halimbawa. Maaaring mabago ang dami ng gatas na dapat ibigay sa iyong sanggol depende sa dalas ng kaniyang pagdede sa loob ng isang araw.
Base sa kaniyang edad
Ang mga maliit na sanggol ay mas dumede ng madalas.
Maaari ring matukoy kung gaano karaming gatas ang dapat inumin ng baby mo sa pamamagitan ng kaniyang edad. Madalas, ang mga newborn ay nangangailangan lang ng 1-2 ounces ng gatas sa kada pagdede.
Mukha mang napakaliit ngunit makukuha naman nila ang kailangan nilang nutrients. Sapagkat sila rin ay kailangang dumede ng madalas sa loob ng isang araw. Habang siya ay lumalaki, ito ay madadagdagan na makikita sa tulong ng sumusunod na table o tsart.
|
Edad ng sanggol |
Dami ng gatas sa kada feeding o pagdede |
0-1 month |
1-2 ounces |
1-2 months |
3-4 ounces |
2-6 months |
4-6 ounces |
6 months o higit pa |
6-8 ounces |
Madalas ang mga sanggol ay kailangang dumede sa loob ng 2-4 apat na oras. Ito ay depende sa pangangailangan ng kanilang katawan. Pero malalaman mo naman kung nagugutom na si baby kung siya ay nagpapakita na ng sumusunod na palatandaan. Lalo na kung ang huling pagpapadede mo sa kaniya ay higit sa dalawang oras na.
BASAHIN:
A mom’s guide to pumping breast milk for baby’s every stage
How long should you breastfeed before switching to formula?
Contamination of formula milk: Why all parents must know about this
Mga palatandaang si baby ay gutom na
Ang pag-iyak ang isa sa pangunahing palatandaan na ginagamit natin para masabing si baby ay gutom na. Pero ayon sa mga eksperto, ito ay ang pinakahuling reaction na ni baby sa tuwing siya ay nagugutom.
Sapagkat bago pa man siya maging upset o magwawala kakaiyak dahil sa gutom, siya ay nagpapakita na ng hunger cues. Ito ay ang mga sumusunod:
- Ginagalaw niya na ang kaniyang ulo sa magkabilang side.
- Binubuksan niya na ang kaniyang bibig na parang ready na sa pagdede.
- Nilalabas niya ang kaniyang dila.
- Inilalagay niya na ang kaniyang kamay o daliri sa bunganga.
- Tila sinisipsip niya na papasok ang kaniyang labi.
- Isinusunod niya na ang kaniyang ulo sa bawat bagay na sumasagi sa kaniyang pisngi.
Paano masasabing overfed na si baby?
Bagama’t kailangang dumede ng dumede ni baby para sa kaniyang paglaki, hindi naman dapat itong masobrahan. Sapagkat maaari itong magdulot ng discomfort sa kaniya na labis mo ring ipag-aalala. Ilan nga sa palatandaan na si baby ay overfed na ay ang sumusunod:
- Gassiness o burping
- Paglungad
- Pagsusuka matapos dumede
- Fusiness o pag-iyak matapos ang pagdede
- Gagiging o choking
Tulad ng mga palatandaan na si baby ay gutom na, mainam ring bantayan ang mga palatandaan na siya ay busog na para maiwasan ang overfeeding. Ito ay ang sumusunod:
Palatandaan na si baby ay busog na
- Tinutulak niya na palayo sa kaniya ang bote o ang iyong suso.
- Iniaalis niya na palayo ang kaniyang ulo sa bote o sa iyong suso.
- Iniluluwa niya na ang gatas.
- Mukha na siyang hindi interesado.
- Nakakatulog na siya.
- Humihina na ang kaniyang pagsisip.
- Nagre-relax na ang kaniyang mga daliri, braso at binti.
Paalala sa mga magulang
Muli ang mga nabanggit na impormasyon tungkol sa gaano karaming gatas ang dapat inumin ni baby ay guide lang na maaari mong gamitin. Ang bawat sanggol ay iba-iba kaya naman maaaring maiba rin ang maging pangangailangan ng iyong anak kumpara sa ibang bata.
Kung pakiramdam mo ay kailangan pang dumede ni baby ay huwag mag-dalawang isip na siya ay padedehin. Basta’t bantayan lamang ang mga palatandaan na siya ay maaaring nasosobrahan o nao-overfeed na.
Mainam din na sa bawat katanungan na nais mong masagot lalo na kung tungkol sa kalusugan ng iyong anak ay magtanong sa kaniyang doktor. Sapagkat sila ang mas nakakaalam sa kaniyang kondisyon at mas makakatulong sayong mapanatili ang maayos niyang kalusugan.
Higit sa lahat, pagdating sa pagbibigay ng nutrients na kailangan ng iyong sanggol, walang papantay sa taglay vitamins at minerals ng breastmilk. Maaari mong ibigay sa kaniya mula pagkapanganak hanggang siya ay magdalawang-taong gulang na.
Source:
Kids Health Org, Hopkins Medicine
Isinalin mula sa theAsianparent Singapore na may pahintulot.
Isinalin at dadag ulat mula kay Irish Manlapaz.
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!