Nakakakita ka ba ng patse-patseng marka sa iyong balat? Alamin rito kung ano ang mabisang gamot sa an-an.
Mababasa sa artikulong ito:
- Sanhi ng tinea versicolor o an-an
- Sintomas ng an-an
- Mabisang gamot sa an-an
Ang ating balat ay isa sa mga bahagi ng ating katawan na kailan ng pangangalaga. Kapag hindi malusog ang ating katawan, kadalasan ay lumalabas at nakikita ito sa ating balat. Kaya naman kapag may napapansin tayong kakaiba sa ating kutis, nababahala tayo ng husto.
Isa sa mga kondisyon ng balat na lubhang nakakabalisa kapag nagkaroon ang isang tao ay ang an-an.
Ang tinea versicolor ay isang fungal infection ng balat. Sanhi ito ng isang uri ng fungus: ang Malassezia. Ito ay isang uri ng yeast na namamahay sa balat na kapag naging aktibo ay lumalabas at nakikita sa balat—at ito ang tinatawag na an-an.
Isang tingin lang ng doktor ay malalaman nang ito ay an-an, dahil sa patse-patseng marka na minsan ay maputi at minsan ay maitim.
Bakit nagkakaroon ng an-an?
Image from Freepik
May mga kondisyon sa kapaligiran na sanhi ng an-an at nakakapagpalala nito. Kapag ikaw ay may oily skin, mainit ang panahon at pawisin, at may mahinang immune system, mas mataas ang posibilidad na magkaron ng an-an. Maari rin itong sanhi ng pagbabago ng hormones sa katawan.
Bagama’t nakakairita itong tingnan dahil hindi pantay ang kulay ng iyong balat, hindi naman ito nakakahawa dahil nasa loob ng balat ang yeast. Pero para sa taong meron nito, maari itong magdulot ng pagkabalisa at maging conscious at mahiya dahil sa kaniyang balat.
Nagiging sanhi rin kasi ng pang-aasar ang pagkakaroon ng an-an ng isang tao, dahil sa pag-aakala ng iba na maari silang mahawa rito.
Sintomas ng an-an
Ang mga patse-patseng marka sa balat ang pinakahalata at pangunahing sintomas ng tinea versicolor. Kadalasan, lumalabas ang an-an sa ating mga braso, dibdib, leeg o likod. Ang mga marka ay maaaring:
- mas maputi o mas maitim kaysa kulay ng iyong balat
- kulay pink, red, tan o brown
- makati at parang may kaliskis
- mas tumitindi kapag umiitim o nagiging tan ang kulay ng balat
- maaring mawala kapag lumalamig ang panahon
Hindi rin ito namimili ng kulay ng balat—maitim, maputi, kayumanggi, maaaring magkaron ng an-an.
Sa mga taong may maitim na balat, ang tinea versicolor ay nagreresulta sa kawalan ng skin color o hypopigmentation. Samantala, sa mga taong maputi ang kulay ng balat, maaring maging mas maitim ang kulay ng kanilang an-an, o tinatawag na hyperpigmentation. Subalit mayroon ring mga pagkakataon na hindi kapansin-pansin sa balat ang pagkakaroon ng an-an.
Gayundin, mas mataas ang posibilidad na magkaroon ng an-an ang mga taong:
- taong may family history ng tinea versicolor
- pawisin
- nasa mainit na lugar
- may mahinang immune system
- umiinom ng mga gamot na nagpapahina ng immune system
- mayroong ilang uri ng cancer
BASAHIN:
WARNING: Nakakasunog ng balat ang halaman na ito
6 paraan para mawala ang pangangati ng balat ng bata
Bakit nangangati ang iyong balat at ano ang mga gamot para rito
Mabisang gamot sa an-an?
Image from Freepik
Kung hindi naman malala ang iyong an-an, pwede mo naman itong gamutin sa bahay. Mayroong mga over-the-counter creams, sabon o shampoo na naglalaman ng mga kemikal na lunas sa an-an gaya ng:
- clotrimazole
- miconazole
- selenium sulfide
Bago gumamit ng anumang lotion, ointment o topical cream, hugasan munang mabuti ang balat at siguraduhing malinis ito. Basahing mabuti ang direksiyon sa kung paano at gaano kadalas itong dapat gamitin. Kung walang pagbabagong nakikita, mabuting kumunsulta sa doktor. Baka kailangan na ng prescription-strength na gamot.
Gayundin, kung ikaw ay nagdadalang-tao, itanong muna sa iyong doktor kung anong gamot ang ligtas para sa ‘yo.
At kung hindi ka sigurado kung an-an nga ang nasa iyong balat, makakabuti kung kokonsulta ka sa isang dermatologist.
Susuriin niya ang iyong balat para makumpirma kung mayroon kang tinea versicolor. Kung hindi ito halata sa kulay ng iyong balat, maaring magsagawa siya ng skin scraping. Kukuha siya ng manipis na sample ng iyong balat (hindi ito masakit, pero maari kang magkaroon ng maliit na sugat o pasa) at susuriin sa ilalim ng microscope para makita kung mayroong yeast na nagsasanhi ng an-an.
Kung mada-diagnose ka ng tinea versicolor, kailangan mo itong gamutin para mapabuti ang kondisyon ng iyong balat. Subalit, minsan, kahit nagamot na ang impeksyon, hind agad bumalik sa dati ang iyong balat. Maaring manatili ang mga patse-patse ng ilang linggo o buwan bago ito kumupas.
Maari ring bumalik ang iyong an-an kapag umiinit ang panahon. Kapag ganito ang kaso, kumonsulta sa iyong doktor dahil maari siyang magreseta ng gamot para maiwasan ang mga sintomas.
Home remedies para sa an-an
Image from Freepik
Kung wala kang budget para sa mamahaling ointment o lotion, may mga alternatibong paggamot para sa an-an na pwede mong subukan. Mga bagay ito na karaniwang nasa kusina lang.
- Honey, bawang at sibuyas. Ang mga ito ay may antifungal properties na mabisang panlaban sa fungus. Ipahid lang ang pinaghalu-halong katas ng mga ito sa mga parte ng balat na may an-an, hanggang 3 beses araw-araw, at makikita ang resulta.
- Ang essential oils na eucalyptus, turmeric, luya, at tea tree ay mabisa rin para maibsan ang sintomas ng an-an. Bago gumamit ng mga essential oil, subukin muna ito sa maliit na bahagi ng balat para makita kung may allergic reactions. Haluan din ng kaunting tubig ang oil, turmeric at luya kung ito ang gagamitin.
Subalit gaya ng karamihang halamang gamot, mag-ingat kapag gagamit ng mga ito dahil sa halip na makatulong ay baka lalo pa itong makasama sa kondisyon ng iyong balat.
Paano maiiwasang magkaroon ng an-an?
Bagamat mahirap malaman kung kailan biglang susulpot ang sakit na ito sa iyong balat, mayroong mga bagay na pwede mong gawin para mabawasan ang posibilidad na magkaroon ka ng an-an. Narito ang ilan sa kanila.
- Umiwas sa mga maiinit na lugar
- Iwasan ang pagpapaitim (sunbathing) o labis na exposure sa araw
- Iwasan ang matinding pagpapawis. Magsuot ng komportableng damit kapag mainit ang panahon. Gayundin, maligo agad kapag pinawisan o kaya punasan ang iyong balat.
- Subukang gumamit ng mga anti-dandruff shampoo na may selenium o ketonazole.
- Panatiliing malakas ang iyong immune system. Kumain ng tama, mag-ehersisyo at magkaroon ng sapat na tulog at pahinga.
Tandaan, hindi nakakahawa ang an-an, kaya hindi dapat ito pandirihan. Subalit kung nakakaranas ka ng mga sintomas nito, mas makakabuti pa rin na kumonsulta sa isang dermatologist.
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!