#AskDok: Ano ang puwedeng gawin kapag may baradong ilong ang baby?
Ano ba ang sanhi ng baradong ilong ng bata? Alamin rito.
Home remedy sa baradong ilong ng bata, alamin rito!
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga posibleng sanhi ng baradong ilong
- Subukan ang ilang home remedy sa baradong ilong ng bata
- Pwede bang bigyan ng decongestants si baby?
Mabigat sa pakiramdam kapag nakikita nating nahihirapan ang ating mga anak, lalo na kung mayroon silang sakit. Kapag may sipon at barado ang ilong ng bata, nagiging mahirap sa kanila na huminga, at dahil hindi sila sanay rito, maaring maging iritable sila.
Para maibsan at gumaan ang pakiramdam ng iyong anak, mayroong mga gamot at home remedy na pwedeng subukan para sa baradong ilong ng bata.
Subalit bago natin alamin kung ano ang mga ito, mas mabuting maintindihan kung ano ang sipon at mga posibleng sanhi nito.
Sipon at baradong ilong ng bata – mga sanhi at sintomas
Sa isang article dito sa theAsianparent, tinalakay ang tungkol sa sipon o tinatawag ring common cold.
Ito ay isang viral infection na tumatama sa ilong at lalamunan, partikular sa upper respiratory tract.
Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center, maraming puwedeng panggalingan ang sipon sa mga bata.
-
Viral infection
Ang pangunahing sanhi ng baradong ilong ng bata ay sipon na mula sa mga virus. Kadalasan ito ay kapag mayroong nalanghap na virus o mikrobyo ang bata at nakarating ito sa kanilang sistema.
“Tandaan natin na ang infection sa baga o mga problema ay karaniwang dahil sa nai-inhale ng tao. Kung ano ang na-inhale o nalagay sa mouth at nose, at napupunta sa respiratory tract.” ani Dr. Gerolaga.
Dagdag pa ng doktora, karaniwan sa mga batang edad 5 pababa ang magkaroon ng sipon na sanhi ng virus 6 hanggang 8 beses sa loob ng isang taon.
Ito ay dahil nagde-develop pa ang kanilang immune system, kaya madali pa silang mahawa kapag mayroong sipon ang tao sa paligid nila.
Gayundin, dahil hindi pa sila maingat sa mga bagay at maaring may virus ang mga hinahawakan o isinusubo nila, mas mabilis silang magkaroon ng virus.
Ang virus na nagsasanhi ng sipon ay tinatawag na rhinoviruses. Dumaraan ang virus sa bibig, ilong at mata papunta sa buong katawan. Nakukuha ang virus sa paghawak o pagbahing, pati paggamit ng mga kubyertos o gamit ng may sakit.
Kapag ang pagbara ng ilong ay umabot na sa baga, maaari itong magdulot ng masmalalang mga sakit. Kabilang sa mga ito ang:
- Hika
- Pneumonia
- Bronchiolitis
- Trangkaso
Masmadaling magbara ang mga ilong ng mga baby kumpara sa mga toddler. Ito ay dahil sa kanilang masmaliit na daanan ng mga sipon. Ganunpaman, ang mga premature na baby ay mas madalas nakakaranas ng pagbara ng ilong kumpara sa mga full term.
Mas mahina ang resistensiya sa sipon ng mga batang may sakit sa baga at biktima ng secondhand smoke o nakakalanghap ng usok ng sigarilyo.
Kung viral infection ang sanhi ng sipon ng iyong anak, bukod sa baradong ilong, narito pa ang mga karaniwang sintomas na lumalabas:
- may tumutulong sipon na walang kulay pero maaaring maging yellow o green
- pagbahing
- maaaring magtuloy sa ubo
- balisa si baby
- matamlay ang bata
- nabawasan ang ganang kumain o dumede
- hirap na makatulog
- naghihilik
- lagnat
- maaring magsuka o magtae
Allergies
Ang baradong ilong ay posible ring isang senyales na mayroong allergies ang bata.
Ang allergic rhinitis ay nakukuha o namamana ng isang bata sa kaniyang pamilya. Maaaring isa o pareho sa kaniyang magulang ay mayroon nito at naipasa sa kanilang anak sa kapanganakan.
Maaring magsimula ang allergic rhinitis ng bata sa edad na 2, subalit mas karaniwan itong nakikita sa mga batang 4-taong gulang pataas.
Ilan sa karaniwang bagay sa kapaligiran na nagti-trigger ng allergies sa mga bata ay ang mga sumusunod:
- Pollen mula sa mga halaman
- Dust mites o alikabok
- Mold o lumot
- Dumi ng ipis
- Balahibo ng hayop
Kung napapansin na laging tumutulo ang sipon (na walang kulay), barado ang ilong at nangangati ang ilong at mata ng iyong anak tuwing umaga, at parang nangyayari linggo-linggo, maaring mayroong allergic rhinitis ang iyong anak.
BASAHIN:
Naghihilik ang iyong anak? Alamin kung ano ang sanhi ng paghilik ng bata
9 produkto na pang sipsip ng sipon ng baby at paano ito gagamitin
Home remedy sa baradong ilong ng bata at iba pang gamot
Nasal drops
Ayon kay Dr. Gerolaga, para sa mga sanggol, kung virus ang sanhi ng kaniyang sipon, karaniwang walang gamot na ibinibigay maliban sa supportive treatment gaya ng nasal drops. Nakakatulong ito dahil hindi pa marunong suminga o maglabas ng sipon ng mga sanggol.
Ipinapatak ang sodium chloride solution sa ilong ni baby, at gamit ang isang suction bulb o nasal aspirator (ito ay mga gawa sa goma na hugis bumbilya. Ginagamit ito bilang panghigop sa bara ng ilong ng baby), hinihigop ang sipon palabas ng ilong niya.
Paano ito ginagamit? Pisilin muna ang bilog na bahagi ng rubber nasal aspirator bago itutok sa ilong ng baby. Kapag nakapisil na, itapat ito sa butas ng ilong ng baby sabay luwagan ang pagkaka-hawak.
Subalit, may mga panahon na hindi sapat ang paggamit ng rubber aspirator lamang. Buti nalang, may ilang paraan para palambutin ang bara sa ilong bago gamitan ng rubber nasal aspirators.
Ang mga nasal drops ay maaari ring bilhin mula sa mga botika. Kadalasan itong gawa sa formula na saline o saltwater. Ito ay ipinapatak sa parehong butas ng ilong ng baby.
Gawin ito kapag napansin mong barado ang ilong ng bata, at 15 minuto bago mo siya padedehin o patulugin. Mas makakatulong ito para makahinga siya ng maluwag, makadede o makatulog nang maayos.
Siguruhin rin na hugasan at patuyuin ang nasal aspirator pagkatapos mong gamitin ito.
Vaporize
Maaaring gumamit ng vaporizer upang masmapa-lambot ang bara sa ilong. Ginagamitan rin ito ng saline solution o ng iba pang solution. Mas makakabuti na kunin muna ang payo ng doktor kung ano ang solution ang pinakamakakatulong sa iyong baby.
Isa ring paraan ng pag-vaporize ay ang paggamit ng humidifier. Nakakatulong ito na lagyan ng moisture ang hangin na maaaring magpaluwag ng paghinga ng iyong baby.
Pwede rin subukan ang home remedy na ito: dalhin si baby sa shower. Buksan ang shower at hayaan itong uminit habang karga mo si baby malayo sa shower. Makakatulong ito para lumuwag ang baradong ilong ni baby.
Pag-inom ng breastmilk
Ang patuloy na pagdede ay makakatulong na paluwagin ang paghinga ng baby. Ang breastmilk ay may laman na likas na antibodies upang mapalakas ang immunity ng baby at mapagaling sila agad.
Pagbibigay ng maraming fluids
Isang mabisang home remedy sa baradong ilong ng bata ay ang pagbibigay ng maraming tubig o fluids.
Malaking problema ang nadudulot ng dehydration lalo na sa mga bata. Labanan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming fluids.
Makakatulong ito para numipis ang nasal secretions sa iyong ilong at mabawasan ang pagbabara.
Kung si baby ay may edad na 6 na buwan pataas, maaari mo na siyang bigyan ng tubig. Subukan rin ang juice o kaya mga sopas na makakatulong nang husto para gumaling ang kaniyang sipon.
Pagkakaroon ng sapat na pahinga
Lagi namang tulog si baby. Kailangan ba talaga nila ng karagdagang pahinga?
Mapapansin na mas matamlay ang bata kapag barado ang kaniyang ilong. Ito ay dahil nga sa hirap silang huminga. Gayundin, sinusubukan ng kanilang katawan na labanan ang virus.
Kaya hikayatin ang iyong anak na magpahinga para mas mapabilis ang kanilang paggaling.
Mas makakabuti kung matutulog sila, pero hindi naman kailangang pilitin kung ayaw nila. Pwedeng hayaan na lang muna silang maglaro nang tahimik. Kung mas makakapagpahinga siya kung malapit siya sa’yo, hayaan mo lang. Pwede mo siyang basahan ng mga kwento o ihele para mapalagay siya.
Habang nagpapahinga si baby, pwede mo ring i-masahe ang bahagi ng kaniyang mukha mula sa may pagitan ng mga kilay papunta sa gilid ng ilong.
Isa pang paalala: mas mahihirapan si baby na huminga kung nakahiga siya ng patag sa kaniyang kama. Kaya mas mabuti kung itataas ang kaniyang ulo para mas makahinga siya nang maluwag. Pwede mo rin siyang kargahin habang nagpapahinga.
Pwede bang bigyan ng decongestants si baby?
Hindi epektibo ang anumang antibiotics laban sa virus na nagdadala ng sipon ng baby. Karaniwang tumatagal sa sistema ng katawan nang hanggang 10 araw ang sipon, bagamat may mga sintomas na hanggang 3 linggo nararamdaman.
Ayon kay Dr. Gerolaga, ang mga batang 2-taong gulang pataas lang ang maaaring bigyan ng mga decongestants kung barado talaga ang kanilang ilong.
Paalala pa ng doktora,
“Sa decongestants, ang kailangan lang nating matandaan ay karaniwan, hindi ito dapat lumagpas ng pagbibigay ng limang araw.”
Para naman sa sipon ng baby na dulot ng allergy, maaaring magbigay ng gamot gaya ng antihistamine. Subalit dapat ay mapatingin muna sa doktor si baby upang mabigay ng kaniyang pediatrician ang tamang dosage ng gamot sa sipon at baradong ilong.
“Karaniwan, pine-prescribe ito ng doktor. Kung ano ‘yong dosage na binigay ng doktor, iyon ang ibibigay. Safe naman po ‘yon,” ani Dr. Gerolaga.
Dahil sensitibo pa ang mga baby, iwasan na gumamit ng cotton buds sa ilong ng baby. Maaaring mapinsala ang kanilang nasal airways dahil sa pagkaskas ng bulak sa ilong.
Huwag din subukang sipsipin ang bara gamit ang inyong bibig. Ang ating mga bibig ay may iba pang bacteria na maaaring mas makasama sa iyong anak.
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Karamihan sa mga pagbara ng ilong ng baby ay hindi kailangang alalahanin. Kadalasan ay kusa itong gumagaling matapos ang ilang araw. Hindi lahat ng pagbara ng ilong ay kinakailangan ng pagdala sa doktor. Kung hindi nito naaapektuhan ang kanyang pagkain at masigla pa rin si baby, hayaan lang itong mawala nang kusa.
Subalit, mangyaring magpakonsulta sa inyong pediatrician kapag mapansin ang mga sumusunod:
- Bara ng ilong na hindi nawala o bumuti sa loob ng 5 araw
- Mabilis na paghinga ng sanggol
- Hirap ng paghinga na nakaka-apekto sa pagkain o pagtulog ng baby
- Pagkulay asul ng mga labi o bahagi ng ilong
- Ang baby ay tila hindi naiihi sa kanyang diapers
- Nagdulot na ng pagsusuka
- Nilalagnat
Paano makakaiwas sa sipon si baby?
Para hindi maranasan ni baby ang hirap ng baradong ilong, mas mainam kung iiwasan na lang siyang magkaroon ng sipon.
Mahina pa ang immune system ng mga bata kaya mas madali silang mahawa o makakuha ng sakit. Hindi pa rin sila maaring uminom ng maraming gamot. Pero maaari pa ring iwasan ang baradong ilong o sipon sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Siguruhing updated si baby sa mga vaccine na dapat niyang matanggap ayon sa kaniyang edad upang makaiwas sa mga sakit.
- Iwasang ilapit si baby sa mga taong may sakit. Kung ikaw ang may sakit, magsuot ng mask tuwing padededehin o aalagaan ang iyong sanggol.
- Maliban na lang kung kailangan, huwag munang ilabas si baby sa mga pampublikong lugar kung saan makakasagap siya ng virus.
- Ugaliing maghugas ng kamay at paalalahanan rin ang mga taong kakarga kay baby na maghugas muna ng kamay.
- Linisin nang mabuti ang mga laruan ni baby gamit ang sabon at tubig.
- Dapat ay magkaroon ng hiwalay na gamit sa pagkain si baby tulad ng baso, plato at kubyertos.
- Kung malaki na ang iyong anak, turuan siya ng tamang paraan ng pagbahing sa tissue o sa kaniyang siko sa halip na sa kamay o sa hangin.
- Ilayo si baby sa mga taong naninigarilyo.
Huling payo ni Dr. Gerolaga, importante na palakasin ang immune system ng bata at obserbahan kung lumalala ang kaniyang mga sintomas.
Kung mayroong katanungnan tungkol sa pagbabara ng ilong ni baby o may napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag magdalawang-isip na kumonsulta sa kaniyang doktor.
Source:
WebMD, Healthline, ClevelandClinic
Dito sa theAsianparent Philippines, mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerekomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
- #AskDok: Ano ang gamot para sa baradong ilong ng mga bata dahil sa sipon?
- #AskDok: Ano ang gamot para sa baradong ilong dahil sa sipon?
- 8 rason kung bakit hindi sumusunod ang bata kahit paulit-ulit ng pinagsabihan
- Sylvia Sanchez nangangamba sa paglipat ni Ria Atayde: "Pag bahay mo, hindi dapat maging tambayan."