#AskDok: Puwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?

#AskDok: Puwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?

Narito kung paano ang tamang pagpaligo kay baby kapag siya ay may ubo at sipon ayon sa mga eksperto.

Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon? Narito ang sagot sa tanong na ito ng mga eksperto.

Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon

Image from Freepik

Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?

Isa ito sa madalas na itinatanong ng mga magulang lalo na ang mga first time moms. Dahil ito sa pag-alala na baka kapag pinaliguan sila ay mas lumala pa ang sakit na kanilang nararamdaman. Ngunit sa mga panahon tulad ngayon na mainit at maalinsangan, ay malaki ang maitutulong ng paliligo para sila ay maginhawaan. Kaya naman ang isang malaking tanong ng mga magulang, pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?

Sagot ng mga eksperto

Ayon kay Dr. Alan Greene, isang pediatrician at clinical professor mula sa Stanford University, ang pagpapaligo sa isang sanggol na may ubo at sipon ay ayos lang. Basta hindi lang siya lalamigin kapag ginawa ito.

“Bathing your baby is okay, as long as she doesn’t get too chilled.”

Ito ang sagot ni Dr. Greene sa katanungan.

Habang ayon naman kay Dr. Gel Maala, isang Filipino pediatrician, ang pagpapaligo sa isang baby kapag ito ay may ubo at sipon ay depende sa pakiramdam o kondisyon ng sanggol. Kung sila ay mukha namang ok at masigla parin sa kabila ng nararamdaman ay puwede parin silang paliguan. Basta ang gagamiting tubig lang ay maligamgam o lukewarm. Dahil ang steam o usok mula rito ay nakakatulong para maibsan ang bara sa kanilang ilong at dibdib. Ang resulta mas nagiging maluwag ang kanilang paghinga.

“It is a case to case basis. It’s okay to give them baths when afflicted with mild flu, especially when you use lukewarm water. It is soothing for them plus the temperature helps to loosen up clogged nose.”

Ito ang pahayag ni Dr. Gel.

Ngunit kung si baby daw ay masama talaga ang pakiramdam at umiiyak kung mapaliguan ay mas mabuti munang ipagpaliban ito. At sa halip ay punasan lang siya ng basang bimpo upang malinisan.

“Sometimes when the baby is not really feeling well, they become fussy during bath time. We can do sponge bath using wash cloth to clean them.”

Ito ang dagdag pang pahayag ni Dr. Gel.

Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon

Image from Freepik

Mga paalala sa pagpapaligo kay baby kapag siya ay may ubo at sipon

Samantala, ayon naman kay Dr. Laura Hirl, isang pediatrician mula sa West Des Moines, Iowa, USA, ang pagbibigay ng lukewarm bath sa isang may sakit na sanggol ay nakakatulong upang ma-regulate sa normal ang kanilang body temperature. Nakakatulong rin ito sa pagpapalambot ng mucus na bumabara sa kanilang ilong at nagdudulot ng ubo.

Mahalaga lang na tandaan sa bawat kada paligo gamit ang maligamgam na tubig ay kailangan ng 20-30 minutes ng kanilang katawan upang makapag-adjust muli sa room temperature sa kanilang paligid. Sa loob ng mga oras na ito ay dapat iiwas muna sila sa electric fan o air conditioner. Dahil lalamigin ang kanilang katawan na maaring mas magpalala ng kanilang ubo at sipon.

Payo naman ng isang artikulo na nailathala sa website na Baby Center, mainam na ibalot muna ang isang sanggol sa hooded towel matapos ang paliligo. Ito ay upang matuyo ang kaniyang katawan. Saka sila i-cuddle o yakapin sa loob ng 10 minuto upang mainitan ang kanilang katawan bago sila tuluyang bihisan.

Hindi rin dapat umano masyadong tumatagal ang paliligo ng isang sanggol. Dapat ay nasa pagitan lang ito ng 5-10 minuto. Dahil maliban sa lalamigin sila sa matagal na pagkakababad sa tubig ay maari ring mag-dry dahil rito ang kanilang balat.

Pwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon

Image from Freepik

Iba pang paraan para maginhawaan si baby kapag siya ay may ubo at sipon

Samantala, dagdag na payo pa ni Dr. Hirl, maliban sa lukewarm bath, isa pang paraan upang maginhawaan ang isang sanggol sa oras na siya ay may ubo at sipon ay sa pamamagitan ng paggamit ng saline drops at nose suction.

Paliwanag niya dahil sa hindi pa kayang isinga ng mga sanggol ang sipon sa kanilang ilong, ang pagpapatak ng small amount ng saline drops ay makakatulong upang ma-clear o ilabas ng kanilang ilong ng kusa ang sipon. Habang ang paggamit naman ng nose suction ay makakatulong upang masipsip ang natira pang sipon sa loob ng kaniyang ilong. Na magreresulta ng mas maluwag nilang paghinga.

“Infants can’t blow their noses like adults, and therefore, using a small amount of saline to the nose followed by suction allows the nasal passages to be cleared more effectively than just wiping the outside of the nose. They’ll breathe easier and sleep better if their nasal passages are cleared.”

Ito ang dagdag na pahayag pa ni Dr. Hirl. Pero paalala niya sa oras na hindi parin bumubuti ang kondisyon ng isang sanggol o mas lalong lumalala pa ito, dapat ay ibalik siyang muli sa kaniyang doktor upang muling matingnan. Dahil maaring hindi lang ito basta ubo o sipon na kailangan ng agad na maagapan at malunasan.

 

Source:

Unity Point, Baby Center

Basahin:

#AskDok: Ano ang gamot para sa baradong ilong dahil sa sipon?

May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!

Kung ano mang opinyon o ideya ang naibahagi dito ay sariling opinyon at ideya ng may katha; at walang kinalaman at hindi nagsasaad ng posiyon ng theAsianparent at ang mga cliente nito.
Article Stories
app info
get app banner