Sa isang article dito sa theAsianparent, tinalakay ang tungkol sa sipon o tinatawag ring common cold.
Ito ay isang viral infection na tumatama sa ilong at lalamunan, partikular sa upper respiratory tract.
Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center, maraming puwedeng panggalingan ang sipon sa mga bata.
Ang pangunahing sanhi ng baradong ilong ng bata ay sipon na mula sa mga virus. Kadalasan ito ay kapag mayroong nalanghap na virus o mikrobyo ang bata at nakarating ito sa kanilang sistema.
“Tandaan natin na ang infection sa baga o mga problema ay karaniwang dahil sa nai-inhale ng tao. Kung ano ang na-inhale o nalagay sa mouth at nose, at napupunta sa respiratory tract.” ani Dr. Gerolaga.
Dagdag pa ng doktora, karaniwan sa mga batang edad 5 pababa ang magkaroon ng sipon na sanhi ng virus 6 hanggang 8 beses sa loob ng isang taon.
Ito ay dahil nagde-develop pa ang kanilang immune system, kaya madali pa silang mahawa kapag mayroong sipon ang tao sa paligid nila.
Gayundin, dahil hindi pa sila maingat sa mga bagay at maaring may virus ang mga hinahawakan o isinusubo nila, mas mabilis silang magkaroon ng virus.
Ang virus na nagsasanhi ng sipon ay tinatawag na rhinoviruses. Dumaraan ang virus sa bibig, ilong at mata papunta sa buong katawan. Nakukuha ang virus sa paghawak o pagbahing, pati paggamit ng mga kubyertos o gamit ng may sakit.
Kapag ang pagbara ng ilong ay umabot na sa baga, maaari itong magdulot ng masmalalang mga sakit. Kabilang sa mga ito ang:
- Hika
- Pneumonia
- Bronchiolitis
- Trangkaso
Masmadaling magbara ang mga ilong ng mga baby kumpara sa mga toddler. Ito ay dahil sa kanilang masmaliit na daanan ng mga sipon. Ganunpaman, ang mga premature na baby ay mas madalas nakakaranas ng pagbara ng ilong kumpara sa mga full term.
Mas mahina ang resistensiya sa sipon ng mga batang may sakit sa baga at biktima ng secondhand smoke o nakakalanghap ng usok ng sigarilyo.
Larawan mula sa Pixabay
Kung viral infection ang sanhi ng sipon ng iyong anak, bukod sa baradong ilong, narito pa ang mga karaniwang sintomas na lumalabas:
- may tumutulong sipon na walang kulay pero maaaring maging yellow o green
- pagbahing
- maaaring magtuloy sa ubo
- balisa si baby
- matamlay ang bata
- nabawasan ang ganang kumain o dumede
- hirap na makatulog
- naghihilik
- lagnat
- maaring magsuka o magtae
Allergies
Ang baradong ilong ay posible ring isang senyales na mayroong allergies ang bata.
Ang allergic rhinitis ay nakukuha o namamana ng isang bata sa kaniyang pamilya. Maaaring isa o pareho sa kaniyang magulang ay mayroon nito at naipasa sa kanilang anak sa kapanganakan.
Maaring magsimula ang allergic rhinitis ng bata sa edad na 2, subalit mas karaniwan itong nakikita sa mga batang 4-taong gulang pataas.
Ilan sa karaniwang bagay sa kapaligiran na nagti-trigger ng allergies sa mga bata ay ang mga sumusunod:
- Pollen mula sa mga halaman
- Dust mites o alikabok
- Mold o lumot
- Dumi ng ipis
- Balahibo ng hayop
Kung napapansin na laging tumutulo ang sipon (na walang kulay), barado ang ilong at nangangati ang ilong at mata ng iyong anak tuwing umaga, at parang nangyayari linggo-linggo, maaring mayroong allergic rhinitis ang iyong anak.
BASAHIN:
Naghihilik ang iyong anak? Alamin kung ano ang sanhi ng paghilik ng bata
#AskDok: Puwede ba paliguan ang baby na may ubo at sipon?
9 produkto na pang sipsip ng sipon ng baby at paano ito gagamitin
Home remedy sa baradong ilong ng bata at iba pang gamot
Nasal drops
Ayon kay Dr. Gerolaga, para sa mga sanggol, kung virus ang sanhi ng kaniyang sipon, karaniwang walang gamot na ibinibigay maliban sa supportive treatment gaya ng nasal drops. Nakakatulong ito dahil hindi pa marunong suminga o maglabas ng sipon ng mga sanggol.
Ipinapatak ang sodium chloride solution sa ilong ni baby, at gamit ang isang suction bulb o nasal aspirator (ito ay mga gawa sa goma na hugis bumbilya. Ginagamit ito bilang panghigop sa bara ng ilong ng baby), hinihigop ang sipon palabas ng ilong niya.
Paano ito ginagamit? Pisilin muna ang bilog na bahagi ng rubber nasal aspirator bago itutok sa ilong ng baby. Kapag nakapisil na, itapat ito sa butas ng ilong ng baby sabay luwagan ang pagkaka-hawak.
Subalit, may mga panahon na hindi sapat ang paggamit ng rubber aspirator lamang. Buti nalang, may ilang paraan para palambutin ang bara sa ilong bago gamitan ng rubber nasal aspirators.
Image from Freepik
Ang mga nasal drops ay maaari ring bilhin mula sa mga botika. Kadalasan itong gawa sa formula na saline o saltwater. Ito ay ipinapatak sa parehong butas ng ilong ng baby.
Gawin ito kapag napansin mong barado ang ilong ng bata, at 15 minuto bago mo siya padedehin o patulugin. Mas makakatulong ito para makahinga siya ng maluwag, makadede o makatulog nang maayos.
Siguruhin rin na hugasan at patuyuin ang nasal aspirator pagkatapos mong gamitin ito.
Vaporize
Maaaring gumamit ng vaporizer upang masmapa-lambot ang bara sa ilong. Ginagamitan rin ito ng saline solution o ng iba pang solution. Mas makakabuti na kunin muna ang payo ng doktor kung ano ang solution ang pinakamakakatulong sa iyong baby.
Isa ring paraan ng pag-vaporize ay ang paggamit ng humidifier. Nakakatulong ito na lagyan ng moisture ang hangin na maaaring magpaluwag ng paghinga ng iyong baby.
Pwede rin subukan ang home remedy na ito: dalhin si baby sa shower. Buksan ang shower at hayaan itong uminit habang karga mo si baby malayo sa shower. Makakatulong ito para lumuwag ang baradong ilong ni baby.
Pag-inom ng breastmilk
Ang patuloy na pagdede ay makakatulong na paluwagin ang paghinga ng baby. Ang breastmilk ay may laman na likas na antibodies upang mapalakas ang immunity ng baby at mapagaling sila agad.
Pagbibigay ng maraming fluids
Isang mabisang home remedy sa baradong ilong ng bata ay ang pagbibigay ng maraming tubig o fluids.
Malaking problema ang nadudulot ng dehydration lalo na sa mga bata. Labanan ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng maraming fluids.
Makakatulong ito para numipis ang nasal secretions sa iyong ilong at mabawasan ang pagbabara.
Kung si baby ay may edad na 6 na buwan pataas, maaari mo na siyang bigyan ng tubig. Subukan rin ang juice o kaya mga sopas na makakatulong nang husto para gumaling ang kaniyang sipon.
Subalit kung bago pa lang sa pagkain ng solid foods si baby, kumonsulta muna sa kaniyang pediatrician upang masiguro na pwede sa kaniya ang fruit juice o sopas na iyong ibibigay.