Barado ba ang ilong ng sanggol? Alamin dito ang mabisang gamot sa sipon ng baby.
Mababasa sa artikulong ito:
- Mga posibleng sanhi ng sipon
- Sintomas at gamot sa sipon ng baby
- Paraan para maiwasan ang sipon sa mga bata
Panahon ng tag-ulan karaniwang umaatake ang sipon. Mga batang 6 na taong gulang pababa ang pinakamadaling dapuan ng sakit na ito, bagama’t ito pangkaraniwan ito sa anuman edad at maaring sintomas ng isa pang sakit. Kadalasang tanong ng mga magulang: “Ano ang mabisang gamot sa sipon ng baby at ng bata?”
Subalit upang malaman kung ano ang tamang gamot sa sipon ng baby, kailangan munang alamin kung ano ang sanhi at mga sintomas nito.
Sanhi ng sipon
Ang sipon o tinatawag ring common cold ay isang viral infection ng ilong at lalamunan, partikular sa upper respiratory tract.
Ayon kay Dr. Romina Gerolaga, isang pediatrician at eksperto sa pediatric pulmonology mula sa Makati Medical Center, maraming puwedeng panggalingan ang sipon sa mga bata. Kadalasan ito ay kapag mayroon siyang nalanghap na virus o mikrobyo at nakarating ito sa ating sistema.
“Tandaan natin na ang infection sa baga o mga problema ay karaniwang dahil sa nai-inhale ng tao. Kung ano ang na-inhale o nalagay sa mouth at nose, at napupunta sa respiratory tract.” aniya.
Sabi ng doktora, karaniwan sa mga batang edad 5 pababa ang magkaroon ng sipon ba sanhi ng virus 6 hanggang 8 taon sa isang taon.
Ito ay dahil nagde-develop pa ang kanilang immune system, kaya madali pa silang mahawa kapag mayroong sipon ang tao sa paligid nila, o kaya naman dahil hindi pa sila maingat sa mga bagay at maaring may virus ang mga hinahawakan o isinusubo nila.
Maraming uri ng virus ang nagiging sanhi ng sipon, pero pinakakaraniwan ang rhinoviruses. Sa bibig, ilong at mata dumadaan ang virus, papunta sa buong katawan. Nakukuha ang virus sa paghawak o pagbahing, pati paggamit ng mga kubyertos o gamit ng may sakit.
Mas mahina ang resistensiya sa sipon ng mga batang may sakit sa baga at biktima ng secondhand smoke o nakakalanghap ng usok ng sigarilyo.
Ang sipon ay isa ring karaniwang senyales na may allergy ang bata. Para malaman kung allergy ba o virus ang pinagmumulan ng sipon, kailangang obserbahan ang mga sintomas nito.
Sintomas ng sipon
Kung viral infection ang sanhi ng sipon ng iyong anak, narito ang mga karaniwang sintomas na lumalabas:
- baradong ilong
- may tumutulong sipon na walang kulay pero maaaring maging yellow o green
- pagbahing
- maaaring magtuloy sa ubo
- balisa si baby
- matamlay ang bata
- nabawasan ang ganang kumain
- hirap na makatulog
- lagnat
- maaring magsuka o magtae
Kung laging tumutulo ang sipon (na walang kulay), barado ang ilong at nangangati ang ilong at mata ng iyong anak tuwing umaga, at parang nangyayari linggo-linggo, maaring mayroong allergic rhinitis ang iyong anak.
Gamot sa sipon ng bata | Image from Freepik
Kailan dapat kumonsulta sa doktor?
Kung wala pang 3 buwan si baby at nakakaranas ng sintomas ng sipon, lalo na kapag nilalagnat, kumonsulta na agad sa doktor. Maaari itong maging senyales ng mas malubhang sakit gaya ng pulmonya o ear infection.
Gayundin, kung ang sipon ng iyong anak ay kulay yellow o green, nanggagaling lang sa isang butas ng ilong at may pananakit sa pinsngi at pagdurugo ng ilong, kumonsulta na agad sa doktor.
Narito pa ang ilang senyales na dapat nang tumawag sa doktor:
- lagnat na 38.8°C pataas
- nahihirapang huminga
- walang ganang dumede, kumain o uminom ng tubig
- walang luha kapag umiiyak
- kaunti ang ihi
- matamlay o laging inaantok
Kailangang bantayan ang sintomas ng sipon ng iyong anak at siguruhing maagapan ito bago humantong sa dehydration, na lubhang delikado sa mga bata.
BASAHIN:
Mga sintomas ng pulmonya sa baby na dapat bantayan
#AskDok: Totoo bang nagkakasakit ang bata kapag natuyuan ng pawis?
#AskDok: Nakakahawa ba ang pneumonia?
Gamot sa sipon ng baby
Ayon kay Dr. Gerolaga, para sa mga sanggol, kung virus ang sanhi ng kaniyang sipon, karaniwang walang gamot na ibinibigay maliban sa supportive treatment gaya ng nasal drops. Nakakatulong ito dahil hindi pa marunong suminga o maglabas ng sipon ng mga sanggol.
Ipinapatak ang sodium chloride solution sa ilong ni baby, at gamit ang isang suction bulb o nasal aspirator, hinihigop ang sipon palabas ng ilong niya.
Hindi epektibo ang anumang antibiotics laban sa virus na nagdadala ng sipon ng baby. Karaniwang tumatagal sa sistema ng katawan nang hanggang 10 araw ang sipon, bagamat may mga sintomas na hanggang 3 linggo nararamdaman.
Bagamat walang gamot sa sipon ng baby, may mga puwedeng gawin para maibsan ang mga sintomas nito:
- Kung breastfed ang baby, panatilihin ang pagpapasuso dito. Lubos na masustansya ang gatas ng ina at nagbibigay ito ng karagdagang antibodies para malabanan ni baby ang sakit.
- Kapag umiinom na ng tubig ang baby (mula 6 na buwan pataas), hayaan siyang uminom ng tubig upang mapanatili siyang hydrated.
- Gumamit ng humidifier para magkaroon ng moisture ang hangin.
- Kapag barado ang ilong ng baby, gumamit ng nasal aspirator para makahinga ito ng mabuti.
Ayon kay Dr. Gerolaga, sa mga batang mahigit 2-taong gulang, maaari na ring magbigay ng mga decongestants kung barado talaga ang kanilang ilong.
Subalit paalala ng doktora,
“Sa decongestants, ang kailangan lang nating matandaan ay karaniwan, hindi ito dapat lumagpas ng pagbibigay ng limang araw.”
Para naman sa sipon ng baby na dulot ng allergy, maaaring magbigay ng gamot gaya ng antihistamine, subalit dapat ay mapatingin muna sa doktor si baby upang mabigay ng kaniyang pediatrician ang tamang dosage ng gamot sa sipon ng baby.
Gamot sa sipon ng bata | Image from Unsplash
Paano makakaiwas sa sipon si baby?
Dahil walang naibibigay na gamot sa sipon ng baby, mas mainam kung iiwasan na lang na magkaroon ng sakit ang iyong sanggol.
Gaya ng nabanggit, mahina pa ang immune system ng mga bata kaya mas madali silang mahawa o makakuha ng sakit. Subalit maaari pa ring iwasan ito sa pamamagitan ng mga sumusunod:
- Huwag ilapit si baby sa mga taong may sakit. Kung ikaw ang may sakit, magsuot ng mask tuwing padededehin o aalagaan ang iyong anak.
- Kung hindi kailangan, iwasang ilabas si baby sa mga pampublikong lugar kung saan makakasagap siya ng virus.
- Ugaliing maghugas ng kamay. Paalalahanan rin ang mga taong kakarga kay baby na maghugas muna ng kamay.
- Linisin ang mga laruan ni baby gamit ang sabon at tubig.
- Dapat magkaroon ng sariling gamit sa pagkain si baby tulad ng baso, plato at kubyertos.
- Kung malaki na ang iyong anak, turuan siya na bumahing sa tissue o sa kaniyang siko sa halip na sa kamay o sa hangin.
- Ilayo si baby sa mga taong naninigarilyo.
Huling payo ni Dr. Gerolaga, importante na palakasin ang immune system ng bata at obserbahan kung lumalala ang kaniyang mga sintomas.
Kung mayroong katanungnan tungkol sa sipon ni baby o may napapansing kakaiba sa ikinikilos ng iyong anak, huwag magdalawang-isip na tumawag sa kaniyang doktor.
SOURCES:
MayoClinic, WebMD, Healthline
Dito sa theAsianparent Philippines ay mahalaga sa amin ang makapagbigay ng impormasyon na wasto, makabuluhan at napapanahon ngunit hindi ito dapat gawing pamalit sa payo ng doktor, o kaya sa medical treatment. Walang pinanghahawakang responsibilidad ang theAsianparent Philippines sa mga nagnanais na uminom ng gamot base sa impormasyon sa aming website. Kung mayroong agam-agam, ay nirerecomenda naming magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng mas malinaw na impormasyon.
May katanungan tungkol sa pagpapalaki ng anak? Basahin ang mga artikulo o magtanong sa kapwa magulang sa aming app. I-download ang theAsianparent Community sa iOS o Android!