Kapag may sipon ang bata, karaniwan na ang pagbigay sa kanila ng gamot na nakakapawi ng sintomas ng sipon. Bukod dito, gumagamit din ng mga pampahid ang ibang mga magulang para makatulong. Ngunit ayon sa isang pag-aaral, hindi raw epektibo ang mga decongenstant o gamot sa baradong ilong para sa mga bata. Dagdag pa nila, ito raw ay posible pang makasama sa kanila!
Bakit hindi epektibo ang mga decongestant sa bata?
Sabi ng mga eksperto, hindi raw dapat ibigay ang mga decongestant sa mga batang edad 6 pababa, at kung ibibigay naman sa mga batang 12 pababa, dapat ay limitahan lang ang paggamit nito.
Ayon sa kanila, natural na gumagaling ang mga bata sa sipon, dahil isang virus ang sanhi nito. Matapos ng ilang araw, ay malalabanan din naman ito ng kanilang immune system.
Bukod dito, wala rin daw patunay na epektibo ito sa mga bata na edad 6 pababa. Nakakasama pa raw ang paggamit ng gamot sa baradong ilong, dahil puwedeng maging sanhi ng pagka-antukin, o kaya sakit ng tiyan ang mga gamot na ito.
Pagdating naman sa mga vapor rub, posible daw itong maging sanhi ng skin rashes sa mga bata.
Hindi rin daw ito maganda para sa mga matatanda
Dagdag pa ng mga researcher na para sa mga matatanda, nakakatulong daw ng kaunti ang mga decongestant. Pero puwede daw itong maging sanhi ng sakit ng ulo, sakit ng tiyan, at pagkapuyat.
Kapag nasobrahan pa raw ang paggamit ng mga ito, posibleng lalong lumala at tumagal ang mga sintomas ng sipon.
Mas mabuti raw na hayaan na lang mawala ng natural ang sipon, at palakasin ang resistensya upang labanan ang sakit. Natural lang daw ang ganitong mga sintomas, at hindi dapat masyadong mag-alala ang mga magulang kapag sinipon ang kanilang anak.
Ano ang magandang gamot sa baradong ilong ng bata?
Ang mga sintomas ng sipon, tulad ng baradong ilong, ay hindi komportable para sa mga bata. Kaya’t maraming magulang ang naghahanap ng mga gamot at iba pang solusyon para sa baradong ilong.
Ngunit mayroon namang mga gamot sa baradong ilong na natural, at hindi makakasama sa mga bata. Heto ang mga puwede mong gawin:
- Gumamit ng steam upang mabawasan ang bara sa kanilang ilong.
- Nakakatulong ang mga nasal drops, o nasal aspirator upang matanggal ng direkta ang mucus na nasa ilong ng bata.
- Malaking tulong ang pag-inom ng liquids, lalo na ng tubig kapag mayroong sipon.
- Kailangan din ng iyong anak ng sapat na pahinga kapag siya ay mayroong sipon.
- Minsan, nakakatulong ang pagtulog ng nakaupo upang hindi bumara ang mucus sa ilong.
Source: Daily Mail
Basahin: Sipon o allergic rhinitis na ba?